Dahil sa Inggit, Pilit na Inalam ng Dalaga ang Tinatagong Sikreto ng Bagong Kasamahan sa Trabaho; Magugulat Siya sa Kaniyang Matutuklasan

Dahil sa Inggit, Pilit na Inalam ng Dalaga ang Tinatagong Sikreto ng Bagong Kasamahan sa Trabaho; Magugulat Siya sa Kaniyang Matutuklasan

InspiringKarmaStories

“Grabe talaga si Georgia, mars! Kanina sa locker room nakita ko ‘yung bag niya. Alam ko mamahalin ‘yun pero nung tinanong ko siya, sabi niya peke lang daw. Pero sa tingin ko pa lamang ay halatang orihinal iyon at talagang mamahalin,” sambit ni Martia sa ka-opisina niyang si Niki. 

“Kung titingnan mo nga ‘yang babaeng ‘yan ay halatang may iba sa kaniya, ano? Kasi imposible namang sa position niya rito sa opisina ay makabili siya ng ganoon,” bulalas din ni Niki sa kaibigan. 

“Hindi mo naman puwedeng sabihin na galing sa mayamang pamilya kasi bakit iyan lang ang napili niyang trabaho. Sa tingin ko, may dyowa ‘yang mayaman – mayamang matanda!” nagtawanan ang dalawa. 

Mag-iisang buwan na si Georgia sa kanilang opisina bilang isang receptionist. Usap-usapan siya ng mga dati ng empleyado dito. Laman siya ng kwentuhan ng mga kababaihan dahil laman siya madalas ng mga kwentuhan ng kalalakihan. Maganda kasi si Georgia at palangiti. Magaling din itong makisama at ang tingin ng ilang kababaihan ay taktika niya ito upang mabihag ang lahat ng kalalakihan na nagtatrabaho sa kanilang opisina. 

Kaya ganoon na lamang ang laki ng inggit sa kaniya ng ibang empleyado lalo na sila Martia at Niki. 

“Bantayan mo ‘yang si Carlo, Martia. Nakita ko kahapon ay nakikipagtawanan kay Georgia. Akala ko ba ay may pagtingin sa’yo ang binatang ‘yon? Bakit parang mas malapit na sila ni Georgia,” wika ni Niki sa kaibigan. 

“Sabagay, hindi ka naman talaga niligawan nitong si Carlo. At sa tingin ko ay may pag-asa siya kay Georgia dahil mapera ‘yang si Carlo, hindi ba?” sulsol muli ng kaibigan. 

Lubusang inis ang naramdaman ni Martia sa kaniyang narinig. Dahil dito ay mas umigting ang pagnanais niyang malaman kung ano ang tunay na pagkatao nitong si Georgia. 

“Georgia, tara! Sabay ka ng kumain sa amin ni Niki,” paanyaya ni Martia kay Georgia. Agad naming pinaunlakan ito ng dalaga. 

“Kumusta naman ang pagtatrabaho mo rito sa amin? Naku, pagpasensiyahan mo na ang ibang lalaki dito sa opisina at ganiyan talaga sila kapag may bagong dating. Mga nagpapapansin,” sambit ni Martia 

“Naku, wala iyon sa akin. Sa katunayan nga, nababaitan ako sa kanila sapagkat palagi nila akong kinakamusta. Ang iba pa nga ay binibigyan ako ng pagkain. Baka tumaba na ako, ilang linggo pa lang ako rito!” magiliw na tugon ni Georgia. 

“Taga-saan ka nga pala, Georgia? May kasintahan ka ba? Saan ka nag-aral at anong kurso mo? Kwento ka naman!” sunod-sunod na tanong ni Martia sapagkat hindi na siya makapagpigil na malaman ang tunay na pagkatao ng dalaga. 

“Sa Cainta ako nakatira. Nakatapos naman ako ng kolehiyo sa awa ng Diyos,” nahihiyang sagot ni Georgia. 

“Naku, huwag na natin ngang pag-usapan ang mga kuwentong pang bio-data ko, kayo naman ang magkwento sa akin. Sa tagal niyo na rito, ano bang kailangan ko pang matutunan para nang sa gayon ay maging epektibong empleyado ako?” pag-iiba ni Georgia sng usapan. 

“Ah, wala naman kaming maipapayo sa’yo. Basta gawin mo na lang ng gawin ang trabaho mo. Ganoon lang,” sambit ni Martia na naiinis sa hindi pagtugon ni Georgia sa kaniyang mga tanong. 

Pagkatapos kumain ay bumalik na sila sa opisina. 

“Talagang may tinatago ang babaeng ‘yan nararamdaman ko. Tingnan mo at iniba agad niya ang usapan,” saad ni Martia kay Niki. 

“Hindi siya kumportableng pag-usapan ang tungkol sa kaniya kasi may tinatago siya!” pagpupumilit nito. 

Dalawang linggo ang nakalipas at lubusang nagulat ang lahat ng si Georgia ay agad na-promote. Sa tagal na kasi nila Niki at Martia ay hindi man laman sila naalok ng promotion sa kanilang kumpanya. 

“Malakas kay boss ang babaeng ‘yan! Siguro ay may ginawa siya para mapataas ang posisyon niya agad dito sa opisina,” paghihinala ni Martia. 

Dahil sa patuloy na paghihinala ni Martia ay lagi siyang nakamatiyag sa mga kilos ni Georgia. Alam niya na isang araw ay mapapabagsak din niya ito sa pagsisiwalat ng tunay nitong pagkatao. 

Isang araw, habang patungo si Martia sa tanggapan ng kanilang boss ay hindi niya sinasadya na makita ang dalawa na magkayakap. Dali-dali siyang nagtungo kay Niki upang ibalita ang kaniyang nakita. 

“Sinasabi ko na sa’yo, mars, may ginawa ‘yang babae na ‘yan para ma-promote agad. Kilala ko na sino ang sugar daddy niyang si Georgia!” sabik nitong pagkukwento kay Niki. 

“Walang iba kung hindi si Boss Henry, ang may-ari mismo nitong kumpanya. Kanina, papunta sana ako sa opisina ni boss para may papirmahan ng makita kong nakayakap at ngiting-ngiting ang dalawa. Sa wakas, Niki, napatunayan ko din na hindi talaga isang anghel ‘yang Georgia na ‘yan!” sambit ni Martia. 

Nang makita ni Martia si Georgia ay agad niya itong kinumpronta. 

“Lahat talaga ng lalaki, inaakit mo para sa sarili mong kapakanan, ‘no? Sabagay, ganiyan naman ang mga taong tulad mo. Parang mga linta. Kung sino ang mapapakinabangan ay doon magdididikit,” sita niya sa dalaga. 

“Anong sinasabi mo riyan, Martia? Hindi kita maintindihan,” pagtataka ni Georgia. 

“Nagmamaang-maangan ka pa riyan. Alam ko na ang tunay mong pagkatao. Alam ko rin kung paano ka nakarating sa posisyon mo ngayon,” sambit ni Martia. 

“Wala akong alam sa sinasabi mo, Martia. Kung may problema ka sa akin ay huwag mo ko akong iskandaluhin dito. Pwede natin itong pag-usapan ng maayos kahit hindi ko alam talaga kung saan nanggagaling ang mga sinasabi mo,” pilit na kinakalma ni Georgia si Martia. 

“Oportunista ka! Alam ko na inakit mo si Boss Henry para lang ma-promote ka. Ano? Nahihiya ka na marinig ng lahat? Totoo naman ‘di ba? Kitang-kita ko kung paano mo inaakit si boss!” hindi na nakapagpigil pa si Martia at tuluyan na niyang binulyawan ang dalaga. 

Dahil sa gulong ito ay inawat na sila ng lahat. Nang malaman ng kanilang boss ang nagaganap sa opisina ay agad itong pumagitna. 

“Anong kaguluhan ito? Magsibalik kayo sa mga pwesto ninyo!” sigaw ni Henry sa mga tauhan. 

“Martia, mali ang inaakala mo sa akin!” sambit ni Georgia.

“Tutal nandito na naman si boss. Bakit hindi na lang siya ang magsabi kung ano talaga ang relasyon niyong dalawa. Kitang-kita ko kayo na magkayakap sa opisina kanina! Kaya pala mabilis kang napromote dahil karelasyon mo ang boss natin!” saad ni Martia. 

Natatawa na lamang si Henry sa mga sinasabi ni Martia. 

“Iyan ba ang dahilan ng lahat ng ito?” wika ni Henry. “Tama ka sa hinala mo Martia, may relasyon nga kaming dalawa nitong si Georgia. Pero dahil si Georgia ay ang nag-iisang anak ko! Siya ang tagapagmana nitong kumpanyang pinagtatrabahuhan ninyo,” pag-amin ng amo. 

“Dahil gusto niyang mabuhay ng simple at nais niyang paghirapan ang kaniyang posisyon ay mas pinili niyang pumasok sa opisina na ito bilang isang clerk. Nais niyang magsimula sa ibaba nang sa gayon ay maging karapat-dapat siya sa kaniyang magiging posisyon dito sa opisina,” dagdag pa ng ginoo. 

“Kung tatanungin n’yo ako kung bakit mabilis iyang napromote ay dahil sa angkin niya talagang galling. Dapat ay magtaka kayo sa inyong sarili, lalo ka na, Martia. Kaya siguro sa tinagal mo na rito ay hindi ka pa napo-promote ay dahil sa ugali mong iyan. Inuuna mo pa ang tsismis kaysa sa trabaho. Inuuna mong pakialaman ang buhay ng iba kaysa sa mga gawain dito,” sambit muli ng kanilang amo. 

Lubusang pagkapahiya ang naramdaman ni Martia. Sa pagkakataon na iyon ay nais na lamang niyang biglang maglaho. 

“Dahil sa ipinakita mo, Martia, nais kitang tanggalin sa trabaho!” wika ni Henry na labis na ikinabigla ng dalaga. Halos magmakaawa si Martia sa paghingi ng tawad.

Ngunit dahil na rin sa pakiusap ni Georgia ay hindi na nagawa pa ng ama na tanggalin si Martia. Binigyan nila ito ng isa pang pagkakataon na patunayan ang kaniyang sarili. Lubusan ang kaniyang naramdamang kahihiyan at pasasalamat sa dalaga.

Simula noon ay nagsilbi nang aral kay Martia ang mga pangyayari. Hindi na muli siya nanghusga ng iba at itinuon na lamang ang kaniyang atensyon sa pagtatrabaho at upang mapabuti ang kaniyang sarili. 

More Stories