Inday TrendingInday Trending
Hindi Napapagod ang Matandang Dalaga na Ito sa Paggawa ng Mabuti; ‘Di Niya Alam ay Masusuklian Pala Ang Kaniyang Ginintuang Puso!

Hindi Napapagod ang Matandang Dalaga na Ito sa Paggawa ng Mabuti; ‘Di Niya Alam ay Masusuklian Pala Ang Kaniyang Ginintuang Puso!

Nakapusod na ang buhok at mabilis na naghanda ng kanin at dalawang piraso ng hotdog si Maritess upang ibaon sa pagpasok. Nakabukod naman ang isa pang Tupperware ng kanin at piraso ng hotdog. Laging ganito ang kaniyang dinadala upang may maibigay siya kung mayroon mang bata o matanda na haharang sa kaniya para manghingi ng barya. Aniya, mas maigi ito dahil sa araw-araw ay mayroon siyang napupunong tiyan.

Mag-isa siya sa buhay dahil hindi na niya napursigi ang pag-aasawa sa kadahilanang naging abala siya sa pagpapa-aral ng kaniyang mga pamangkin. Subalit ngayong may edad na rin siya, wala ni isa ang nangangamusta sa kaniya. Subalit lahat ng iyon ay ayos lamang para sa kaniya. Para sa kaniya, perpekto na ang kaniyang buhay ngayon- tahimik at nakakakain ng sapat sa araw-araw.

“Magandang umaga ho, Manong Roy!” bati niya sa sekyu na nasa pintuan ng pinagta-trabahuang babuyan kung saan nagtatrabaho siya bilang taga-katay ng baboy. Sa labinlimang taon niya rito, alam na alam na niya ang pasikot-sikot sa ganitong negosyo. Isa rin siya sa pinaka-pinagkakatiwalaan ng may-ari ng negosyo. Isa rin sa kaniyang pangarap ay ang magkaroon ng sariling negosyo na kagaya nito.

Pagpasok pa lamang niya sa pasilidad, amoy na kaagad ni Maritess na mayroong problema. Tahimik ang lahat at ang tanging nakapukaw ng kaniyang mata ay ang nakakalat na kagamitan sa lapag. Pati na rin ang isang binatang naluluha sa may sulok ng kwartong iyon.

“Alis na muna kayong lahat dito,” marahang tinig na sabi ni Tess sa mga kasamahan. Iyong minuto din na iyon, agad na naubos ang tao sa silid na iyon.

Lumakad siya papunta sa binata at inakap ito. Lalo namang humagulgol ng iyak ang binata ng sandaling iyon.

“Alam kong may problema ka. Lahat tayo mayroon. Pero hindi ka dapat nagwawala dito dahil maraming tao ang maaapektuhan. Kinuha kita dahil sabi mo hindi ka makakuha ng trabaho dahil kakalaya mo lang. Anuman ang sabihin ng ibang tao, sana naman piliin mong ayusin ang buhay mo, Boy,” ang marahang tinig ni Tess ang narinig ng binatang ito na patuloy naman sa pag-iyak.

Sa tuwing magkakaroon ng problema na kagaya nito, si Tess lamang ang kumakausap sa mga tauhan doon. Ngunit kahit na isang impormasyon, walang nailalabas. Kaya naman malaki ang respeto ng lahat kay Tess. Nang umaga din na iyon, masayang nagkapatawaran ang lahat at sabik na nagtrabaho ulit.

“Okay, tapos na tayo ngayon. Nailagay na ang lahat ng mga kagamitan sa loob. Nalinis na rin ang freezer room. Mahusay! Kita ulit tayo bukas!” maligayang bati ni Tess matapos ang isang nakakapagod na araw.

“Magandang gabi po Manong Roy! Bye po.” Muling bati ni Tess sa sekyu na si Roy.

Sa kaniyang pag-uwi, habang siya’y naglalakad, isang magaang na kalabit ang kaniyang naramdaman sa kaniyang likuran.

“Holdap ‘to, wag kang gagalaw!” mahinang bulong nito sa kaniya.

Bilog bilog ang kaniyang pawis at ang tanging sambit lamang niya ay ang panalanging makaalis nang buhay sa sitwasyong iyon. Hinubad niya sa kaniyang braso ang relo, singsing pati na hikaw na suot niya at ibinigay ito sa lalaking nakatakip ang mukha. Hindi na niya alintana ang matitira sa kaniya dahil dama ng kaniyang balat ang matulis na patalim na nakatutok sa kaniya.

Hinila siya ng lalaking ito papunta sa mas madilim pa na bahagi ng kalsada at kung saan walang katao-tao. Habang si Tess patuloy pa rin sa kaniyang pagsambit ng panalangin at nakapikit. Nang masiguro ng lalaki na wala nang ibang makukuha pa kay Tess, muli niyang tinutok ang patalim sa bandang leeg ni Tess.

“Ito na. Wala na,” bulong niya sa kaniyang sarili. Subalit biglang isang malaking tinig ng lalaki ang narinig na nagpatakbo sa lalaking nang-holdap kay Tess. Iyon ay si Boy!

Sinamahan ni Boy na maglakad pauwi ng bahay si Tess dahil delikado na ng mga oras na iyon. Buti na lamang at naisip ni Boy na magpasalamat muli kay Tess kaya naman nakahabol siya kaagad at walang ibang masama na nangyari.

Sa kaniyang kama, bago matulog, puno pa rin ng pasasalamat si Tess. Akala niya’y katapusan na niya kanina. Tunay ngang pinagpapala ang mga taong nagsisilbing pagpapala sa ibang tao!

Kinabukasan, tuloy pa rin ang routine sa buhay ni Maritess.

“Magandang umaga po Mang Roy!” bati niya sa sekyu na nakangiti sa may pintuan.

Nang maghapon na, naisip ni Tess na maaga umuwi upang hindi na mangyari ang naganap kagabi sa kahit na sinuman. Pinauwi na niya ang lahat at handa na rin siyang umuwi. Palabas na siya sa pasilidad ng makapa niya sa bag na wala roon ang kaniyang susi. Muli siyang bumalik at hinanap kung saan niya napatong ang kaniyang mga susi. Hindi na niya namalayan ang oras at pumasok sa sa freezer room kung saan matindi ang lamig. Mayroon sistema na kusa itong nagsasarado ng ala-sais ng gabi at hindi ito nabubuksan mula sa loob.

Ilang minuto lamang ang nakakalipas, patuloy na kinakalabog ni Tess ang bakal at makapal na pinto ng silid. Hinang-hina na rin siya at halos wala nang lakas. Sabay pa nito ang sobrang lamig para sa kaniya. Ilang sandali pa, alam na ni Tess na oras na nga niya. Nagpasalamat pa rin siya dahil binigyan pa siya ng panibagong araw na mabuhay. Lumalabo na ang kaniyang paningin at tuluyan na nga siyang nawalan ng malay.

Kinaumagahan, muling nasilayan ni Tess ang panibagong araw kung saan siya ay nasa ospital. Naroon si Boy at ang iba pang mga kasamahan. Natagpuan pala siya ni Roy sa loob ng silid ilang sandali lamang matapos siyang mawalan ng malay. Ani Roy, hindi niya raw kasi narinig ang bati ni Tess kaya naman hinanap niya ito sa loob.

Laking pasalamat ni Tess sa pangyayaring iyon sa buhay niya. Kung hindi siya regular na bumabati sa kanilang gwardiya’y baka iyon na nga ang naging katapusan ng kaniyang buhay. Nagsilbi naman itong aral sa iba na ang simpleng mga akto ng kabutihan ay tunay ngang sinusuklian ng isa ring kabutihan.

Advertisement