Nais Wakasan ng Isang Binata ang Kaniyang Buhay; Isang Matanda ang Magbibigay sa Kaniya ng Aral

“Wala nang patutunguhan ang relasyon na ito, Carlo. Kaya p’wede ba, tigilan na natin ito. Hindi na rin kita mahal!” sambit ni Lanie sa kasintahan.

“Baka p’wedeng ayusin pa natin ito, Lanie. ‘Di ba, nangako ka na walang iwanan? Magbabago ako. Gagawin ko kung ano man ang gusto mo! H’wag mo lang akong iwan!” pagsusumamo ng binata.

“Bingi ka ba, Carlo? Sinabi ko nang ayoko na sa’yo! Hindi na kita mahal! May mahal na akong iba!” giit ng dalaga.

“Ganun-ganon na lang ba lahat ng iyon, Lanie? Basta mo na lang itatapon ang mga taon na pinagsamahan natin dahil lang sa tingin mo ay may pagkukulang ako? Grabe ka, Lanie! Napakasakit ng ginagawa mong ito sa akin,” walang tigil sa pag-iyak si Carlo.

“Kahit ano pa ang sabihin mo, Carlo, ay buo na ang desisyon ko! Simula sa oras na ito ay hiwalay na tayo. H’wag mo na akong lalapitan o ‘di kaya ay kukulitin pa. Tandaan mo, tapos na tayo!” mariing sambit ng dalaga.

Halos pagsakluban ng langit at lupa itong si Carlo sa lahat ng tinuran sa kaniya ni Lanie. Sa matagal na panahon kasi ay tanging sa dalaga na umikot ang kaniyang mundo. 

Hayskul pa lamang ang mga ito ay magkasintahan na ang dalawa. Ngunit nang magkolehiyo ay unti-unti nang nagbago si Lanie. Biglang iba na ang mga gusto nito. Lumayo na rin loob niya sa kasintahan at unti-unti nang nahulog sa iba.

Hindi lubusang akalain ni Carlo na darating ang araw na makikipaghiwalay sa kaniya ang kasintahan. Buong akala niya kasi ay ayos sila. Sa totoo lamang ay madalas na nga silang magplano kung ano ang gagawin nila pagkatapos nilang magtapos sa pag-aaral.

Advertisement

“Akala ko, pare, kasama pa ako sa mga plano niya sa buhay. ‘Yun pala, iba ang gusto niyang makasama,” malungkot na sambit ni Carlo sa kaniyang kaibigang si Alfred.

“Hayaan mo na, pare. Lilipas din ang sakit na nararamdaman mo. Ang mahalaga ay maaga pa lamang ay nalaman mo na kung anong uri siyang babae. Hindi siya karapat-dapat na pagtuunan mo ng buhay mo,” tugon ng kaibigan.

“Pero siya lang ang gusto kong makasama. Siya lang babaeng nakikita ko ang sarili ko. Pare, kung wala siya, wala na ring halaga ang buhay ko,” saad pa ni Carlo. 

“H’wag mong sabihin ‘yan. Maraming nagmamahal sa’yo. Saka, pare, maraming babae d’yan. Tapat at hindi ka iiwan para sa iba,” payo ni Alfred.

Ngunit tila kahit ano ang sabihin ni Alfred ay sarado ang isipan ng kaibigan sa lubusang pagmamahal niya sa dating kasintahan.

Hindi tumigil si Carlo sa paghabol sa dalaga. Maraming beses na nagmumukha na itong tanga sa pagpupumilit ng kaniyang sarili kay Lanie. Lalong masakit pa sa kaniya nang makita niya ang sobrang atensyong ibinibigay ng dating kasintahan sa bago nitong karelasyon. Mga bagay na hindi niya naranasan kay Lanie.

Hindi niya matanggap na sa ganito lamang hahantong ang kanilang pag-iibigan. Lubusang nalugmok sa kalungkutan si Carlo. Madalas ay hindi na siya nakakapasok sa eskwela. Madalas din itong nagkukulong na lamang sa kwarto at kung nasa labas ay tila lumilipad ang isip nito.

Walang panahon din na hindi siya naluha sa tuwing naaalala niya ang mga pinagdaanan nila ng dating kasintahan. Dahil sawa na siyang gumising nang umiiyak at makatulog dahil sa pagluha ay nais na lamang niyang wakasan ang sariling buhay upang mawakasan na rin ang kaniyang paghihirap.

Advertisement

Ngunit bago ang lahat ay bumalik siya sa parke kung saan siya sinagot ni Lanie. Doon ay sinariwa niya lahat ng mga alaala nilang dalawa. Walang kasing sakit ang nararamdaman niya sa bawat tawanan na kaniyang naaalala. Napaupo na lamang siya sa sobrang hinagpis. 

Hindi niya napansin na may isang matandang babae na kanina pa siya pinagmamasdan. Lumapit ito sa kaniya at inalok siya ng palamig.

“Mabuti pa ay uminom ka muna, iho. Baka sakali ay maibsan nito kung ano man ang dinadala mo,” sambit ng matanda. Ngunit tinabig lamang ni Carlo ang kamay ng matanda dahilan upang matapon ang iniaalok nitong palamig.

“Walang kahit anong makakapagpagaan ng kalooban ko! At wala kang alam sa pinagdadaanan ko! Kaya mabuti pa ay tantanan mo akong matanda ka! Hindi ako bibili ng tinda mo!” pagsigaw nito.

Magdidilim na ay naroon pa rin si Carlo sa parke. Naghihintay ng tamang panahon kung kailan niya magagawa ang kaniyang binabalak.

Ilang oras pa ang lumipas at unti-unti na siyang tumayo at lumapit sa kalsada kung saan mabibilis ang lahat ng sasakyan. Wala siyang pag-aalinlangan sa kaniyang gagawin.

Nang makita niyang may isang paparating na nasasakyan na humaharurot ay ihahakbang na sana niya ang kaniyang mga paa upang magpasagasa nang biglang may humila sa kanila palayo sa kalsadang ito.

Bigla na lamang natauhan si Carlo.

Advertisement

“Iho, hindi ito ang solusyon sa iyong kalungkutan,” mariing sambit ng matandang babaeng kaninang nag-alok sa kaniya ng palamig.

“Kanina pa kita pinagmamasdan at alam kong may binabalak kang hindi maganda sa iyong sarili. Hindi ko na lang basta p’wede ipagwalang bahala ito. Ano ba ang problemang dinadala mo?” dagdag pa niya.

Napaiyak na lamang si Carlo. Doon ay inilahad niya ang lahat ng kalungkutan niyang pasan.

“Sana ay naisip mo kung ano ang mararamdaman ng mga magulang mo kung nawala ka. Masakit sa mga magulang ang mawalan ng anak at lalong masakit kung ang dahilan lamang nito ay bigong pag-ibig,” wika ng matandang babae. 

“Alam mo, kinit*l din ng anak ko ang kaniyang buhay dahil lamang sa isang babae. Hindi ko matanggap na sa dinami-dami ng sakripisyo at pagmamahal na ibinigay namin sa kaniya ng kaniyang ama ay hindi pa pala sapat iyon upang hindi niya gawin ang kaniyang ginawa. Kung maibabalik ko lamang ang panahon, higit ko pa siyang mamahalin hanggang sa mapagtanto niya na may iba pang lubusang nagmamahal sa kaniya. Sa araw-araw ng buhay ko, kahit wala na siya ay pilit akong nagpapakatatag dahil alam kong ang buhay na ito ay hiram lamang at kailangang alagaan,” pahayag pa ng matanda na hindi na rin napigilan ang sarili sa pagluha. 

Doon ay naisip ni Carlo ang kaniyang mga magulang. Tama nga naman ang sinabi ng matanda. Hindi niya alam kung bakit niya hinahayaan lamunin siya ng kalungkutang dala ng pakikipaghiwalay ng nobya gayong ito rin naman ang nagtaksil. 

Naliwanagan ang kaniyang isip ng mga sandaling iyon. Ayaw niyang makaramdam din ang kaniyang magulang ng kalungkutan dahil sa kaniyang pagkawala. Nais niyang pahalagahan ang pagmamahal na ibinibigay ng mga ito.

Inayos ni Carlo ang sarili. Mula noon ay hindi na niya pinagbalakan pa ang sarili ng masama. Unti-unting nakabalik ang binata sa dating siya na masayahin at positibo ang pananaw sa buhay. 

Advertisement

Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral. Ibinuhos niya ang lahat ng kaniyang enerhiya sa pagpapabuti ng sarili. Hindi nagtagal ay nakatapos na rin siya, nagkaroon ng magandang buhay at natagpuan na niya sa wakas ang babaeng hinding-hindi siya iiwan at ipagpapalit kahit kanino.