Pinaubaya ng Isang Binata ang Pagmamahal sa Kaniyang Matalik na Kaibigan; Hindi Niya alam na Matagal na rin pala Siya Nitong Gusto

Pinaubaya ng Isang Binata ang Pagmamahal sa Kaniyang Matalik na Kaibigan; Hindi Niya alam na Matagal na rin pala Siya Nitong Gusto

InspiringLoveStories

“Kyla, ano ang tingin mo kay Trixie?” tanong ni Brix sa kaniyang matalik na kaibigan. 

“Ilang beses mo nang itinatanong sa akin ‘yan. Oo na, maganda na siya. Pero kahit anong ganda niya ay hindi pa rin siya hihigit sa kagandahan ko!” natatawang pagbibiro ni Kyla sa binata. 

“Hindi naman ‘yun! Sa tingin mo ba ay bagay kami? Sa tingin mo ay magugustuhan din niya ako?” pilit na tanong muli ni Brix. 

“Bakit hindi mo na kasi ligawan para malaman mo kung magugustuhan ka niya. Pero binabalaan na kita, Brix, hindi maganda ang pagkakakilala ko d’yan kay Trixie. Marami akong naririnig na hindi maganda tungkol sa kaniya,” wika ni Kyla. 

“Hay, bakit kasi hindi na lang ako makakita ng isa pang babaeng katulad mo, Kyla! Maganda na, matalino pa at mabait. Ilibre mo naman ako mamaya!” kantiyaw ni Brix. 

Bata pa lamang ay magkaibigan na sina Brix at Kyla. Matalik din kasing magkaibigan ang kanilang mga ina kaya madaling nagkapalagayan ng loob ang mga ito. 

Pero bata pa lamang ay may pagtingin na si Kyla kay Brix. Sa paglipas ng panahon ay walang ibang minahal ang dalaga kung hindi ang kaniyang matalik na kaibigan. Ngunit dahil sa ayaw niyang masira ang kanilang pagkakatinginan at alam niyang kapatid lamang ang turing nito sa kaniya ay hindi na niya nagawang aminin pa sa binata ang kaniyang nadarama. 

“Kyla, tutal wala naman tayong parehong partner sa graduation ball, wala akong magagawa kung hindi tanungin ka,” pabirong sambit ng binata.

“Tigilan mo ako, Brix. Maraming umaaya sa akin pero ayaw ko lang. Kasi nga naaawa ako sa’yo at wala kang kapareho,” sarkastikong tugon naman ng dalaga. 

“Wala ka nang magagawa, Kyla. Hanggang wala akong kasintahan ay ikaw ang ihaharap ko sa lahat. Pagtitiyagaan ko na ‘yang hindi mo masyadong kagandahan,” natatawa nitong pang-aasar kay Kyla.  

“Ayaw mo pa kasing lakasan ang loob mo at tanungin mo si Trixie nang hindi na ako maawa sa iyo! Makasagot na ako sa lahat ng lalaking gustong umaya sa akin!” natatawa ding tugon ng dalaga.

Pero kahit na walang balak aminin si Kyla sa tunay na nararamdaman ay umaasa pa rin siya na isang araw ay makita siya ni Brix na hindi lamang bilang isang kaibigan. 

Isang araw ay tuwang-tuwa si Brix kaya agad niya itong ibinalita sa matalik na kaibigan. 

“Kyla! Salamat sa payo mo! Nilakasan ko talaga ang loob ko tulad ng sinabi mo. Sa wakas ay nasabi ko na rin kay Trixie ang nararamdaman ko at pumayag na siyang ligawan ko siya!” nagtatalon na sambit ni Brix. 

Hindi alam ni Kyla ang magiging reaksyon niya sa sinabi ng kaibigan. 

“Masaya ako para sa’yo!” sambit nito. 

“Saka pumayag na pala siyang maging kapareha ko sa graduation ball. Kaya malaya ka nang pumayag sa magtatanong sa’yo. Sayang lang at hindi ko sila kasing guwapo!” biro niya. 

“Pero salamat talaga! Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka!” wika ni Brix sabay yakap sa kaibigan. 

Nang yumakap pabalik si Kyla ay hindi ito yakap ng kasiyahan niya para sa kaibigan ngunit isang yakap ng isang pag-aasam na sana isang araw ay siya na ang ibigin nito. 

Dumating na ang ang araw ng graduation ball. Kasama ni Brix ang magandang si Trixie na dumating sa pagtitipon. Agad niyang pinuntahan din si Kyla upang itanong kung sino ang kasama nito at itinuro ang lalaking palaging itinutukso sa kaniya ng mga kaklase. 

“Sabi na nga ba, gusto mo rin ‘yang si Brando. Kunwari ka pa,” sambit ni Brix. 

Napangiti lamang si Kyla habang tinitignan niya ang pagkakakapit ni Trixie sa kaniyang matalik na kaibigan. Agad inaya ni Trixie si Brix upang sila ay sumayaw. Nang makita ng dalaga ang walang habas na pagtitig ni Kyla kay Brix ay agad hinalikan ni Trixie ang binata. 

Hindi na rin naman nag-atubili na gumanti si Brix ng halik sa dalaga. Lubusan itong ikinalungkot ni Kyla. Umalis ito sa party at mula noon ay naging malamig na ang pakikitungo nito kay Brix. 

Dahil tuluyan na ring sinagot ni Trixie si Brix ay nawalan na ito ng panahon sa kaniyang matalik na kaibigan. 

Sa tuwing kailangan ni Kyla ang kaniyang kaibigan ay hindi na niya ito mahagilap dahil palagi na itong kasama ng kaniyang nobya. 

“Kumusta ka na?” tanong ni Brix kay Kyla. “Pasensiya ka na at hindi na tayo madalas magkita. Itong si Trixie kasi gusto lagi kaming magkasama,” saad ni Brix. 

“Ayos lang naman ako,” matipid na sagot ng dalaga. 

“Alam mo, sobrang saya kasama ni Trixie. Maraming bagong bagay akong nararanasan kapag kasama ko siya! Pati ‘yung, ‘yung alam mo na ‘yun,” saad ng kaibigan. 

“Ang ibig mo bang sabihin ay may nangyari na sa inyo?” gulat na tanong ng dalaga. 

“Pero nangako tayo sa isa’t isa, Brix, na hindi natin gagawin ‘yan kapag hindi pa tayo tapos sa pag-aaral at kung hindi pa tayo ikinakasal–,” natigilan ang dalaga.

“Ikinakasal sa ibang mahal natin. Ang baboy mo!” giit pa ni Kyla. 

“Bakit parang galit na galit ka, Kyla? Mapipigilan ko ba kung siya ang may gusto? Ang hirap sa’yo porket wala kang kasintahan ay ganyan na ang pagtingin mo sa akin,” wika ng binata.

“Ewan ko sa’yo! Saka dahil palagi kang wala, hindi mo tuloy alam na may kasintahan na rin ako. Kami na ni Brando pero ‘wag kang mag-alala kasi ako na lang ang tutupad ng pinagkasunduan natin,” galit na sambit ni Kyla. 

Simula noon ay hindi na pinansin pa ni Kyla si Brix. Kahit anong tawag nito sa kaniya o hindi kaya ay pangangamusta ay hindi na niya ito sinasagot. Nang dumating din ang araw ng kanilang pagtatapos ay hindi man lang niya nagawang lapitan ang matalik na kaibigan. 

Ipinagtataka ito ng lubusan ni Brix. Ngunit nariyan na din naman si Trixie kaya dito na lamang niya itinuon ang kaniyang pansin. 

Nakalipas ang ilang taon ay nagsimula na ang bawat isa ng kani-kanilang mga buhay. Nabalitaan ni Kyla ang planong pagpapakasal nila Brix at Trixie kaya naging buo lalo ang kaniyang loob sa planong mangibang bansa upang doon magtrabaho. Sa araw ng kasal ni Brix mismo ang araw ng pag-alis ng dalaga.

Ngunit ikinagulat niya nang makita sa paliparan ang matalik na kaibigan makalipas ang ilang taong hindi pagkikita at pagkikibuan.

“B-bakit ka narito?” pagtataka ng dalaga. “Hindi ba ngayon ang kasal mo kay Trixie?” dagdag pa niya. 

“Matagal nang naurong ang kasal namin dahil sa hindi ko na mabilang na pagkakataon ay natuklasan ko na naman na niloloko niya ako. Tama ka, Kyla. Dapat noon pa lang ay nakinig na ako sa’yo,” pahayag ni Brix. 

“Saka mahirap din na ikasal sa babaeng hinahanap mo ang iba sa kaniya,” wika pa ng binata. 

“A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka ni Kyla. 

“Hindi ko maamin sa’yo, Kyla. Pero noong araw ng graduation ball at sinabi mo sa akin na si Brando ang kapareho mo ay parang hindi ko kayang makita ka sa piling ng ibang lalaki. Hindi ko alam kung nasanay na lang ako kaya binalewala ko na lang ang nararamdaman kong iyon. Ngunit nang sabihin mo sa akin na kayo na ni Brando ay lubusan akong nasaktan. Lalo na nang tuluyan ka nang lumayo sa akin,” paliwanag ni Brando. 

“Ikaw pala ang mahal ko. Sa loob ng mahabang panahon na paghahanap ko ay nasa tabi ko lang pala ang kailangan ko. Pero alam kong huli na ang lahat para sa atin sapagkat kayo pa rin ni Brando,” pag-amin niya. 

Hindi na napigilan ni Kyla ang kaniyang mga luha. Sa pagkakataong ito ay luha ito ng kaligayahan sapagkat sa wakas ay dumating na rin ang araw na kaniyang pinakahihintay. 

Umiling si Kyla. “Kahit kailan ay hindi naging kami ni Brando. Sinabi ko lang iyon sa iyo para hindi naman ako magmukhang kawawa. Saka kahit na ilang beses akong niligawan ni Brando ay hindi siya ang para sa akin dahil iisa lang ang lalaking nagmamay-ari ng puso ko noon pa,” tugon ni Kyla. 

“Ikaw lang ang lalaking minahal ko, Brix. Bata pa lang tayo ay mahal na kita. Hindi ko akalain na darating ang araw na ito na aaminin mo sa akin na ako din ang mahal mo,” umiiyak na sambit pa ng dalaga. 

Tinapos ng isang mahigpit na yakap ang pangungulila ng dalawa sa isa’t isa. At sa pagkakataong ito ang mga yakap na ito ay hindi lamang simbolo ng kanilang pagkakaibigan ngunit higit pa dito. Hindi na napigilan ni Brix na halikan ang dalaga. 

Natuloy pa rin ang pag-alis ni Kyla patungong ibang bansa. Ngunit makalipas lamang ang tatlong buwan ay sumunod na rin doon si Brix at agad na pinakasalan ang matalik na kaibigan. 

Hindi nila akalain na sa tagal ng panahon ay sila din pala ang nakatakda para sa isa’t isa. Ngayon ay masaya nang naninirahan sa ibang bansa sina Brix at Kyla kasama ang kanilang mga anak. 

More Stories