Ginamit ng Anak ang Online Class Upang Bilhan Siya ng Magandang Klase ng Selpon; Magtagumpay Kaya Siya?

“Ineng, magkano ba iyang selpon na binebenta ninyo?” Tanong ng isang lalaking may edad na kay Marez.

Tindera siya ng brand new at original na cellphone sa isang stall sa loob ng mall.

“Depende po tatay, meron pong P5,600.00, iyon po ang pinakamura. Kung gusto mo naman ng mas maganda at mas maganda ang specs, mas mahal nga lang ang presyo,” paliwanag ni Marez.

Agad namang lumungkot ang mukha ng manong. “Iyan bang five thousand mahigit na sinasabi mo ineng ay meron nang 6GB RAM / 64GB ROM?” wika nito na tila ba may binabasang kodigo sa palad.

“Ayy, mas mahal po ang may ganyang internal storage tatay. Ito po ay naka-sale na kaso 16GB ROM lamang ito,” paliwanag muli ni Marez.

“Kaso iyon kasi ang sinabi ng anak ko na kailangan daw nila sa online class. Iyon daw kasi ang requirements na gusto ng guro nila para makasali sa new normal class ngayon,” malungkot na wika nito. “Akala ko nga kasya na itong pera kong three thousand para maibili iyong gusto niya, kaso kapos pa rin pala,” tabinging ngiti nito.Nakaramdam naman ng pagkahabag si Marez dahil sa sinabi ng lalaki. Sa tagal niyang nagtatrabaho bilang isang tindera ay alam niyang sapat na ang 16GB ROM upang makapag-download ka ng kakailanganin mo. Ngunit tila hindi yata ramdam ng anak ni tatay ang hirap ng buhay kaya kung makapagsinungaling ito sa amang walang alam sa gadgets ay gano’n na lang.

“Tatay, sa totoo lang po ay wala kayong mabibiling gano’n sa gusto niyo sa halagang tatlong libo,” prangkang wika ni Marez. “Pero dahil naaawa ako sa inyo, ibebenta ko po itong naka-sale na cellphone sa halagang meron kayo ngayon. Sa isang kondisyon nga lang po tatay.”

“Ano naman iyon ineng?”

Advertisement

“Gusto kong makita personal ang anak niyo at nais kong pagsabihan,” nakangiting wika ni Marez.

Pumayag naman ang lalaking nagpakilalang si Mang Juanito. Babalik raw ito bukas kasama ang anak niya. Bago niya ito pinaalis ay binilinan niya pa itong mag-canvass sa ibang store at magbakasakaling may mabili itong cellphone na may 64 GB ROM na mura lang.

Kinabukasan ay bumalik nga si Mang Juanito, kasama ang anak nitong si Jasper, labing tatlong taong gulang.

“Pumayag na po siya na bilhin ang selpon na iyan. Okay na raw po ang 16GB ROM, kahit hindi naman iyon ang requirements ng teacher nila,” kausap ni Mang Juanito kay Marez.

Ngunit ang buong tingin ni Marez ay nasa mukha ng batang si Jasper. Malungkot ito at nakabusangot ang mukha. Alam niyang hindi ito masaya sa bibilhing selpon ng ama.

“Jasper?” Nakangiting tawag niya sa bata.

“Po?” Nakabusangot na sagot nito.

“Alam mo bang mahal ang gusto mong ipabili sa papa mo?”

Advertisement

“O-opo. P-pero iyon kasi ang kailangan sa school,” pangangatwiran pa nito.

“Alam mo rin ba Jasper na masama ang magsinungaling?”

“P-po?” Nauutal na sambit ng bata.

“Hindi ka ba naaawa kay papa mo na nahihirapan para lang maibili ka sa gusto mong selpon, kaso kapos ang pera niya? Napaka-bata mo pa Jasper, pero marunong ka nang magsinungaling,” diretsong sermon ni Marez sa mahinahong paraan.

Nagsisimula nang humikbi si Jasper, habang tahimik lang sa tabi nito ang amang si Mang Juanito.

“Hindi naman masamang maghangad ng magandang gadget o selpon. Pero malaki ka na at may isip na rin. Isipin mo ang hirap ni papa mo, bago ka mag-request ng mahal na gadget sa kaniya, Jasper. Kung para lang talaga sa online class mo ay malaking bagay na itong bibilhin niyong selpon,” mahinahon pa ring kausap ni Marez kay Jasper.

“Sorry po,” himihikbing wika ni Jasper.

“Huwag ka sa’kin mag-sorry, Jasper. Mag-sorry ka kay papa mo,” ani Marez.

Advertisement

“Saka ka na mangarap ng magandang selpon, anak, kapag may trabaho ka na. Kapag kumikita ka na ng pera, kahit doble-doblehin mo pa ang mga gadgets mo, walang problema iyon. Pero sa ngayon, maging kuntento ka na muna sa kung ano lang ang kayang ibigay ni papa mo ah. Okay ba, Jasper?”

“Opo,” umiiyak pa ring sagot ni Jasper.

“Okay lang iyan,” ani Marez saka niyakap ang umiiyak na si Jasper. “Huwag ka na uulit magsisinungaling kay papa mo ah. Bad iyan,” bilin niya rito.

Tumayo siya saka hinarap si Mang Juanito at iniabot ang selpon na kagabi pa niya ibinalot sa paper bag. Agad namang tinanggihan ni Marez ang iniaabot ni Mang Juanito na tatlong libo.

“Bigay ko na lang po iyan sa inyo tatay. Tulong ko po para kay Jasper,” nakangiting sambit ni Marez.

“Gano’n ba ineng?” Hindi makapaniwalang sambit ni Mang Juanito. “Maraming-maraming salamat, Marez,” humihikbi na ring wika nito.

“Napakabuti niyo pong ama Mang Juanito, dahil kahit nahihirapan kayo’y sinisikap niyong ibigay kay Jasper ang kailangan niya. Kaya naawa po ako sa inyo. Ang totoo ay kahapon ko pa ito nais ibigay, kaso naisip kong kailangan kong pagsabihan ang anak ninyo kaya ngayon ko na iaabot.”

“Maraming salamat, Marez. Para kang isang anghel na bumaba sa langit upang tulungan ako at si Jasper,” tumatangis na wika ni Mang Juanito.

Advertisement

“Walang ano man po iyon, Mang Juanito.” Nakangiting wika ni Marez, saka muling binalingan si Jasper. “Mag-aral kang mabuti ah, para sa paglaki mo mabili mo ang lahat ng gadgets na gusto mo. Okay ba, Jasper?”

“Opo, Ate Marez, thank you po sa pagbibigay sa’kin ng selpon kahit na alam kong hindi naman ako karapat-dapat bigyan,” ani Jasper saka niyakap si Marez.

“Basta huwag mo na lang uulitin iyon at mag-aral kang mabuti. Sapat na upang may patutunguhan ang ibinigay ko sa’yo,” nakangiting bilin ni Marez.

Totoong nakakapanibago ang new normal sa panahon ngayon. Maraming dapat baguhin dahil estranghero sa iyong nakasanayan. Ngunit masama talaga ang magsinungaling lalo na kung ang pagsisinungalingan mo ay ang sarili mong mga magulang. Hindi masamang maghangad, ngunit kung hindi naman kayang bilhin ay huwag nang pilitin.