Nagplano ng Party ang Magkakaibigan; Matuloy Pa Kaya ang Kasiyahan Kung Biglang Tumakas ang Babaeng Inupahan Nila Bilang Dancer Tangay ang Paunang Bayad?

Nagkita-kita ang magkakaibigang sina George, Lance, Jeff, Oliver, at Angelo sa nakasanayan na nilang tambayang bar, dahil nagpatawag ng isang get together si Angelo. Sagot daw niya ang lahat kaya hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang apat. Lahat sila ay pawang mga propesyunal na.

Matapos ang oras ng trabaho sa opisina, agad silang dumiretso sa bar na madalas nilang puntahan.

“Ito talaga ang gusto ko eh, libre! Sana laging ganito, bro!” tuwang-tuwang sabi ni George habang tumutungga ng beer.

“Oo nga bro, anong meron? Bakit may biglang pa-get together?” tanong naman ni Lance.

“Nanalo ka ba sa lotto ha? Himala. Ikaw ang pinakakuripot sa ating lima, ngayon nanlilibre na! Big time ka na ba?” susog naman ni Jeff.

“Baka naman na-promote sa trabaho? Congrats in advance bro,” segunda naman ni Oliver na siyang pinakatahimik at pinakamatalino sa kanilang lima.

“Hindi, hindi. Mali kayo. May gusto lang akong sabihin sa inyo. Syempre para ko na kayong mga kapatid ‘di ba, kaya gusto ko, kayo mismo ang makaalam.”

“Drama nito!” sabi ni Jeff sabay hagis ng isang pirasong mani kay Angelo. Nagkatawanan at nagmurahan sila.

Advertisement

“Seryoso, may anunsyo nga ako.”

Tumahimik na ang apat.

“Magkaka-baby na kami ni Stella. Pakakasalan ko na rin siya.”

Natameme nang ilang saglit ang magkakaibigan. Parang hindi pumasok sa kanilang pang-unawa ang rebelasyon ng kanilang kaibigan. Hanggang sa magpalakpakan na sila.

Lumapit si Lance kay Angelo. Hinipo ang noo nito. Sinalat din ang leeg.

“Ikaw ba ‘yan, Gelo? Bro… ano nang nangyari sa paniniwala mo na hindi pag-ibig ang kasal? Totoo ba ‘yan?”

Tumango-tango si Angelo.

“Ano naman ang akala mo sa akin bro, walang puso? Wala eh… tinamaan na ‘ko kay Stella. Saka, pagod na kong maglaro. Gusto ko na rin magkaroon ng sariling pamilya.”

Advertisement

“Sabagay. Pero… hindi ka naman ba magpapakasal kay Stella dahil nakabuo kayo?” untag ni Oliver.

“Hindi, bro. Kilala n’yo ko. Ayaw ko talaga sa konsepto ng kasal. Noon. Pero… ngayon kasi iba na. Mahal ko na talaga si Stella at ayaw ko na siyang pakawalan. Pakiramdam ko ang tanga-tanga ko na kapag pinakawalan ko pa siya. Siya yung pinakamatinong babaeng nakilala ko, alam n’yo ‘yan. Siya ang nagpabago sa akin.”

Isang umaatikabo at sabay-sabay na ‘Wow!’ ang naibulalas ng apat na magkakaibigan.

“You’re a changed man, bro! Good for you!” pagbati ni George sa kanilang kaibigan sabay tapik sa balikat. “I’m so proud of you, man!”

Nang umalis saglit si Angelo para magtungo sa banyo, nag-usap-usap ang apat na magkakaibigan.

“Kailangan magpa-stag party tayo sa kaniya. Game ba kayo?” tanong ni George.

“Sige, pag-usapan natin ‘yan sa isang hiwalay na pulong. Syempre huwag dito,” pagsang-ayon naman ni Oliver.

Kaya naman, nagpasya ang apat na magkita-kita ulit para pagplanuhan ang stag party para kay Angelo.

Advertisement

Napagpasyahan nila na kukuha sila ng isang seksing babae na gagawin nilang regalo para kay Angelo, para sa huling sandali ng pagkabinata nito.

Balak nila, pipiringan nila si Angelo at pauupuin sa isang silya. Tatalian nila ang mga kamay nito upang hindi makapalag.

Kapag inalis na nila ang piring, saka nila ilalabas ang isang dambuhalang cake. Sa loob ng naturang dambuhalang cake, naroon ang seksing babae na unti-unting lalapit nang pagapang kay Angelo, at sasayaw nang mapanukso at mapang-akit sa harapan nito.

Nag-ambag-ambag na rin sila para sa magiging budget ng naturang stag party. Pambayad sa sasayaw na babae, pagpapagawa ng cake, pagkain, alak, at ilan pang palamuti.

Makalipas ang tatlong araw, kasado na ang lahat. Nakapagbayad na rin sila sa babaeng naupahan nila mula sa bar na kanilang pinagtatambayan.

Naayos na rin ang magiging venue: sa pad ni George.

Ngunit sa araw mismo ng stag party, ilang oras bago ang sinabi nilang oras ng sorpresa para kay Angelo, hindi na mahagilap ang babaeng inupahan nila. Tinangay na nito ang paunang bayad na ibinigay nila.

“Paano ‘to?” iisang tanong nila.

Advertisement

“Kailangang matuloy ang stag party na ito. Sayang ang lahat ng mga inihanda natin kapag ipagpapaliban natin,” wika ni Lance.

“Puwede naman nating ituloy kahit na salusalo na lang,” mungkahi ni Oliver.

“Hindi! Mawawala ang tunay na esensya ng stag party saka nakakabagot naman. Kailangang may mahanap tayong kapalit ng babaeng sasayaw.”

“Eh sino?” tanong ni Lance.

At napatingin sina George, Jeff at Oliver sa kaniya.

“Hoy, mga hayop kayo… hindi ko gusto ‘yang mga tingin ninyo!”

“Ikaw lang naman ang magaling sumayaw sa atin! Sige na, gawin na lang nating katatawanan, kaysa sa mabuwisit tayo sa panggogoyo ng babaeng inupahan at tinakasan tayo, eh ‘di magsaya na lang tayo!” pangungumbinsi ni Jeff.

“Oo nga naman, Lance. Para sa kaibigan natin… saka tayo-tayo lang naman, walang makakapanood. Walang lalabas na video sa social media,” pangako ni George.

Advertisement

At nagsimula na nga kanilang sorpresang stag party para kay Angelo.

Halos gumulong sa katatawa ang lahat nang lumabas na mula sa dambuhalang cake ang isang ‘seksing babae’, na walang iba kundi si Lance; salamat sa kanilang mga inimbitahang kaibigang babae na mabilis na nag-ayos sa kaniya, nag-make-up, bumili ng peluka, at nagpahiram ng seksing damit sa kaniya.

Katulad ng napagkasunduan, pagapang na lumapit si Lance kay Angelo habang gumigiling-giling. Maya-maya, umupo na ito sa kaniya, kumandong, at gumiling-giling ulit sa ibabaw ni Angelo. Hagalpakan ng tawa ang lahat.

Pagkatapos nito, ipinagtapat ng magkakaibigan ang panlolokong nangyari sa kanila, kaya naisipan na lamang nilang pagbihising babae si Lance. Mas naging masaya pa sa inaasahan nila!

“Maraming salamat mga bro! Pinasaya ninyo ako!” masayang pasasalamat ni Angelo sa kaniyang mga kaibigan.

“Walang anuman, bro! Masaya kami para sa inyo ni Stella,” wika ni George.

“Huwag mong paiiyakin si Stella ah kundi lagot ka sa amin,” biro naman ni Jeff.

“Mas mabuti na rin na si Lance ang sumayaw kasi para iwas-kalokohan at trouble,” sabi naman ni Oliver.

Advertisement

“Mga hayop, hirap palang kumita ng pera!” sabi naman ni Lance. Nagkatawanan ang lahat.

At dumating na nga ang araw ng kasal nina Angelo at Stella. Masayang-masaya ang apat para sa kanilang kaibigan. Balang araw, sila naman. Sila naman ang makakaranas ng masaya at kuwelang stag party!