Inday TrendingInday Trending
Napigilan ang Pagnanakaw ng Isang Palaboy sa Pera ng Mayamang Ginang Habang Namimili sa Divisoria, Salamat sa Matandang Lalaki; Paano Kaya Niya Ito Mapasasalamatan?

Napigilan ang Pagnanakaw ng Isang Palaboy sa Pera ng Mayamang Ginang Habang Namimili sa Divisoria, Salamat sa Matandang Lalaki; Paano Kaya Niya Ito Mapasasalamatan?

Malapit na ang pagdiriwang ng Pasko kaya sinamantala na ni Divine ang pagpunta sa paborito niyang lugar upang mamili ng mga ipanreregalo at palamuti sa malaki niyang bahay—sa Divisoria.

Kahit na napakayaman ng mister niyang si Sonny, praktikal at wais sa paghawak ng pera si Divine—palibhasa, laki siya sa hirap. Kahit na kung tutuusin ay kayang-kaya niyang mamili ng mga panregalo at pampalamuti sa mga mall, mas nais niyang maka-mura at makamenos.

“Mag-ingat ka, mahal. Huwag ka na magsuot ng mga alahas, alam mo naman ang panahon ngayon, naglalabasan na ang masasamang elemento dahil malapit na ang Pasko,” paalala sa kaniya ng mister nang magpaalam siya rito.

“Ano ka ba naman Sonny, parang hindi ko naman ito ginagawa taon-taon. Saka huwag kang mag-alala, laking Divisoria yata itong misis mo, alam ko ang likaw ng bituka ng mga tao roon, huwag kang mag-alala para sa akin,” wika ni Divine sa kaniyang mister.

“Sige na nga. Oh basta, hindi ako papayag na hindi ka ihahatid ni Mang Teryo. Ako na lang ang magmamaneho ng kotse ko papunta sa trabaho. Yung isang sasakyan ang gagamitin ko.”

Si Mang Teryo ang personal driver ni Sonny.

Ipinasya ni Divine na Martes ng umaga magtungo sa Divisoria, hindi kasi tipikal na araw na nagtutungo ang mga tao sa naturang pamilihan. Matao sa Divisoria kapag Biyernes hanggang Linggo.

Kay sarap talagang mamili sa Divisoria dahil lahat ng klase ay bagsak-presyo talaga. Malaki ang matitipid niya. Simpleng-simple lamang ang kaniyang suot at ni wala nga siyang relo. Sinunod niya ang bilin ng kaniyang mister.

Hanggang sa makakita siya ng isang lalaking nagtitinda ng magagandang klase ng kurtina.

“Ma’am, bili na kayo, 3 piraso sa 100 piso,” sabi ng tindero. Lumapit naman si Divine at isa-isang sinuri ang mga kurtina.

Buhos na buhos ang kaniyang atensyon sa kaniyang ginagawa. Hindi niya namalayan na may dumudukot na palang maruming kamay sa body bag niya.

“Hoy! Siraulo kang bata ka! Layas!” saway ng isang matandang lalaki. Nagtatakbo naman ang batang lalaking nagtatangkang dukutan si Divine.

“Miss, ang bag mo, binubuksan ng bata… mabuti na lamang at naispatan ko kaagad. Mag-ingat ka,” sabi ng matandang lalaki kay Divine. May bitbit itong sako na kung ano-anong mga bagay ang nakalagay, na sa palagay ni Divine ay mga damit.

“Naku Lolo, maraming-maraming salamat po! Hulog po kayo ng langit. Mabuti na lamang po at nakita ninyo yung bata, kundi ay nalimas na ang pera ko.”

“Maraming ganiyan dito sa Divisoria, mukha ka pa namang mayaman. Mag-iingat ka lalo na at malapit na naman ang Kapaskuhan. Sige, mauna na ako sa iyo,” wika ng matandang lalaki. Akmang aalis na ito nang pigilan ito ni Divine.

“Hayaan ninyong makapagpasalamat ako sa inyo, Lolo. May pupuntahan po ba kayo? Puwede ko po ba kayo mailibre sa isang restaurant man lamang?”

“Ay huwag na ineng, at ako ay nagmamadali. Hindi naman ako nagugutom. Saka wala naman iyon sa akin. Ganoon talaga ang isang tao, kailangang magpakatao…”

Nahinto sa pagsasalita ang matanda nang tumunog ang tiyan nito. Napaupo naman ang matanda. Gutom na pala talaga siya.

“Gutom na kayo, Lolo. Hindi po makapagkakaila ang tiyan ninyo. Ang mabuti pa ho ay sumama na kayo sa akin. Pasasalamat lang po ito sa inyo.”

At isinama na nga ni Divine ang matanda sa isang restaurant na nakita niya roon. Hindi na nahiya pa ang matanda nang idulot na sa kanila ang pagkain: piniritong manok, pansit guisado, at chopsuey ang inorder ni Divine para sa kaniya.

Batay sa pag-uusisa, napag-alaman ni Divine na wala palang trabaho si Lolo Gaspar. Nasira umano ng bagyo ang maliit na puwesto nito sa kinatitirikang bahay. Hindi na niya maipagawa ang barong-barong dahil sa katandaan. Kaya nagtitiyaga na lamang ito sa sira-sira niyang bahay. Nagtitinda ng basahan ang matanda. Iyon pala ang laman ng kaniyang bitbit na sako.

Pagkatapos kumain, inihatid na ni Divine ang matanda sa tinutuluyan nitong barong-barong. Nabagbag ang damdamin ni Divine nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng bahay. Mas malaki pa ang kulungan ng kanilang aso.

“P-Paano po ninyo nakakayang tumira sa ganiyang bahay, Lolo Gaspar?”

“Wala akong magagawa, ineng. Hindi na kaya ng katawan ko ang gumawa pa ng bahay, isa pa, wala rin naman akong pera. Mahal ang materyales. Kaysa naman sa magpalaboy-laboy ako sa kalsada. Mahalaga lang naman ay may bubong na sisilungan kapag umaaraw at umuulan.

Nang gabing iyon ay hindi nakatulog nang maayos si Divine. Naalala niya ang bahay ni Lolo Gaspar, kung matatawag nga na bahay iyon. Bukas, kakausapin niya si Sonny. Gusto niyang bigyan ng sorpresa si Lolo Gaspar.

Kaya naman ganoon na lamang ang hiya at kagalakan ni Lolo Gaspar nang sabihin sa kaniya ni Divine na ipapagawa nito ang kaniyang bahay.

“Iyan na po ang regalo ko sa inyo, Lolo Gaspar. Maligayang Pasko po!”

Matapos ang tatlong buwan ay nagawa na nga ang bahay ni Lolo Gaspar; isang simpleng bungalow type na bahay, sementado, bagong pintura, at maganda ang bubong.

“Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat sa iyo, ineng! Kulang ang salitang salamat sa ginawa mo sa akin,” umiiyak na pasasalamat ni Lolo Gaspar sa mag-asawang Divine at Sonny.

“Wala po iyon, Lolo Gaspar. Masaya po kami ng mister ko na nakatulong kami sa inyo.”

Upang matulungan din ang kabuhayan ni Lolo Gaspar ay pinayagan nila ito na maging hardinero sa kanilang mansyon. Doon na rin nagdiwang ng Kapaskuhan ang matanda, na nakasalo nila sa Noche Buena.

Advertisement