Todo ang Pang-Aalipusta ng Ginang sa Pamangking Janitor sa Canada; Hindi Niya Akalain ang Naabot Nito sa Ibang Bansa
Masayang-masaya si Aling Amelia habang tinatanggap ang balikbayan box na padala ng kaniyang anak. Nakatuon ang lahat ng mata ng mga kapitbahay sa kaniya, lalong lalo na ang hipag niyang si Nora. Imbes na maging maligaya ito para sa kaanak ay kung anu-ano pa ang pinagsasasabi sa kanila.
“Tuwang-tuwa naman ‘yang si Amelia. Akala mo naman ay maganda ang trabaho ng anak sa Canada. Ang babaw talaga ng kaligayahan kahit kailan!” saad ni Nora sa mga kumare.
“Bakit? Ano ba talaga ang trabaho ng anak niyang si Amelia sa Canada? Ang sabi ay sa mall daw nagtatrabaho, ‘di ba? Mukhang malaki naman ang sahod dahil panay ang pagpapadala,” saad naman ng isang ginang.
“Naku, hindi sinasabi niyang si Amelia ang tunay na trabaho ng anak dahil ayaw niyang mapahiya. Pero ang sabi ng anak ko ay taga linis lang naman daw ang anak niya ng kubeta sa mga mall at ospital. Hindi ba’t wala nang mas bababa pa sa trabahong ‘yun?! Mabuti pa ang anak ko, nars doon! Ang sabi nga niya sa akin ay sandali na lang daw at madadala na raw niya ako sa Canada!” pagmamalaki ni Nora.
“Talagang hinayaan ni Amelia na magpakaalipin ang anak niya sa ibang bansa basta magkapera siya, ano? Hindi na iniisip ang kahihiyan ng anak niya,” sulsol pa ng isang ginang.
Malaki talaga ang inggit nitong si Nora sa hipag niyang si Amelia. Malaki naman ang pinagkaiba ng kanilang buhay dahil kahit paano ay nakakariwasa sila samantalang mahirap talaga ang buhay na kinagisnan ng pamilya ni Amelia. Ni hindi na nga nito napagtapos ng pag-aaral ang nag-iisang anak dahil kailangan na nitong magtrabaho nang maaga upang makatulong sa pagpapagamot noon ng may sakit nitong asawa.
Nang yumao naman ang mister nito ay iniwanan sila ng sandamakmak na utang, Kaya nang magkaroon ng pagkakataon ang anak nitong si Gene ay hindi na ito nagdalawang-isip pa, kahit na janitor ang nakuha nitong trabaho.
Minsan kada isang taon umuwi ang anak ni Aling Nora na si Arman, nars sa Canada. Samantalang si Gene naman ay tuwing may ekstra lamang siyang pera. Nanghihinayang kasi siya sa laki ng pamasahe.
Ngayong taon ay nakatakdang umuwi ang dalawa. Naunang nakauwi ng bansa si Arman. Ang lakas nga ng boses ni Aling Nora nang salubungin ang anak. Lahat tuloy ng kapitbahay ay napalabas ng kalsada.
“Anak, mabuti naman at narito ka na! Miss na miss na kita! Kumusta ka na?” masayang-masayang salubong ni Nora sa anak.
“‘Nay, pagod po ako sa byahe. P’wede po bang mamaya na tayo mag-usap? Ipasok na lang po muna natin ang mga gamit na dala ko,” saad naman ni Arman.
“Naku, ang dami-dami mo namang dala, anak. Ang dami mong pasalubong! Tiyak akong nabili mo na ang bag na pinapabili ko sa iyo! Ibang klase talaga itong anak ko. Mabuti na lang at maganda ang trabaho mo sa Canada!” saad pa ng ginang.
Ilang sandali lang ay dumating naman si Gene bitbit ang dalawang maleta. Masaya rin itong sinalubong ng inang si Amelia.
Napatingin naman si Aling Nora sa dalawa. Hindi nito naiwasan ang magparinig.
“Ano ba naman ‘yan? Galing sa ibang bansa ay ‘yan lang ang dala? Ang tagal-tagal na hindi nakauwi tapos ay isang balikbayan box lang ang nakarating?” wika ni Aling Nora.
Hindi na lang pinansin ng mag-ina ang pagpaparinig na ito ng ginang. Pumasok na lang sila sa loob ng bahay. Walang mapaglagyan kasi ng tuwa itong si Aling Amelia dahil sa wakas ay tunay na niyang kapiling ang anak.
Mula nang makauwi si Arman ay walang habas nang magmalaki itong si Aling Nora. Lalong nadagdagan ang kayabangan nito. Palagi rin nitong pinariringgan ang hipag at anak nito.
Isang araw ay napadaan sina Amelia at Gene habang nagkukwentuhan sa labas ng bahay si Nora at mga kumare niya. Muli ay pinaringgan na naman sila ng ginang.
“Nasa ibang bansa nga pero mababa naman ang uri ng trabaho. Sabagay, ano ba naman ang makukuhang trabaho kung wala namang tinapos. Mabuti na lang talaga itong si Arman ko! Kaya lagi kong pinagmamalaki ang anak ko. Malaki talaga ang kita sa pagiging nars!” saad ni Nora sa kapitbahay.
“Kumusta raw ba ‘yang si Arman sa Canada? Kailan ka raw niya dadalhin? Ang balita kasi namin ay mas madali sa mga kagaya niya ang magdala ng magulang sa ibang bansa. Nabibigyan pa nga sila ng pagkakataon na doon na talaga tumira, ‘di ba? Tulad ng dati nating kapitbahay na si Mang Tomas. Nars din ang anak no’n sa Canada, ‘di ba?” saad ng isang kapitbahay.
“Kaunting paghihintay na lang at tuluyan ko nang lilisin ang Pilipinas at doon na kami sa Canada titira ng anak ko!” pagmamalaki muli ni Nora.
Nais na sana ni Gene na patulan ang tiyahin ngunit pinigilan siya ng ina.
Samantala, napansin naman ng mga kapitbahay na hindi man lang nakikisalamuha si Arman simula nang umuwi ito. Lagi lang itong nagkukulong sa kwarto.
“Sa tingin ko ay pagod pa rin sa byahe. Siguro ay ngayon lang nagkaroon ng panahon talaga na makapagpahinga dahil nga mahirap maging nars sa ospital, ‘di ba?” tugon ni Aling Nora.
“Kausapin mo rin ang anak mo, Nora. Napapansin kasi naming may kakaiba sa kaniya,” saad ng kumare.
Maging si Nora naman talaga ay may napapansing kakaiba sa anak. Kaya hindi na siya nagdalawang-isip pa at tuluyan nang kinumpronta si Arman.
“Ano ba talaga ang problema mo, Arman? Hindi ka ba masaya na umuwi ka na? Kailan ba ang balik mo sa Canada? Saka kailan mo ba ako isasama roon? Hindi na ako makapaghintay na makalasap ng nyebe!” wika ni Nora sa anak.
“‘Ma, pasensya na po, pero hindi ko na matutupad pa ang pangarap ninyo. Natanggal po ako sa trabaho at hindi na po ako p’wedeng bumalik ng Canada. Kinasuhan po ako ng ospital na pinagtatrabahuhan ko dahil sa pagpupuslit ng gamot. Ginagawa rin naman ng mga kasamahan ko ‘yun noon, pero ako lang ang nahuli. Kaysa ikulong ako ay pinauwi na lang po ako rito sa Pilipinas. Pero hindi na po ako maaaring mag-apply ng trabaho sa Canada o sa kahit anong bansa pa,” umiiyak na pag-amin ng anak.
Hindi makapaniwala si Aling Nora sa ikinumpisal ng anak. Imbes na makaramdam ng habag sa anak ay galit pa ito.
“Bakit mo kasi ginawa ang bagay na ‘yun? Paano na ako ngayon? Mapapahiya ako sa mga kapitbahay dahil alam nilang nars ka sa Canada at malapit na nga tayong tumira roon! Bakit kasi sinira mo ang pangarap natin? Ano pang mukha ang ihaharap ko sa kanila? Saan mo ba dinala ang pera?!” bulyaw ng ina.
“Pinapadala ko sa inyo! Hindi ba kayo nagtataka kung bakit nabibili at naibibigay ko ang lahat ng hilingin n’yo? Hindi naman sasapat ang kinikita ko sa lahat ng hinihingi n’yo sa akin! Mas iniisip n’yo pa ang sasabihin ng ibang tao kaysa sa sarili n’yong anak? Mabuti nga at nakauwi akong buhay dito! Buti ay nakauwi pa ako sa inyo! Pero baka mas gugustuhin n’yo pang makulong na lang ako kaysa naman mapahiya kayo sa mga kumare niyo!” galit ding sambit ng binata.
“Malaki nga ang inggit ko riyan kay Gene, buong buo ang suporta sa kaniya ng kaniyang ina. Hindi katulad n’yo,” dagdag pa ni Arman.
Halos mapagbuhatan na ng kamay ni Nora si Arman dahil sa mga sinabi nito.
Lumabas sandali si Aling Nora upang magpahangin, nang marinig niya ang sigaw ni Amelia. Bahagya siyang sumilip sa bahay nito at narinig niya ang pinag-uusapan ng dalawa.
“Talaga, anak? Sa Canada na tayo titira? Hindi pa rin ako makapaniwala. Akala ko talaga ay magbabakasyon ka lang dito. Hindi mo naman sinabi sa akin na susunduin mo na ako!” wika ni Amelia.
“Nakaipon na ako ng sapat, ‘nay. Gustong-gusto ko nang makita mo ang ipinatayo kong restawran sa Canada. Saka tutulungan n’yo po ako sa mga putahe, a! Ipinagmamalaki ko na sa kanila ang caldereta at adobo ninyo! Hindi na rin ako makapaghintay na masimulan ang bagong buhay natin sa Canada. Masaya ako na sa wakas ay hindi na natin kailangan pang maghiwalay,” saad naman ni Gene.
“Kung nabubuhay lang din ang tatay mo’y tiyak kong matutuwa iyon! Salamat, anak, tinupad mo ang pangarap mo para sa atin! Ipinagmamalaki kita,” saad muli ng ginang.
“Maswerte ako kasi kayo po ang nanay ko! Napakabuti ninyo at naramdaman ko talaga ang pagmamahal at suporta niyo sa akin,” dagdag pa ni Gene sabay yakap sa ina.
Labis na inggit ang naramdaman ni Nora sa kaniyang hipag. Hindi niya akalaing ang minamata niyang janitor sa Canada ay magtatagumpay.
Hinangaan ng lahat ng kapitbahay sina Amelia at Gene dahil sa pag-angat nito sa buhay. Naging inspirasyon sila ng marami na huwag magsasawang mangarap.
Habang si Nora naman ay tampulan ng tukso at wala nang maiharap na mukha sa kaniyang mga kapitbahay dahil na rin sa kaniyang kayabangan.