Inday TrendingInday Trending
Inis na Inis ang Apo sa Kaniyang Lola Dahil Sinisiraan Nito ang Kaniyang Nanay sa Kanilang mga Kapitbahay; Hanggang sa Nalaman Niya ang Katotohanan

Inis na Inis ang Apo sa Kaniyang Lola Dahil Sinisiraan Nito ang Kaniyang Nanay sa Kanilang mga Kapitbahay; Hanggang sa Nalaman Niya ang Katotohanan

“Tanghali na, gising na! Paano ninyo natitiis na nauunahan kayo ng sikat ng Haring Araw?”

Agad na napabalikwas ng bangon si Betty sa maingay na pagrepeke ng bibig ng kaniyang lola – si Lola Sela. Awtomatikong napalingon siya sa nakasabit na sirang orasan sa dingding na butas-butas. Sumusungaw na rito ang liwanag sa labas.

6:00 pa lamang ng umaga.

Pupungas-pungas na bumangon si Betty.

Sadyang ganoon ang kaniyang Lola Sela na siyang nag-alaga na sa kanila at kasa-kasama nila simula nang mabuntis ang nanay niyang si Aling Dorothy, sa kaniyang ama na hindi naman sila pinanagutan.

Simula noon, kahit na may mga kaya naman ang iba pa niyang mga anak, sila ang sinamahan ng kanilang lola.

Ngunit sa araw-araw na ginawa ng Diyos, lagi na lang itong nanunumbat sa kanila. Lagi nitong ipinamumukha sa kanila na naghihirap ito ngayon dahil sila ang piniling samahan, sa halip ang iba pang mga kapatid ng kaniyang ina.

Sila kasi ang pinakamahirap sa limang magkakapatid na anak ni Lola Sela. Isang factory worker si Aling Dorothy, araw-araw ang pagkayod, kaya ang naiiwan lagi sa bahay ay si Lola Sela.

“Iyang Nanay mo, wala man lang iniwang panggastos dito sa atin, aba, anong gusto niyang gawin ko, ako ang maghanap ng pangkain sa inyo? Grabe na ang pahirap ninyo sa akin ah,” inis na inis na sabi ni Lola Sela.

“Lola, huwag naman po kayong maingay… ang aga-aga po eh, nakakahiya po sa mga kapitbahay,” si Betty ang napapahiya para sa kaniyang ina. Malakas kasi ang tinig ni Lola Sela, at wala itong pakialam kahit na naririnig ng mga kapitbahay ang mga sinasabi nito.

Minsan nga, naririnig niya ito na ikinukuwento pa sa mga chismosang kapitbahay ang mga nangyayari sa loob mismo ng kanilang bahay.

Kesyo wala silang makain, kahit ang totoo ay mayroon naman kahit paano.

Kesyo hirap na hirap na raw siya sa kanilang poder, ngunit naaawa lamang siya sa sa kanila dahil wala na nga raw siyang tatay.

Wala raw mag-aalaga sa kanila kaya pinagtitiyagaan na lamang silang samahan.

Napapaiyak na lamang si Betty kapag nais niyang mangatwiran at pagsabihan ang lola, na huwag na sanang ikuwento sa mga kapitbahay ang nangyayari sa kanilang buhay.

Ang kasiraan ng isa ay kasiraan ng lahat.

Subalit ayaw talaga nitong paawat. Sinasabihan pa siyang bastos kapag nangangatwiran siya.

Para kay Betty, hindi naman pangangatwiran ang ginagawa niya. Hindi naman porke’t matanda na, hindi na maaaring magkamali. Sa murang edad ni Betty, alam niyang mali ang ginagawa ng kaniyang lola.

Kailan ba mangyayari na ayos lamang pagsabihan ng isang bata ang isang matanda?

“Hayaan mo na ang lola mo, anak. Ganyan talaga siya noon pang mga bata pa kami. Magpasalamat na lamang tayo, ako ang pinili niyang samahan at gabayan. Huwag mo na lang pansinin. Kapag may sinasabing hindi maganda, pasok sa kanang tenga at labas sa kaliwang tenga,” suweto ni Aling Dorothy sa kaniya.

“Kasi ‘Nay, hindi naman po yata tama na paulit-ulit na lang siya sa mga sinasabi niya. Nagpapasalamat naman po tayo dahil tayo ang pinili niyang samahan kaysa kina tito at tita, kaya lang, nasasaktan po ako kapag sinisiraan niya kayo, na mismong anak niya, sa mga kapitbahay,” umiiyak na pahayag ni Betty sa kaniyang ina, nang magkausap sila tungkol dito.

Niyakap na lamang ni Aling Dorothy ang kaniyang anak.

“Hayaan mo, anak… darating din ang panahon na igagalang din ako ni Nanay.”

Hanggang sa nakatulugan na nga ni Betty ang alalahaning iyon.

Kinabukasan, nagising siya sa narinig na sagutan ng ina at ng lola.

“Pagsabihan mo ‘yang anak mo. Bastos! Sinasagot-sagot ako.”

“Kasi naman po ‘Nay, bakit kailangan ninyong ipagsabi sa mga kapitbahay natin ang mga nangyayari dito sa bahay? Huwag naman pong ganoon. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo, dahil kahit na hindi ninyo ako anak, inalagaan n’yo pa rin ako. Kahit na anak ako ni Tatay sa babae niya, pumayag kayo na alagaan ako noon. Pero sana naman po, huwag ninyo akong bastusin,” umiiyak na sabi ni Aling Dorothy.

“Alam ng Diyos ang tunay kong kalooban, na sinikap ko naman talagang mahalin ka, dahil dugo at laman ka ni Ismael. Pero huwag mong aalisin sa akin Dorothy na sa tuwing nakikita kita—kayo ng anak mo, naaalala ko ang pagtataksil sa akin ng Tatay mo!”

At doon na naunawaan ni Betty ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang trato ni Lola Sela sa kaniyang ina, na parang hindi ito anak. Totoo naman pala. Anak ito sa pagkakasala ng kaniyang Lolo Ismael.

Masakit na masakit ang kalooban ni Betty.

Kaya naman pala.

Simula noon ay hindi na sinagot-sagot ni Betty si Lola Sela; bagkus, ipinaramdam niya rito ang paggalang upang hindi na ito magalit sa kanila ng kaniyang inang si Aling Dorothy.

Hindi naglaon, naramdaman na nga ni Lola Sela ang pagbabago sa ugali ni Betty. Unti-unti silang nagkasundo. Hanggang sa nabawasan na nga ang kanilang pag-aaway na mag-lola.

“Lola Sela, maraming salamat po sa lahat. Naiintindihan ko na po kung bakit ganoon kayo kay Nanay,” minsan ay nasabi ni Betty.

“Hindi, Betty. Ako ang dapat humingi ng dispensa sa inyong mag-ina. Nang magkausap kami ng Nanay mo, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Natauhan ako, apo. Kayo pala ay pamilya ko na.”

Simula noon ay naging maayos na ang samahan ng mag-ina at maglola.

Advertisement