Inday TrendingInday Trending
Ininsulto at Tinawag na Naglalakad na Hanger ng Mataray na Ginang ang Serbidora sa Restawran; Isang Kustomer ang Nagtanggol sa Kaniya

Ininsulto at Tinawag na Naglalakad na Hanger ng Mataray na Ginang ang Serbidora sa Restawran; Isang Kustomer ang Nagtanggol sa Kaniya

“Good morning, ma’am, welcome po sa aming restawran!” masiglang bati ni Andrea sa bagong pasok na kustomer. “Ito po ang menu, pumili na lang po kayo ng order niyo,” dugtong niya habang nananatili ang ngiti sa labi.

Mataray na tiningnan siya ng babaeng kustomer at maarteng kinuha ang menu na kaniyang ibinigay. Tiningnan siya nito mula sa kaniyang paa, hanggang sa kaniyang mukha at pagkatapos ay umismid na para bang sumama ang araw nito nang makita siya. Hindi man ito nagsasalita ay nararamdaman niyang iniinsulto siya ng ginang sa pamamagitan ng tingin.

Sa isip niya, may mali ba sa kaniyang itsura? Maayos naman ang pagkakaayos niya sa kaniyang buhok, nilagyan niya ng kaunting kolorete ang mukha upang kahit papaano’y magmukhang presentable, kaya hindi niya mawari kung anong dahilan nito upang ismiran siya.

“Miss, wala bang ibang waitress ang pwedeng mag-asikaso sa’kin?” maya maya ay tanong ng ginang habang ang kaliwang kilay ay nakataas sa mataray na paraan. “Ayoko sa’yo,” anito at muling pinasadahan ang kaniyang kabuuan. “Hindi ko gusto ang awra mo, para kang h-in-anger na taong naglalakad,” anito sabay angat ng balikat. “Mukha kang may sakit sa baga,” dugtong pa nito at mahinang tumawa.

Biglang nawala ang kumpyansa niya sa sarili matapos marinig ang sinabi ng babae. Wala sa loob na niyuko niya ang sarili. Sobrang payat niya na ba talaga? Totoo bang mukha siyang hanger na naglalakad? Ang sagwa ba niyang tingnan?

“Ang ganda ng restawran niyo, pero hindi presentable ang mga waitress niyo rito, medyo nakakadismaya naman,” anang babae.

Humakbang paatras si Andrea at akmang tatalikod na sana upang hayaan ang sariling ilabas ang sama ng loob na naramdaman sa labis na pang-iinsulto ng ginang. Kung iyong titingnan ay mukha itong mayaman, at may pinag-aralan, pero wala itong modo sa mga kagaya niya’y hindi ito marunong makipag-kapwa tao. Aalis na sana siya nang biglang nabangga ang kaniyang likuran sa isa ring babaeng nakatayo sa kaniyang likuran.

“Excuse me, ma’am,” kausap nito sa ginang na kanina lang ay labis siyang ininsulto. “Narinig ko lahat ng pinag-usapan ninyo at sa tingin ko’y masyado naman yatang mataas ang tingin niyo sa inyong sarili,” anang babaeng isa rin sa kanilang mga kustomer.

Tumabi ito sa kaniya at magaang hinawakan ang kaniyang balikat na para bang sinasabi ng simpleng pag-hawak nito sa kaniya na ito ang bahalang haharap sa mapang-insultong ginang.

“Wala naman akong nakikitang mali sa itsura niya,” anito sabay lingon sa kaniya. “Ang may problema rito ay ang pagiging matapobre at mapanghusga niyo sa inyong kapwa,” dugtong nito.

“Mali bang mamili ako kung sino ang gusto kong mag-asikaso sa’kin? Pagkain ang ihahain niya, hindi basta-basta ‘yon dahil ipapasok ko iyan sa’king katawan. Paano kung may sakit siya sa baga? Baka mahawaan niya ako!” mataray na wika ng ginang, halata ang disgusto sa mukha.

“Wala namang mali sa bagay na iyon, ma’am, karapatan niyong mamili ng taong mag-aasikaso sa inyo,” magalang na wika ng babae. “Ang mali ay iyong insultuhin mo siya’t ipahiya sa karamihan. Pumunta kayo rito upang kumain, hindi upang mangmaliit ng mga serbidora dito sa restawran. Pwede niyo naman siyang kausapin nang mahinahon at may galang, dahil mukha naman kayong may pinag-aralan, ngunit hindi niyo ginawa. Bagkus ay binastos niyo siya at ipinahiya sa lahat. Sa inyo pong palagay, ma’am, may katwiran ba ang ginawa niyo kanina?”

Agad namang sinang-ayunan ng iba pang naroroon na kustomer ang sinabi ng babae, dahilan upang mapahiya ang ginang. Sa labis na pagkapahiya ay tumayo na lang ito at inis na umalis ng restawran. Nagpalakpakan naman ang ibang naroroon sa ginawa nitong pag-alis na para bang nais iparating ng lahat na hindi kawalan ang ibabayad nito sa kakainin at mas maigi na ngang umalis na lang ang matapobreng ginang.

Nang tuluyan na itong nawala sa paningin ng lahat ay tumayo naman ang iilan upang bigyan ulit ng kumpyansa sa sarili si Andrea.

“Walang mali sa’yo, ineng. Huwag mong paniwalaan ang malditang babaeng iyon na akala mo’y diyosa siya ng kagandahan kung mangmaliit ng iba. Maganda ka, at nararapat sa’yo ang trabahong ito. Huwag mong hayaan na hilain ka niya pababa,” anang matandang ale na isa sa kustomer nila.

“Tama si ma’am, nandito ka upang magtrabaho. Walang mali sa’yo, ang ugali no’n ang may malaking problema,” segunda naman ng babaeng nagtanggol sa kaniya kanina.

“Salamat sa inyo mga ma’am,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Andrea. “Okay na po ako, gumaan na po ulit ang loob ko at opo, hindi ko po hahayaan na hilain ako ng mga masasakit niyang salita. Maraming salamat po sa inyong lahat,” ani Andrea sa lahat ng naroroon.

Ngumiti si Andrea at nagpasyang muling bumalik sa kaniyang trabaho, ganoon din ang ibang kustomer na naudlot ang pagkain dahil sa matapobreng ginang. Dumeretso si Andrea sa banyo at tinitigan ang sariling repleksyon. Walang mali sa kaniya o sa katawan niya. Alam niya sa sariling malusog siya’t walang sakit. Ang may mali ay ang mga mata ng mga taong puno ng panghuhusga sa kanilang kapwa.

Advertisement