Hilig ng Amo Nilang Pakainin Sila ng Tira-Tira; Isang Araw ay Napuno na ang Kasambahay

Hilig ng Amo Nilang Pakainin Sila ng Tira-Tira; Isang Araw ay Napuno na ang Kasambahay

HeartbreakingInspiringStories

“Adelina, magbihis na kayo at kakain tayo ngayon sa labas,” nakasigaw na utos ni Ma’am Delia, ang manugang ni Adelina.

Hindi naman magkandaugaga si Adelina kung ano ang dapat unahin at gawin.

“Mayett, bihisan mo nga muna sina Karl at Kyla,” utos ni Adelina sa kasambahay na si Mayett.

“Opo ma’am,” walang pagtutol na sagot ni Mayett.

Kahit hindi pa tapos sa paglilinis si Mayett ay agad siyang tumakbo sa silid ng mga bata upang bihisan ito.

“Mayett, magbihis ka na rin kasi sasama ka sa’min para may magbabantay sa dalawa,” ani Adelina.

Apat na buwan pa lang na nagtatrabaho si Mayett sa pamilya ni Ma’am Adelina ngunit nais na niyang umalis dito dahil sa pagod at sa hindi magandang trato ng mga ito sa kaniya.

Lagi lamang nakasigaw na mag-utos ang biyenan nitong si Ma’am Delia at kapag hindi nasusunod ay pagagalitan ka pa’t ipapahiya.

Habang si Ma’am Adelina naman ay laging aligaga at hindi malaman kung ano ang mga dapat unahin at gawin. Kapag dumating naman ang amo niyang lalaki ay panay lang rin ito utos, kahit na kaya naman nitong gawin ay iuutos pa sa kaniya.

Dalawa lamang silang katulong sa bahay. Ang usapan ay taga-bantay lamang siya ng dalawang bata, ngunit ang nangyari ay naging all-around ang trabaho niya.

“Mayett, isasama ka na naman daw?” Tanong ni Unay ang kasama niyang katulong.

“Oo raw,” malungkot niyang sambit.

“Ito oh,” abot ni Unay ng tatlong daang piso. “Kapag nagutom ka ay um-order ka rin ng pagkain mo,” anito na labis niyang pinagtakhan. Mas matagal na si Unay rito kaysa sa kaniya. Kaya alam na nito ang ugali ng mga amo nila. Siya nga’y uwing-uwi na sa kanila. Nais lamang niyang tapusin ang kontrata at uuwi na talaga siya.Nasa loob na nga sila ng isang mamahaling restaurant. Sa labis niyang pagtataka ay kakain na ang mga ito, pero hindi siya kasali.

Ngayon niya napagtanto kong para saan ang ibinigay ni Unay na pera.

“Mayett, kumain ka na kanina sa bahay ‘di ba?” Tanong ni Adelina.

“H-hindi pa po,” alanganing sagot ni Mayett.

“Ahh, akala ko kumain ka na. Sige mamaya baka may sobra sina Karl at Kyla, ikaw na lang ang umubos,” ani Adelina na sadyang ikinalungkot ni Mayett.

Ganito ba talaga ang mga ugali ng mga mayayaman?

“Ahh, may pera naman po akong dala ma’am. Pwede po bang um-order na lang ako ng sarili kong pagkain?” Paalam ni Mayett.

“Ha?” Hindi makaimik na wika ni Adelina.

“Mahirap lang po kami sa probinsya ma’am pero hindi po kami itinuring ng mga magulang namin na asong taga-kain ng tira-tira,” prangkang wika ni Mayett.

“Ano?!” Galit na wika ni Ma’am Delia na tila ba siya pa ang nainsulto. “Hindi ka naman ginagawang aso ah!”

“Hindi po ba?” Mahinahong wika ni Mayett. “P-pero kasi ma’am hindi po ako kumakain ng tira-tira. Kahit sabihin pong katulong lang ako’t hindi dapat mag-inarte.” Ramdam ni Mayett, ang galit ng dalawang amo.

Nanlilisik na tinitigan siya ni Adelina. “Sa bahay na tayo mag-uusap, Mayett!”

“S-sige po,” sang-ayon ni Mayett at nanahimik na lang sa kinauupuan.

Nagpatuloy na kumain ang kaniyang mga amo, habang siya ay nakatingin lamang sa mga ito. May naawa pa nga sa kaniya at binigyan siya ng isang pinggan na may lamang pagkain.

Hindi na niya iyon tinanggihan at agad na niyang nilantakan, kahit na halos pat*ayin na siya sa tingin ni Ma’am Delia.

Pagkauwi sa bahay ay agad siyang hinarap ni Ma’am Adelina.

“Kung balak niyo pong sibakin na ako sa trabaho ko Ma’am Adelina, pasasalamatan ko pa po kayo,” aniya hindi pa man nagsisimulang magsalita ang amo.

“Ang totoo po ay labis kong pinagtakhan ang ginawa ni Unay, na bigyan ako ng pera saka binilinang um-order ng sarili kong pagkain, kaya pala dahil may ugali pala kayong gano’n sa mga kasambahay ninyo. Kahit dito sa bahay, kung ano ang tira niyo iyon ang kakainin namin. Hindi ko naman pinansin dahil normal naman iyon bilang katulong lang kami. Pero sa tingin ko po ay sobra naman pong gano’n pa rin ang ugali ninyo sa’min kapag kumakain kayo sa labas,” mahabang wika ni Mayett.

“Hindi ba’t gano’n naman talaga ang dapat gawin sa mga katulong?” ani Adelina.

Lalo lamang nabuo ang desisyon ni Mayett na umuwi na nga lang sa probinsya nila. “Aminado po akong mahirap lang kami ma’am, kaya nga po kai namamasukang katulong dahil mahirap lang kami. Pero mabubuti po kaming tao at patas sa kapwa. Hindi po kagaya ninyong nasa taas kaya ang tingin sa’min ay langgam na kayang apakan.” Dere-deretsong reklamo ni Mayett.

“Mayett! Magdahan-dahan ka sa sinasabi mo!” Gigil na sambit ni Ma’am Delia.

“Sibakin niyo na lang po ako ma’am. Mas ikakatuwa ko pa iyon.”

“Unay, naging masamang amo ba kami sa inyo?” Tanong nito sa dating katulong.

Alanganing umuling si Unay saka tumikhim. “Kung ako ang tatanungin ma’am ay hindi naman talaga kayo masama. Sobrang bossy niyo nga lang po talaga sa’ming mga katulong ninyo.

Kumbaga sinusulit niyo talaga ang pasahod niyo sa’min na halos ayaw niyo kaming magpahinga,” prangkang sagot ni Unay. “Pero wala naman kaming dapat i-reklamo sa bagay na iyon ma’am, siyempre pinapasahuran niyo kami para magtrabaho.”

“Ang sa’min lang naman ma’am, tao rin kami. Hindi kami hayop na taga-kain ng tira-tira ninyo, lalo na kapag kumakain kayo sa labas na para bang ayaw niyong may masayang na pagkain kaya sa’min niyo iyon pinapakain. Alam ko rin po na hindi ko dapat ireklamo ang bagay na iyon, dahil kayo naman ang boss namin,” wika ni Unay dahilan upang matahimik si Adelina.

“Pero bakit nagrereklamo kayo ngayon?!” Gigil na wika ni Ma’am Delia.

“Sinasagot ko lang naman ang tanong ni ma’am Adelina,” sagot naman ni Unay.

Matagal na nanahimik si Adelina saka nag-isip ng malalim. Hindi nila alam kung ano ang tumatakbo sa isipan nito, ngunit…

“I’m sorry guys kung iyon na pala ang iniisip ninyo sa’min.” Mayamaya ay pakumbabang wika ni Adelina.

“Bakit ka nag-so-sorry sa mga iyan!” Palag ni Ma’am Delia.

“Dahil tama sila mama,” sagot nito. “Nasanay akong kapag kumakain sa labas at si Unay ang kasama ay sa kaniya ko ipinapakain ang sobra pero wala naman siyang reklamo. Akala ko ayos lang iyon kaya nakasanayan kong gawin sa mga kasambahay ko.

Hindi na dumating sa isip ko na masama pala iyon. Kaya pala nilalayasan na lang ako ng iba ko pang katulong dahil sa ugali kong iyon. Patawarin niyo ako Mayett at Unay, sana huwag niyo akong sukuan.” Mangiyak-iyak na wika nito.

Nagkasundo naman ang dalawang katulong na bigyan pa ng pangalawang pagkakataon ang babaeng amo.

Simula nga sa araw na iyon ay naging patas na sa kanila si Ma’am Adelina at pati na rin si Ma’am Delia. Iniisip na ng mga ito ang nararamdaman nilang mga katulong.

Minsan kapag sa palagay natin ay sobra na. Mas maigi na rin iyong alam natin kung kailan magreklamo upang malaman ng kapwa natin ang mali nilang gawain.

More Stories