Nanggagalaiti ang Ginang na Ito nang Hindi Tumuloy na Mangibang-bansa ang Anak, Nagulantang Siya sa Balita Nito

“Rita, naman! Bakit hindi ka tumuloy sa ibang bansa? Hindi mo ba alam kung gaano kalaking oportunidad ang sinayang mo, ha? Diyos ko! Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip mo!” bunganga ni Aling Emily sa kaniyang anak, isang umaga nang bigla itong hindi tumuloy sa paglipad patungong ibang bansa.

“Mama, ayoko lang naman po kayong…” hindi na natuloy ng dalaga ang sasabihin dahil agad niyang inihagis ang mga maletang dala nito palabas ng bahay. 

“Ayaw mong ano? Ayaw mong yumaman tayo? Rita, alam mong dugo’t pawis ko ang isinakripisyo ko para lang makaalis ka ng bansa! Halos lumuhod ako sa harapan ng kaibigan ko para lang ipadala ka sa kumpanya niya sa Japan! Gusto mo ba talagang puman*w ako na mahirap pa rin tayo, ha?” bulyaw niya pa rito dahilan upang humagulgol ito habang nagpupulot ng mga sumabog na gamit. 

“Hi-hindi po, mama,” hikbi nito.

“Pwes, lumipad ka papuntang Japan! Kumuha ka ulit ng ticket! Dalian mo!” utos niya pa.

“Ayoko po, mama, gusto kitang makasama,” pagmamatigas nito dahilan upang agad siyang manggalaiti. Kinuha niya ang walis tingting na nasa tabi niya’t agad na hinataw sa anak.

“Mama! Aray!” sigaw nito habang sinasangga ang mga hampas niya.

Ang pagtatrabaho na lang ng nag-iisang anak sa ibang bansa ang tanging nakikitang paraan ng ginang na si Emily upang siya’y makaangat sa kahirapan. Naisip niya ito dahil noong siya’y dalaga pa lamang, siya’y nakatakda na sanang magtrabaho sa ibang bansa ngunit isang araw bago siya umalis, nalaman ng kaniyang mga magulang na siya’y nagdadalang-tao dahilan upang pigilan at itakwil siya ng mga ito. At doon na siya nagsimulang makaranas ng kahirapan na mapahanggang sa ngayon ay dinaranas niya pa rin. 

Advertisement

Ayaw niyang maranasan ng kaniyang anak ang paghihirap na dinanas niya dahilan upang gawin niya ang lahat para lang makaalis ito ng bansa. Totoo ang sinabi niyang lumuhod siya sa harapan ng kaniyang kaibigan para lang maipadala ito sa Japan, naglinis siya ng mga kuko nito, nilutuan niya ito ng mga pagkain at marami pang ibang panunuyo na nagbunga naman ng magandang balita dahil naaprubahan ang aplikasyon ng kaniyang anak.

Kaya ganoon na lang ang galit niya sa kaniyang anak nang makita niyang nasa labas ito ng bahay. Buong akala niya kasi ito’y nasa himpapawid na patungong Japan. Tila nawala siya sa tamang pag-iisip dahil sa galit dahilan upang mabugbog niya ito’t mapagsalitaan ng kung anu-ano.

Nang mapansin niyang hindi na sumasangga at umiiyak ang kaniyang anak, siya’y biglang napatigil at naupo sa kanilang pintuan. Hihinga-hinga siyang nakatingin sa anak niyang ngayo’y puro latay na.

“Ano ba talagang problema mo, ha?” galit niyang tanong dito.

“Nabasa ko po kasi ‘yong resulta ng laboratoryo ko na pinadala ng doktor ko kanina. Sabi ro’n, isang taon na lang ang itatagal ko at ayokong gugulin ang natitirang oras ng buhay ko nang wala sa piling mo, mama,” hikbi nito dahilan upang mapahawak na lang siya sa kaniyang bibig dahil sa labis na pagkagulat, “Siguro po inaprubahan lang nila ako dahil sa panunuyo mo, mama, pero kung tutuusin, hindi po talaga ako pwedeng magtrabaho ro’n,” iyak nito dahilan upang agad niya itong lapitan at yakapin nang mahigpit.

“Pasensiya na, anak, pasensiya ka na,” hagulgol niya habang pinupunasan ang mga luha ng anak saka niya hinalikan sa noo nito. 

Doon niya napagtantong sa kagustuhan niyang makaahon sa kahirapan, nakaligtaan niya ang kondisyon sa puso ng kaniyang anak na labis niyang pinagsisihan.

Simula noong gabing ‘yon, kinumbinsi niya ang sariling siguro hindi talaga para sa kanilang mag-ina ang pangingibang-bansa. ‘Ika niya, “Siguro kailangan ko lang na makuntento sa kung anong buhay ang mayroon kami ng anak ko, ang mahalaga ngayon, siya’y mapasaya ko bago siya mawala,” mangiyakngiyak niyang sambit sa sarili habang pinagmamasdang magbalik ng mga damit at gamit na kanilang inempake ang kaniyang anak. 

Advertisement

Sa buhay, madalas tayong mabulag ng pera. Madalas, hinahangad natin ang marangyang buhay dahil akala natin, dito tayo makakaramdam ng saya. Lingid sa kaalaman nating lahat, ang saya ay matatagpuan sa ating puso at hindi sa mga materyal na bagay. 

Hindi masamang mangarap na maging matagumpay sa buhay. Ang masama ay ‘yong pagbibigay ng mas malaking atensyon sa halaga ng pera kaysa sa halaga ng mahal natin sa buhay.