Puro Mamahaling Bagay ang Kaloob ng Fiance ng Babaeng Ito sa Kaniya, Bagay na Tinututulan Niya; Mas Bongga Kaya ang Magiging Kasal Nila?
“Open your eyes, babe…”
Halos lumuwa ang mga mata ni Kendra nang masilayan ang sorpresa sa kaniya ng fiance na si Jerald: isang mamahaling kuwintas na alam niyang gawa sa diyamante.
Ipinagdiriwang nila ang kanilang ikaapat na taong anibersaryo, at kasalukuyan silang nasa cruise ship na pinareserba ni Jerald para sa espesyal na araw na iyon.
Tumayo si Jerald, kinuha ang kuwintas, at nagtungo sa bandang likuran ni Kendra. Isinuot nito sa makinis na leeg ng fiancee ang biniling mamahaling kuwintas.
“Bagay na bagay sa iyo, babe. Mahal na mahal kita. Ganyan ka ka-espesyal sa akin.”
Tumayo si Kendra at humarap kay Jerald. Kinuha niya ang mga kamay ng lalaking pakakasalan at nakikita niyang magiging ama ng mga anak niya.
“Babe, gusto kong magpasalamat sa lahat ng mga materyal na bagay na ibinibigay mo sa akin. Pero, parang sobra-sobra na yata. Don’t get me wrong babe, I do appreciate those precious things that you have given me. Pero, hinay-hinay lang… nakakalula. Hindi pa naman tayo opisyal na mag-asawa,” ani Kendra.
“Masama bang pasiyahin ko ang magiging ina ng mga anak ko, at magiging ilaw ng tahanan ko?” dinala ni Jerald ang kaniyang mga kamay sa mga labi nito. Pinupog ng mga mumunting halik.
“Hindi naman sa ganoon. Kaya lang, nalulula na ako sa mga bagay na ibinibigay mo sa akin. Alam ko namang mayaman ka, pero…”
“Don’t be bothered, babe. Lahat ng iyan, deserve mo, okay? Mahal na mahal kita.”
Niyakap na lamang ni Kendra ang kaniyang mapapangasawa. Maya-maya, isang fireworks display ang pumailanlang.
“Piyesta ba ngayon sa lugar na ito?” napatanong na sabi ni Kendra.
“Hindi. Para sa iyo ‘yan, babe. Happy anniversary!”
Sinong babae ang hindi kikiligin sa mga ganitong eksena?
Mayaman, gwapo, masipag, responsable. Iyan si Jerald. Mula sa angkan ng mga litaw na tao at may sinasabi sa buhay. Barya lang sa kanila ang anim na digit na pera kapag nagreregalo.
Kagaya noong isang araw, niregaluhan si Kendra ng isang bagong sasakyan. Ang singsing na ipinausot nito sa kanilang engagement ay halos umabot sa milyong piso. At itong panghuli nga, ang mamahaling kuwintas. Huwag nang isama ang mga damit, sapatos, stuffed toys, bulaklak, at mga pagkain na ipinapadala o ibinibigay nito.
Sinong babae ang hindi maiinggit kay Kendra?
Sa totoo lamang ay simple at hindi materyalistikong babae si Kendra. Bagama’t masaya naman siya sa mga ginagawa, binibigay, at ipinararanas ng kasintahan sa kaniya, may bahagi sa puso niya na hindi makampante.
Hindi niya alam kung bakit, paano, at saan nagmumula.
May bulong siyang naririnig sa kaniyang puso, kaluluwa, na huwag agad-agad magpapadala sa mga materyal na bagay na ito.
Siguro, isa iyan sa mga turo sa kaniya ng nasirang Lola Virginia.
“Apo, tatandaan mo, lagi mong pakikinggan ang bulong ng kutob mo, bulong ng puso mo. Kapag hindi ka mapalagay, tiyak na may mali. Magdesisyon ka batay sa tunay na idinidikta ng isip at puso mo.”
Hanggang sa isang araw, nakipagkita sa kaniya ang matalik na kaibigan ni Jerald, si Sandro.
“A-Anong pakay mo, Sandro? Bakit hindi mo kasama si Jerald? Bakit kailangan mo akong kausapin nang sarilinan?”
“Hindi na kasi maatim ng konsensya ko, Kendra, na hindi ipagtapat sa iyo ang lahat. Ako na ang lumapit sa iyo…” naiiyak na sabi ni Sandro.
“Anong problema?”
“Alam kong ikakasal na kayo ni Jerald… pero gusto kong malaman mo… na nagmamahalan kami at may relasyon kami. Matagal na kaming magkarelasyon, Kendra. Simula hayskul pa lamang, kami na.”
Hindi nakahuma si Kendra sa kaniyang kinauupuan.
“A-Anong ibig mong sabihin?”
“Beki si Jerald, Kendra. Ginagamit ka lang niya para sa pamilya niya. Ayaw kasi ng Papa niya na ganyan siya, kaya nililinlang niya ang pamilya niya.”
Galit na tumayo si Kendra.
“Hindi ko alam kung anong galit o inggit mo sa matalik mong kaibigan para ganituhin mo siya. Tigilan mo ang larong ito, Sandro!”
“Hindi kita niloloko, Kendra. Kahit puntahan mo ngayon si Jerald sa opisina niya pagkatapos ng pag-uusap natin. Nagsasabi ako ng totoo. Ginagawa ko ito, itong pag-amin na ito, dahil ayokong pahirapan ang mga sarili natin,” emosyonal na pahayag ni Sandro.
“Kapag itinuloy ninyo ang kasal, tiyak na magkakasala kami sa iyo ni Jerald, dahil gagawin niya akong kabit. At ayokong maging kabit, Kendra, dahil ako ang nauna. Ako ang nauna sa buhay ni Jerald. Marami na kaming pinagdaanan, marami na kaming napagtiisan. At kung matapos ng rebelasyon na ito ay pakakasal ka pa rin kay Jerald, hindi ko maipapangakong hindi kami makagagawa ng kasalanan. Mahal namin ang isa’t isa, Kendra.”
Matapos ang pag-uusap na iyon, agad na dumiretso si Kendra sa opisina ni Jerald—kasama si Sandro.
Kaya ba nilulunod siya ni Jerald sa mga mamahaling bagay para pagtakpan ang tunay na nararamdaman nito, at ang relasyon nito sa iba?
“P-Patawarin mo ako, Kendra…. patawarin mo ako… wala na talaga akong mapagpilian. Itatakwil ako ng pamilya ko kapag nalaman nila ang tungkol sa amin ni Sandro,” nanggigipuspos na paghingi ng tawad ni Jerald, nang magkaharap-harap na sila.
Isang sampal ang pinakawalan ni Kendra sa hangin, na lumagapak sa makinis na mukha ni Jerald. Umiiyak na dinuro niya ito.
“Makasarili ka, ang kapal ng mukha mo! At anong akala mo sa akin, bagay na puwede mong gamitin, maskara na puwede mong itapal diyan sa buong pagkatao mo? Jerald, minahal kita… at wala akong pakialam sa yaman, sa pera, sa mga mamahaling bagay na ibinibigay mo!”
“Kendra…”
“Mamili ka. Mamili ka na sa amin ni Sandro. Sino ang pipiliin mo sa aming dalawa? Tumayo ka diyan, huwag kang umiyak na para kang babae, at mamili ka na sa aming dalawa ngayon!”
“Kendra…”
“Huwag mo ko ma-Kendra, Kendra, for God’s sake Jerald, magpakalalaki ka naman!”
At namili na nga si Jerald.
Pinili niya ang tunay niyang kaligayahan.
Wala nang pakialam si Kendra kung ano ang kahihinatnan ng pagpili ni Jerald kay Sandro. Isinauli niya ang mga mamahaling bagay na ibinigay sa kaniya ng dating kasintahan, kabilang na ang engagement ring.
Makalipas ang dalawang taon…
“Oh, kung ako ang pinakasalan mo noon, eh ‘di sana hindi kayo ang ikinasal ni Sandro sa Norway? Congratulations, Je!” pagbati ni Kendra kay Jerald sa pamamagitan ng video call. Sumilip sa camera si Sandro at kumaway sa kaniya.
“Tama mare… eh ‘di sana hindi mo nakilala yung lalaking nakatadhana para sa iyo… ikumusta mo ako kay Pareng Richmond ha?”
“Umuwi kayo rito sa Pilipinas ni Sandro sa birthday ng inaanak mo! Asahan ko iyan ha?” sabi ni Kendra kay Jerald.
“Oo naman! Hindi ko palalagpasin ang birthday ng inaanak ko,” pangako naman ni Jerald.
Nakangiting hinaplos-haplos ni Kendra ang ulo ng kaniyang anak. Maya-maya dumating na ang kaniyang mister kaya in-end call na nila ang usapan. Pagsisilbihan niya muna ang tunay na nakatadhana para sa kaniya…
Ang lalaking wala siyang agam-agam.
Ang lalaking para sa kaniya.
Ang lalaking isinisigaw ng isip at puso niya.