Kinailangan Niyang Magbayad ng Isang Libong Piso Bilang Multa; Ano nga ba ang Naging Dahilan Kung Bakit Kinailangan Niya Iyong Gawin?

Kinailangan Niyang Magbayad ng Isang Libong Piso Bilang Multa; Ano nga ba ang Naging Dahilan Kung Bakit Kinailangan Niya Iyong Gawin?

HeartbreakingInspiringStories

“Papa, ang sabi sa balita ma-eextend pa raw ang lockdown,” malungkot na wika ni Wima, ang asawa ni Pedio, habang ang buong pansin ay nasa telebisyon.

“Naku! Paano na tayo nito?” namomroblemang sambit naman ni Pedio.

Halos isang buwan na rin ang nakakalipas mula noong nag-deklara ng lockdown ang buong ka-Maynila-an, dahil sa kumakalat na virus. Mula noong nagka-lockdown ay nahinto na rin ang hanap buhay ni Pedio, pati ang paglalabada ni Wilma ay nawala. Umaasa lang rin sila sa ayudang ibibigay ng Gobyerno— ngunit hindi naman sapat sa kanila.

“Paano na tayo nito papa?” Mangiyak-ngiyak na muling tanong sa kaniya ng asawa.

“Hindi ko rin alam?”

Ang naipon nila’y unti-unti nang nasasaid. Isang buwan ka ba namang walang kita.

Naisip ni Pedio na tumawag sa kaniyang amo upang bumale sana. Hindi naman siya binigo nito at agad namang um-oo si Boss Caloy at sinabing magkita na lang sila, may sasakyan naman ito. Kaya sinabi ni Boss Caloy na dadaan na lang sa kanto nila.

Kinabukasan ng hapon ay nag-text na si Boss Caloy na nasa labasan na ito ng Barangay nila.

“Ayaw papasukin ang sasakyan ko Pedio, hindi raw kasi ako taga-rito. Paano ko ba maiaabot sa’yo ang binale mo?” Kausap ni Boss Caloy sa kabilang linya.

“Sige po sir, lalabas ako,” aniya at hindi na nag-isip pa.

Lumabas nga si Pedio, agad naman siyang hinarang ng mga tanod.

“Bumalik ka na sa bahay mo, Pedio, kung ayaw mong hulihin ka namin,” mahinahong pakiusap ng mga tanod.

“P’re nasa labas kasi ang amo ko, iaabot lang naman iyong binali ko p’re. Baka pwedeng pagbigyan niyo na ako.”

“Bahala ka. Sa dulo mga pulis na ang huhuli sa’yo. Mamumultahan ka pa,” banta nito.

“Magkano ba ang magiging multa ko?”

“Isang libo rin yata, hindi ko alam e.”

Kaysa paghintayin pa niya si Boss Caloy, ito na nga ang nagmagandang loob, ito pa ang maaagrabyado.

“Hayaan mo na p’re. Nakakahiya namang paghintayin ko ang amo ko sa labasan,” aniya at tumuloy na nga sa may labasan.

Gaya ng banta sa kaniya ng tanod sa Barangay nila’y gano’n nga ang nagyari sa kaniya. Hinuli siya ng mga pulis, upang hindi makulong ay pinamumulta na lamang siya nito ng isang libong piso.

Ang binaleng limang libo ni Pedio ay makukunan pa ng isang libo. Kahit may rason naman ang kaniyang paglabas at saglit lang. Kahit nakiusap na siya sa mga pulis ay hindi siya pinakinggan nito. Tiniketan siya at pinagbabayad sa City Hall ng isang libong piso.

Sabagay ginagawa lamang ng mga ito ang trabaho.

Habang nasa pila na siya sa City Hall, ay biglang may nagtanong sa kaniyang lalaki.

“Kuya ano po ba ang violation ninyo?” Tanong ng binata.

“Paglabag sa protocol ng lockdown,” malungkot niyang sagot. “Lumabas kasi ako kahapon upang katagpuin ang amo ko, bumale kasi ako sa kaniya kasi walang-wala na talaga kaming pera.

Kung sa ayuda naman ako aasa, mukhang malabong mangyari. Kaso kahit nakiusap ako’y tiniketan pa rin ako. Sabagay, ayos na rin naman iyon. Paglabag nga naman talaga sa batas ang ginawa ko,” aniya.

Tanggap niya naman ang multa niya, dahil lumabag naman siya sa batas. May pandemya at lockdown ay nagpumilit pa rin siyang makalabas. Ang kinakalungkot lamang niya’y ang perang disin-sana’y maibibili na niya ng bigas at ulam ay napunta pa sa pagbabayad ng multa.

“Dapat binigya kayo ng tsansa,” malungkot na wika ng binata.

“Masama man sa loob, pero ayos lang. Hiling ko na lang ay sana maging maayos na ang lahat ng makabalik na ako sa trabaho,” aniya.

Tapos ng makapagbayad si Pedio nang magulat siya sa muling pagkikita nila ng binatang kumausap sa kaniya kanina.

Nagpakilala ang binata na si Henry sa kaniya kanina habang panay ang kwentuhan nila sa pilahan.

“Oh! Narito ka pa pala?” Manghang tanong ni Pedio.

“Opo. Ito po kuya oh, bigay ko sa inyo,” abot ni Henry sa kaniya ng tatlong libo.

“Ngee! Hindi ko matatanggap iyan, hijo.” Agad namang tanggi ni Pedio.

“Isipin niyo na lang na ayuda ang perang iyan,” ani Pedio, habang pilit isinisiksik sa palad niya ang pera. “Mas malulungkot ako kapag hindi mo ito tinanggap.”

“Per—”

“Kuya Pedio, gusto ko lang po talagang tumulong. Sabihin na natin na hindi naman tayo magkakilala talaga at ngayon lang pinagtagpo. Naantig kasi ako sa kwento niyo.

Alam kong hindi niyo rin ninais na lumabag sa ipinapatupad na batas, ngunit dahil kinailangan mong gawin sa maramng dahilan kaya sinakrispisyo niyo ang isang libo ninyong binale.

Kahit na mas marami pa sana kayong nabiling pagkain sa perang pinangbayad niyo sa multa. Upang makabawi ay tanggapin niyo ang bigay ko.

Kagaya niyo Kuya Pedio ay kinakapos din naman ako, ngunit hindi kagaya ng sa inyo. May sobra naman akong pera, kaya bakit hindi ko ibahagi iyon sa’yo na mas nangangailangan.” Mahabang wika ni Henry.

Agad namang pinunasan ni Pedio ang luha sa kaniyang pisngi. “Hindi ko na talaga tatanggihan ito,” nakangiting biro ni Pedio, ngunit umiiyak.

“Maraming-maraming salamat sa’yo, hijo. Hindi mo man ako kilala ng lubos ay hindi ka nagdalawang isip ang tulungan ako. Hindi ka man lang nagdalawang-isip na pagkatiwalaan ako,” segunda pa ni Pedio.

“Sa klase ng pagtitig niyo kanina sa papel na hawak niyo at sa pera, Kuya Pedio, alam kong hindi ka talaga masamang tao at alam ko rin na labis kang nanghinayang sa isang libo. Kaya pambawi, sa’yo na iyang tatlong libo,” nakangiting wika ni Henry.

Mahirap magtiwala lalo na kung estranghero sa’yo ang isang tao. Ngunit sa klase ni Pedio ay totoong hindi maikakaila sa mukha nito ang pagkadismaya na agad namang nakita ni Henry, dahilan upang magtulak sa binatang tulungan ang lalaki. Kahit sa simpleng paraan at maliit na halaga lamang. Malaking bagay na iyon kay Pedio.

More Stories