
Hindi Niya Pala Lubos na Kilala ang Kasintahan; Isang Pangyayaring Sangkot ang Kapamilya Niya ang Magmumulat ng Kaniyang Mata
“Joshua, anak, ibayad mo na kaagad ‘yang pera na ‘yan para sa school project mo ha, baka mawala pa ‘yan,” bilin ni Aling Mara sa kaniyang anak na papasok na sa eskuwelahan.
“Opo, nanay, pangsampung ulit niyo na po iyan,” pabirong sagot ni Joshua sa kaniyang ina.
“Gusto ko lang naman na hindi masayang ang pera, anak. Galing ‘yang pera sa kuya mo. Alam mo namang hirap na hirap na iyon pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho para makatulong,” pagpapaliwanag ni Aling Mara sa bunsong anak.
Niyakap na lamang ni Joshua ang ina bago tuloy-tuloy na naglakad papalabas ng bahay.
Habang papalayo ng kanilang bahay ay tila kinakain ng konsensiya si Joshua. Hindi naman kasi totoong may project siya.
Kailangan niya lang kasi ng pera para i-date ang kaniyang girlfriend. Matagal-tagal na rin kasi nito iniuungot sa kaniya na mag-date sila at ibili niya ito ng damit na gustong-gusto nito.
Napabuntong hininga si Joshua. Babawi na lang siya at hindi na hihingi ng pera sa kaniyang mga magulang sa mga susunod na araw.
Napawi naman ang anumang iniisip ng binatilyo ng makita ang kaniyang nobya na hinihintay siya sa labas ng gate.
“Josh!”
Nakangiti siyang kinawayan ng kaniyang girlfriend na si Nina. Magandang-maganda ito sa suot nitong pink na bestida.
Ngunit napakunot din kaagad ang noo niya nang mapagtantong hindi ito naka-uniporme.
“Nina, bakit hindi ka naka-uniform? Paano ka niyan papapasukin sa school?” Agaran niyang tanong sa kasintahan.
“‘Wag na tayong pumasok, babe. Enjoyin na lang natin ang isang araw nating date!” Pa-cute na wika ng babae bago kumapit sa kaniyang braso.
“P-pero ayoko mag-cutting. Pwede naman tayo mag-date ng uwian na lang para hindi na tayo umabsent,” giit ni Joshua sa kasintahan.
“Minsan na nga lang tayo makapag-date…” nakangusong wika ni Nina.
Wala namang nagawa si Joshua kung hindi ang magpatianod sa kagustuhan ng kasintahan.
Una silang pumunta sa parke. Magkahawak kamay silang naglakad habang mimamasdan ang mga batang masayang nagtatakbuhan.
Nang may dumaan na sorbetero ay agad siyang hinila ng kasintahan para bumili.
Nang iabot ni Joshua ang isandaan sa matanda ay napakamot ito sa ulo.
“Naku, hijo, wala ka bang sampung piso diyan? Kasisimula ko lang kasi magtinda at wala pa akong panukli,” nahihiyang wika ng matanda.
Bago pa mang makadukot si Joshua ay narinig niya nang nagsalita ang kasintahan.
“Magtitinda-tinda kayo, wala kayong panukli?” mataray na wika nito bago taas-kilay na naglakad palayo.
Hiyang-hiya naman si Joshua sa inasta ng katipan. Humingi siya ng paumanhin sa matanda bago inabutan ito ng sampung piso.
Kapagkuwan ay hinabol niya ang katipan na malayo-layo na ang distansiya sa kaniya.
“Nina!” Hingal na hingal siya nang maabutan ang katipan na kumakain ng sorbetes.
“Bakit mo naman sinabi ‘yun sa matanda? Parang nabastos tuloy,” saway niya rito.
“Nagbayad ka?” Tatawa-tawang tanong nito.
“Oo naman, alangan namang hindi ako magbayad?” Naguguluhang sagot niya dito.
“Dapat hindi ka na nagbayad, dapat sinabi mo na wala kang barya,” humagikhik na wika nito, tila hindi man lang iniisip ang ginawa nito sa matanda.
Napailing na lamang si Joshua. Tila hindi pa niya ata lubusang kilala ang kasintahan.
Nang sumapit ang tanghali ay pumasok sila sa isang sikat na fast food chain upang kumain.
Habang naghihintay ng kanilang pagkain ay nagpaalam si Nina na pupunta ito sa banyo.
Halos limang minuto na simula ng umalis ito nang makarinig siya ng komosyon sa bandang likuran.
Nagulat siya nang makitang sinisigaw-sigawan ni Nina ang isang nakayukong crew.
Bago pa man siya makalapit ay tumalikod na ang crew kasama ang isa pang lalaki na sa tingin niya ay manager nito.
“Anong nangyari?” Nag-aalala niyang usisa sa katipan.
Misteryosa itong ngumiti bago umupo.
“Hinipuan ako nung crew,” paliwanag nito.
Napatayo kaagad si Joshua sa galit. Hindi siya papayag na bastusin ng kung sinuman ang kaniyang girlfriend!
“Kumalma ka muna. Tingin ko hindi niya sinasadya yun dahil marami siyang bitbit, pero malay mo, bayaran pa nila ako ‘di ba?” Humahigikhik na wika ng babae.
Nahulog ang panga ni Joshua sa sinabi nito.
“Kawawa naman ‘yung crew, babe. Nagtatrabaho lang naman ‘yun eh…” pakiusap niya sa katipan.
“Ah, basta! ‘Pag kinausap ako ng manager hihingi akong danyos at ipapatanggal ko ang lalaking iyon!” paninindigan ng babae.
Gulat na gulat si Joshua. Hindi niya akalain na ganito pala ang kaniyang kasintahan.
Ilang sandali lamang ay lumapit ang manager sa kanila at iginiya sila sa isang maliit na opisina.
“Ma’am pasensiya na ho sa abala, sisiguraduhin ko ho na matatanggal ang crew na gumawa nun sa inyo,” hinging paumanhin ng manager.
“Hindi na ho namin papabayaran ang pagkain na inorder niyo,” dagdag pa ng manager.
Tiningnan ni Joshua ang mukha ng kasintahan. Halata sa ekspresyon nito na dismayado ito at hindi nito nakuha ang inaasam na danyos.
“Nasan na ‘yung bastos na crew na ‘yun? Gusto kong lumuhod siya harap ko ngayon din!” galit na wika ni Nina.
Pinigilan ni Joshua ang kasintahan ngunit pinalis lamang nito ang kamay niya.
Wala namang nagawa ang manager kundi tawagin ang crew.
Ganun na lamang ang gulat ni Joshua ng makilala ang crew.
“Kuya JJ!”
“Joshua! Anong ginagawa mo rito? Hindi ba may pasok ka?” Namimilog ang mata ng kaniyang kuya.
Tila naunawaan naman nito ang sitwasyon nang makitang kasama niya si Nina.
Tigagal din si Nina nang mapagtanto ang relasyon ni Joshua sa crew na diumano ay “nambastos” dito.
“Pasensiya na ho talaga, Ma’am, hindi ko ho talaga sinasadya,” hinging paumanhin ni JJ. Akmang luluhod ito sa harapan ng kaniyang nobya nang pigilan ito ni Joshua.
“Kuya, huwag mong gawin iyan!”
Inis naman na bumaling sa kaniya si Nina bago ito nagmamartsang lumabas ng opisina. Tila ayaw nitong masaksihan ang pagkabuko ng kasinungalingan nito.
“Alam ko hong hindi magagawa ni kuya ang ibinibintang ng girlfriend ko. Sana po ay hindi niyo siya tanggalin sa trabaho,” pakiusap ni Joshua sa manager.
Nakahinga siya nang maluwag nang sabihin nitong hindi aalisin ang kaniyang Kuya JJ sa trabaho.
Ayaw niya rin naman mapahiya si Nina kaya hindi niya na sinabi sa manager ang tunay na intensyon nito sa pag-eeskandalo.
Kinausap ni Joshua ang kapatid. Inamin niya rito na lumiban siya sa klase upang makipag-date.
Humingi siya ng paumanhin sa kapatid, at nangako itong ililihim ang ginawa niya kung hindi niya na uulitin pa iyon.
At tinupad niya ang pangako sa kapatid. Nakipagkalas siya kay Nina dahil hindi niya kayang suportahan ang mga gawain nito.
Simula noon ay mas nagsumikap siya sa pag-aaral.
Gusto niya kasing dumating ang panahon na mabayaran niya naman ang sakripisyo ng kaniyang ina, ama, at kapatid.