Inday TrendingInday Trending
Dalawa ang ‘Maria’ sa Buhay ng Lalaking Ito; Sino ang Pipiliin Niya at Mananatili sa Kaniya sa Takdang Panahon?

Dalawa ang ‘Maria’ sa Buhay ng Lalaking Ito; Sino ang Pipiliin Niya at Mananatili sa Kaniya sa Takdang Panahon?

Dalawa ang ‘Maria’ sa buhay ni Donato.

Dekada 80 hanggang 90.

Ang unang Maria, si Maria Aragon, ay unang babaeng minahal niya. Hindi niya malilimutan ang unang beses na nagkatagpo sila. Nasa pampasaherong bus sila noon, siksikan na ang mga tao. Punuan na. Siya naman ay mapalad na nakaupo.

Tila huminto ang oras nang pumasok ang isang napakagandang babae, naghahanap ng mauupuan. Agad na tumayo si Donato at ibinigay ang espasyo para dito. Subalit mabilis at maagap ang isang may edad na ginang, na mabilis na umupo sa espasyong tinayuan ni Donato.

“Para sa iyo sana iyon, miss, kaya lang…”

“Ay hayaan mo na po, sir… ayos lang po. Medyo may edad naman po yung umupo. Sanay naman po akong tumayo sa bus na kagaya nito,” nakangiting sabi ni Maria.

At doon na sila nagkakilala. Nagkuwentuhan. Tumagal pa ang kuwentuhan nila dahil sa haba ng at tagal ng trapik. Aakalaing matagal na silang magkakilala. Sa pagbaba ni Maria ay bumaba na rin si Donato, kahit hindi naman doon ang talagang babaan niya. Ayaw niyang palagpasin ang pagkakataong makakuwentuhan ang isang magandang dalaga.

“Puwede ba kitang yayain na maghapunan muna tayo, tutal naman ay gabi na? Sagot ko,” aya ni Donato.

Napatingin muna sa kaniyang relo si Maria bago tumugon.

“Sige ayos lang… wala namang pasok bukas.”

At agad nga silang kumain sa restaurant na nakita nila na malapit sa lugar na iyon. Parang kulang ang oras at gabi para kay Donato. Nang magpasya silang maghiwalay na ng landas, hindi pinalagpas ni Donato na makuha ang numero ng telepono nito.

“Naku, pasensya ka na, wala kaming telepono sa bahay,” ani Maria.

Hindi pa uso ang cellphone o social media noon.

“Ganoon ba? Puwede ko na lang ba mahingi ang tirahan ninyo? Pupuntahan na lang kita kapag libre ang oras ko.”

Ibinigay naman ni Maria ang hinihingi ni Donato.

Hanggang sa linggo-linggo na ngang bisita ni Maria si Donato. Nakilala na rin nito ang mga magulang niya.

“Maaari bang manligaw?”

Tumango si Maria.

Matapos ang ilang buwang ligawan, ibinigay na rin ni Maria ang matamis na oo kay Donato.

Naging masaya ang kanilang pagsasama bilang magkasintahan. Talagang ipinagmamalaki ni Donato si Maria sapagkat bukod sa maganda na, seksi, ay talagang mabait pa. Gustong-gusto ito ng mga kaibigan niya para sa kaniya.

Hanggang sa ipinasya na nga ng dalawa na magsama na sa iisang bubong.

“Maria, makakahintay ka ba, kasi gusto kong maging enggrande ang magiging kasal natin.”

“Oo naman. Basta magkasama tayo.”

Sa loob ng tatlong taon ay biniyayaan silang dalawa ng tatlong supling, dahil sa bawat taon ay laging nabubuntis si Maria.

Ngunit sabi nga, makikilala mo lamang daw ang pagkatao ng isang tao kapag nakasama mo siya sa iisang bubong.

Naging bugnutin si Donato lalo na kapag tumatanggi si Maria sa pangangalabit niya. Napansin din niya na nagbago na ang hitsura ng kinakasama: lumobo na kasi ito, palibhasa nga ay nakakatatlong anak na, at madalas na rin silang magtalo. Napansin din ni Donato na marami itong kamot sa tiyan.

“Alagaan mo nga ang sarili mo. Ang taba-taba mo na!” laging sinasabi ni Donato kay Maria.

Kaya minsan, nawawalan ng gana si Donato kapag magkas*ping sila ni Maria.

Hanggang sa isang araw, sumama siyang makipag-inuman sa kaniyang mga katrabaho—sa isang bar. Hindi niya inaasahan na makikilala niya ang pangalawang Maria na muling magpapatibok sa kaniyang puso.

Si Maria Ana Fernandez, tubong Cavite.

Batambata at sariwa.

Maganda at seksi.

Palaban at mapusok.

Gusto ng karanasan.

Ang pakilala niya ay binata siya at walang sabit kaya pumayag itong makipagharutan sa kaniya. Hanggang sa nauwi sila sa biglang liko.

“Grabe… ngayon na lang ulit ako nakarating sa langit nang ganito…” humihingal na sabi ni Donato sa kaniyang kan*ig. Plakda ang kaniyang katawan. Mahusay si Maria at natitiyak niyang marami nang nagdaang lalaki rito.

“Puwede ba nating ulit-ulitin ito? Kahit wala tayong relasyon. Gusto ko lang nang ganito,” wika ni Maria.

“Sige ba… gusto ko rin ito kasi…” at napahinto si Donato. Hindi niya pa nasasabi sa Mariang ito na may kinakasama na siya, at kapangalan pa niya.

Nakadalawang ulit pa sila ng mga sandaling iyon.

Hanggang sa tumagal nang tumagal ang kanilang mga nakaw na sandali, na umabot din ng ilang buwan.

Ngayon, litong-lito na si Donato kung sino sa dalawang Maria ang mahal niya at pipiliin niya.

Ang unang Maria na minahal ba niya, na ina ng mga anak niya, subalit ngayon ay hindi niya kayang mamasdan dahil sa mga kapintasan?

O ang pangalawang Maria na maganda, seksi, palaban… subalit ayaw naman ng relasyong pangmatagalan?

Subalit sabi nga, walang lihim na hindi nabubunyag.

Hindi nalingid sa unang Maria ang kaniyang kalokohan.

“Hayop ka, Donato! Matapos kong ibigay ang buhay ko sa iyo, ngayong tumaba lang ako, ipinagpalit mo na ako sa iba? Sa akin ang mga anak ko, maghiwalay na tayo!” umiiyak at galit na pagpapalayas ni Maria kay Donato.

“Ayos lang. Mataba ka na. Laspag. Wala na akong mahihita sa iyo,” sa isip-isip ni Donato.

May reserba pa siya. Ang pangalawang Maria niya. May tatanggap pa sa kaniya.

“Hindi, ayoko. Pero gusto kong ipagtapat sa iyo na ginamit lang kita para maibsan ang init sa katawan ko. Sa akala mo ba ay mahal kita? Una pa lang, alam kong pamilyado ka. Oo nga pala, hanggang dito na lang pala tayo. Sawa na ako sa iyo.”

Hindi makapaniwala si Donato. Iniwan na siya ng dalawang Maria.

Tinangka niyang makipagbalikan sa unang Maria subalit nagmatigas ito. Isinama ang mga anak sa mga magulang nito. Sising-sisi si Donato. Kasalanan niya ang lahat.

Makalipas ang dalawang taon…

Hindi makapaniwala si Donato sa kaharap niyang babae. Ang unang Maria at unang babaeng minahal niya… narito’t bumalik na ulit sa dating ganda. Lumiit na ulit ang baywang nito. Tila isang namumukadkad na bulaklak na parang inilipat mula sa masikip na paso.

Dinalaw ni Donato ang kanilang mga anak. Hindi naman ipinagdadamot ni Maria ang kanilang mga anak sa kaniya.

“Ang ganda mo na ulit, mahal… bumalik na sa dati ang ganda at katawan mo. Hindi ba puwedeng ibalik din natin ang nakaraan natin? Mahal na mahal pa rin kita kahit dalawang taon na ang nakalilipas…”

Natawa naman si Maria.

“Huli ka na. May mahal na akong iba…”

“M-May mahal ka nang iba? Sino?” tila nalaglag ang balikat ni Donato.

“Oo. Kaya hindi na puwede. Maging mga magulang na lamang tayo sa mga anak natin at magkapatawaran. Napatawad na kita, pero hindi ibig sabihin niyon na puwede na tayong magkabalikan.”

Matapos makipag-bonding sa mga anak, lulugo-lugong umuwi si Donato. Sising-sisi siya kung bakit ganito ang naging set-up nila, at walang ibang dapat sisihin kundi siya. Hindi kasi siya nakuntento. Mabilis kasi siyang bumitiw sa mga simpleng kapintasan ni Maria, gayong siya mismo, ay hindi naman perpekto.

Habang naglalakad palayo ay tanaw-tanaw naman ni Maria ang dating kinakasama. Totoo namang may mahal na siyang iba, at hindi na niya hahayaan pang masaktan ito…

Ang kaniyang sarili.

Advertisement