Tinalikuran ng Dalaga ang Kaibigan dahil Hindi Niya Makayanan ang Trabaho sa Ibang Bansa; Pagsisisihan Niya Ito Bandang Huli
Matagal nang magkaibigan sina Diane at Analyn. Noon pa man ay pangarap na nilang makapag-ibang bansa kaya naman nag-aral sila upang maging caregiver. Matunog kasi ang balita na malaki raw ang sahod nito. Dahil parehong galing sa mahirap na pamilya ay na-engganyong makipagsapalaran ang dalawa.
“Analyn, sigurado ka ba sa papasukin nating ito? Sabi kasi sa akin ni nanay na imposible raw ‘yung sinasabi mo! Baka mamaya ay kung ano lang ang gawin sa atin ng recruiter na ‘yan!” saad ni Diane sa kaibigan.
“Hindi naman basta recruiter lang ito, Analyn. Kapatid siya ng tatay ko. Bago kasi siya naging caregiver sa Australia ay pumasok muna siya sa ibang trabahong meron doon. Ang mahalaga lang ay makapunta muna tayo doon. Alam mo naman kung gaano kalaki ang perang kailangan at gaano kahirap ang pagpunta sa bansang tulad ng Australia. Swerte na lang talaga at kahit paano ay may tutulong sa atin,” paliwanag naman ni Analyn.
“Sige, bahala na at pag-iisipan ko muna. Tatanong ko pa rin kay nanay kung papayag siya. Baka kasi mamaya ay hindi na tayo makawala sa trabahong dadatnan natin doon. Hindi natin magamit ang pinag-aralan natin,” dagdag pa ng kaibigan.
Ilang araw ring nag-isip itong si Diane. Hindi man siya kumbinsido sa plano ng kaibigan ay sumugal na rin siya. Hindi dahil sa pagnanais niyang makatulong sa pamilya kung hindi dahil ayaw niyang magpahuli kay Analyn. Hindi maaaring ito lang ang makakarating sa ibang bansa.
Sa tulong ng tiyahin ni Analyn ay nakapunta ng Australia ang dalawa. Ipinasok muna sila ng tiyahin sa paglilinis ng mga bahay doon. Minsan naman ay nagtitinda sila sa isang food truck, at kung minsan ay serbidora sa isang Filipino restaurant doon.
Pagod na pagod na si Diane sa trabaho, ngunit hindi naman kalakihan ang kanilang kinikita.
“Analyn, kailan ba talaga tayo magiging caregiver? Maliit ang sinasahod natin kung hahatiin sa pagbabayad ng utang sa tiyahin mo, sa upa sa bahay at pinapadala pa natin sa Pilipinas. Hindi naman ganito ang napag-usapan, ‘di ba?” reklamo ni Diane.
“Nakausap ko na rin si Tiya Thelma tungkol diyan, Diane. Ang sabi naman niya sa akin ay maghintay lang daw tayo. May mga kakilala daw siyang naghahanap ng mga caregiver. Humahanap lang daw siya ng tyempo para maipasok tayo,” pahayag naman ni Analyn.
“Awang-awa na ako sa mga sarili natin. Kung saan na lang tayo ilagay ay ‘yun na lang ang gagawin nating trabaho. Wala tayong inaasahang siguradong kita. Kapag walang trabaho ay wala ring kita! Paano naman tayo mabubuhay niyan?” dagdag ng kaibigan.
“Ginagawa naman ni tita ang lahat para mahanapan tayo ng trabaho. Maghintay ka lang, Diane. Saka hindi naman natin siya maoobliga dahil nakikiusap lang din tayo sa kaniya. Kaunting pang-unawa lang. Tiisin na lang muna natin dahil kahit saan naman ay hindi madali ang trabaho,” dagdag pa ni Analyn.
Inis na inis na itong si Diane. Pakiramdam kasi niya ay niloko siya nitong si Analyn kahit siya naman ang nagdesisyon na sumama sa kaibigan.
Lumipas ang tatlong buwan at hindi na makatiis pa si Diane. Hindi na niya makayanan ang bigat ng trabaho. Nasisilaw siya masyado sa laki ng kinikita ng isang caregiver sa ibang bansa kumpara sa pa-eksta ekstra lang nilang trabaho.
“Kung ganito lang din nang ganito, Analyn, sabi ng nanay ko ay umuwi na lang daw ako. Wala namang ibang kumikita dito kung hindi ang tita mo. Sa kaniya na lang lahat napupunta ang sahod natin. Sa pagbabayad ng utang sa pagpapapunta niya sa atin dito saka sa lahat ng bayarin sa tinutuluyan natin. Napapagod na talaga ako! Hindi naman ito ang inaasahan kong trabaho dito sa Australia!” inis na sambit ni Diane.
“Basta ka na lang ba susuko, Diane? Hindi ba’t sabay nating aabutin ang mga pangarap nating maging caregiver dito at maiahon ang pamilya natin sa hirap? Konting tiis na lang. Sabi naman ni tita ay malapit na daw ‘yung hinihintay nating trabaho,” paliwanag ni Analyn.
“Narinig ko na ‘yan noong nakaraang buwan pero hanggang ngayon ay pa ekstra ekstra pa rin ang trabaho natin! Uuwi na lang ako. Sa palagay ko’y may mas mahihita pa ako sa Pilipinas. Ang hirap na nga ng buhay dito ay malaki pa ang gastusin! Bahala ka kung gusto mong manatili dito at magpauto sa tita mo, pero uuwi na ako!” giit pa ni Diane.
Hindi na napigilan pa ni Analyn ang kaibigan sa pag-uwi sa Pilipinas, habang siya ay patuloy lang ang pagtitiis sa kaniyang trabaho.
Ilang buwan ang nakalipas at nabalitaan na lang ni Analyn na naging caregiver sa isang ospital sa Pilipinas itong si Diane. Madalas itong magparinig sa social media tungkol sa nangyari sa kaniya sa Australia.
Nang hindi na nakatiis pa si Analyn ay kinumusta niya ang kaibigan. Nais kasi niyang kausapin ito tungkol sa masasakit na sinasabi nito tungkol sa kaniya at sa kaniyang tiyahin sa social media.
“Totoo naman ang mga sinabi ko! Inuto n’yo lang ako ng tita mo para isama sa Australia. Kunwari ay tutulungan pero inalipin n’yo lang ako! Simula ngayon ay kalimutan mo nang magkaibigan tayo, Analyn! Kinasusuklaman ko kayo ng tita mo! Maganda na ang buhay ko dito sa Pilipinas! Huwag na huwag mo na akong kakausapin o kukumustahin man lang!” wika ni Diane.
Hindi na nakapagpaliwanag pa si Analyn. Mula noon ay hindi na sila nagkaroon pa ng komunikasyon ng kaibigan.
Makalipas ang maraming taon ay nagkrus muli ang landas ng magkaibigan. Umuwi kasi itong si Analyn sa Pilipinas. Kahit na may hidwaan sila ng dating kaibigan ay dinalaw pa rin niya ito dahil nabalitaan niyang hirap daw ito sa buhay.
Nang puntahan ni Analyn ang tinutuluyan ni Diane ay nahabag siya sa buhay na kinakaharap nito. Sira-sira na ang bahay at kung anu-ano na lang daw na trabaho ang pinapasok nito upang mabuhay lang.
“A-Analyn? Anong ginagawa mo rito?”
“Narito ako upang tulungan ka, Diane. Alam kong hindi naging maganda ang nangyari sa atin noon, pero kaibigan pa rin kita at hindi ko makakaya na makita ka sa ganitong kalagayan,” saad naman ni Analyn.
“Sa Australia ka pa rin ba nagtatrabaho? Mukhang kakauwi mo lang dito sa Pilipinas, ah? Balita ko nga ay nadala mo na raw lahat ng pamilya mo sa Australia,” dagdag pa ni Diane.
“Oo, doon na kami lahat naninirahan. Diane, gusto mo bang magtrabaho sa Australia kasama ako? Alam mo ba, tatlong buwan mula nang umalis ka ay nagkaroon na ako ng trabaho bilang isang caregiver. Sayang nga at dalawa tayong inaasahan nila. Naging mabait naman ang amo ko. Kaso nang pumanaw na siya ay naghanap na naman ako ng ibang aalagaan. Pero hindi ko akalain na maraming magrerekomenda sa akin. Hanggang sa hindi ko na namalayan, nakaipon na ako at nakapagpatayo na ng sarili kong nursing home sa Australia. Kaya, gusto kitang anyayahan na magtrabaho sa nursing home ko. Ipagpatuloy natin ang pangarap natin noong mga bata pa lang tayo. Gusto kitang tulungang makaahon sa buhay tulad ng nangyari sa akin,” pahayag pa ni Analyn.
Hindi makapaniwala si Diane sa nangyari sa buhay nitong si Analyn. Kung nagtiis lang siya nang kaunti pa’y marahil pareho na rin sila ng naabot ng kaibigan.
“Maraming salamat at kahit na may pagkakamali ako sa iyo noon ay kaibigan pa rin ang turing mo sa akin. Mahihindian pa ba kita? Kita mo naman ang buhay ko ngayon. Patawad, Analyn. Ihingi mo rin ako ng tawad sa tiyahin mo sa pag-iisip nang masama sa kaniya. Siguro nga ay nakuha ko na ang karma ko,” wika naman ni Diane.
“Hindi pa naman huli ang lahat. Habang may buhay ay may pag-asa. P’wede ka pang tumayo muli at baguhin ang takbo ng buhay mo. Masaya ako dahil sa wakas ay nagkaayos din tayo,” dagdag naman ni Analyn.
Mula noon ay nagbalik na ang dating samahan ng dalawa. Sinama na ni Analyn si Diane sa Australia para makasamang magtrabaho sa kaniyang nursing home. Tinulungan niya rin itong makabangon sa buhay hanggang sa makapagpatayo na rin ito ng sarili nitong nursing home sa Australia.
Malaki ang pasasalamat ni Diane sa tulong na ibinigay ng kaniyang kaibigang si Analyn. Bandang huli ay natupad pa rin nila ang pangarap nilang magkaroon ng maunlad na pamumuhay habang nasa ibang bansa.