Pinakasalan ng Dalaga ang Pulubi Para Manatili sa Amerika; Ganito ang Kinahantungan ng Kaniyang Buhay
“Anak, umuwi ka na lang kasi rito sa atin. Magsimula ka na lang ulit dito kasama namin ng tatay mo! Alam mo bang halos hindi na kami makatulog kakaisip sa kalagayan mo riyan? Paano na lang kung mahuli ka ng mga awtoridad? Lalong hindi ka na makakabalik pa riyan,” saad ni Vivian sa anak na si Hazel.
“‘Nay, huwag n’yo na po akong alalahanin pa ni tatay. Kaya ko po ang sarili ko. Gagawin ko naman po ang lahat para hindi ako mahuli. Gagawin ko muna lahat ng kaya kong gawin at kung hindi talaga magtagumpay ay saka na lang po ako uuwi d’yan. Ipanalangin n’yo na lang po lagi ang kaligtasan ko,” saad pa ng dalaga.
Kung maaari lang ay sunduin na lang ni Vivian ang anak, ngunit hindi naman niya ito mapigilan dahil sa taas ng pangarap nito.
Halos mag-iisang taon na rin si Hazel sa Amerika. Hindi man lang siya makakuha ng trabaho na permanente dahil nga wala siyang kaukulang dokumento. Sa ngayon ay nakikitira lang siya sa isang kaibigan, ngunit kailangan na rin niyang umalis dahil nahihiya na siya at ayaw niya itong madamay.
“Hazel, kung gusto mo nang umuwi sa Pilipinas, handa akong pahiramin ka ng pera. Ibalik mo na lang sa akin kapag nakabawi ka na,” saad ni Glenda, kaibigan ng dalaga.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko, Glenda. Parang gusto ko na ring sumuko. Ang gusto ko lang naman ay makawala ang pamilya ko sa kahirapan kaya narito ako sa Amerika. Pero parang gusto ko nang maniwala na hindi para sa akin ang pagtatrabaho dito sa ibang bansa. Ayaw kong umuwi dahil kahihiyan na naman ang dadalhin ko sa pamilya ko. Hindi pa rin kami nakakabayad sa lahat ng utang namin. Hindi ko na talaga alam ang gagawin,” wika pa ni Hazel.
Ilang araw din ang lumipas. Walang ibang nasa isip itong si Hazel kung hindi ang manatili siya sa Amerika. Sa kaniyang paglalakad pauwi sa tinutuluyan ay nakita niya ang isang pulubi. Agad niya itong nilapitan dahil sa awa. Binigyan niya ito ng kaunting pagkain at inumin.
Laking pasalamat naman ng lalaki sa kabutihang ginawa ng dalaga.
“Pinoy ka rin ba? Para kasing kababayan kita,” saad pa ni Hazel.
Tumango naman ang lalaki.
“Oo, pinoy. Parehong magulang ko ay mga Pilipino pero dito na ako lumaki sa Amerika,” sagot naman ng lalaki.
“A-anong ginagawa ng isang tulad mo rito sa lansangan? TNT ka ba?” pag-uusisa ng dalaga.
“Hindi ba’t dapat wala ako rito sa lansangan kung TNT ako? Hindi naman ako ganito talaga dati. Sadyang hindi lang ako pinalad sa buhay kaya heto, sa lansangan ang bagsak ko. Ikaw? Ano naman ang kwento mo? Siya nga pala, ako nga pala si Anthony. Anong pangalan mo at bakit ka narito sa Amerika?”
“Tulad ng iba nating mga kababayan, gusto ko rin ng mas magandang buhay para sa pamilya ko. Kaso hindi na ata matutupad ang lahat ng iyon. Hindi pala talaga madali ang buhay dito sa Amerika,” wika muli ng dalaga.
“Ayaw mo na bang umuwi sa Pilipinas? Kahit paano ay madali ang buhay doon. Hindi katulad rito na mataas ang standards,” dagdag pa ni Hazel.
“Wala naman rin akong mauuwian sa Pilipinas. Ano ang gagawin ko roon?” sagot ng ginoo.
Nagpatuloy ang pag-uusap na iyon ng dalawa. Para bang nagkaroon ng isang kaibigan si Hazel sa katauhan ni Anthony. Araw-araw bago magtungo sa trabaho at bago umuwi sa tinutuluyan ay dumadaan muna ang dalaga sa pwesto ni Anthony upang makausap ito at bigyan ng pagkain.
“Bakit mo ba ako laging tinutulungan? Nagtataka lang ako dahil hindi araw-araw ay nakakatagpo ako ng isang taong kasing bait mo,” saad ni Anthony.
“Marahil ay nakikita ko ang sarili ko sa iyo. Nasadlak sa problemang hindi alam kung paano naman makakawala. Ilang araw na lang at nakapagdesisyon na akong umuwi ng Pilipinas. Siguro ay haharapin ko na lang ang lahat ng pang-aalipusta at pangmamata sa amin ng mga tao. Babalik na lang ako sa dati kong trabaho nang sa gayon ay makabayad ako sa mga utang ng pamilya ko,” kwento naman ni Hazel.
“Maaari kitang tulungan, Hazel,” saad ni Anthony.
“Paano mo naman ako tutulungan gayong narito ka lang sa lansangan at walang sariling bahay? Tingnan mo nga ang kalagayan mo,” saad naman ni Hazel.
“Pakasalan mo ako! Tama, Hazel, pakasalan mo ako. American citizen ako at kapag pinakasalan mo ako’y magiging citizen ka na rin dito. Hindi ka na mahihirapan pang humanap ng trabaho. Hindi mo na ka kailangan pang magtago. Ngunit may isa lang akong hihilingin sa iyo. Baka p’wedeng patuluyin mo muna ako sa bahay mo kahit sandali lang. May aasikasuhin lang ako. Pangako na hindi ako magiging pabigat sa iyo. Mabuti naman akong tao. Hindi ko alam kung paano ko patutunayan pero sana’y magtiwala ka lang,” dagdag pa ni Anthony.
Hindi makapagdesisyon si Hazel sa puntong iyon. Kailangan muna niyang mag-isip nang maigi.
“Pakakasal ka sa isang pulubing taga-rito para lang maging citizen ka? Nahihibang ka na ba, Hazel? Baka mamaya ay lalong malagay ang buhay mo sa alanganin. Lalo kang magkakaproblema! Hindi mo naman lubusang kilala ang taong iyon!” wika naman nio Glenda.
“Wala na akong ibang maisip, Glenda. Kailangan kong subukan. Parang awa mo na, pautangin mo na ako ng perang inaalok mo sa akin dati para kahit paano ay makapagsimula kami ni Anthony. Pangako ko sa iyo na ibabalik ko kahit may interes basta makahanap lang ako ng trabaho rito,” pagmamakaawa pa ng dalaga.
Kahit nagdadalawang-isip ay pinautang pa rin ni Glenda ang kaibigan. Hangad niyang maging matagumpay ang plano nito at hindi siya malagay sa panganib.
Tuluyan nang pinakasalan ni Hazel si Anthony. Tulad ng napagkasunduan nila’y nagsama sila sa iisang bahay. Isang maliit na apartment na sakto lamang para sa kanilang dalawa. Ngunit kahit na mag-asawa na ay hindi sila magkatabing matulog.
Habang tumatagal na magkasama ang dalawa ay marami silang natutuklasan sa isa’t isa.
“Kasal ka na pala dati, Anthony? Bakit hindi mo naman sinabi sa akin ito dati? May mga anak ba kayo?” tanong ni Hazel.
“Wala. Ayaw ko na ring balikan ang lahat. Alam mo bang ang dati kong asawa ang dahilan kung bakit ni isang kusing ay walang wala na ako? Matapos niyang kunin sa akin ang lahat ay iniwan na lang niya ako at sumama sa ibang lalaki. Nalulong ako sa depresyon. Hanggang sa isang araw ay nakita ko na lang na wala na akong pera. Lahat ng kaibigan na nilapitan ko ay hindi ako magawang tulungan. Talagang kapag wala ka nang pera ay wala ka na ring halaga,” pahayag ni Anthony.
“Hindi totoo ‘yan, Anthony. Kayang-kaya mo pang bumawi. Marami ka pang pagkakataon. Huwag mo na lang isipin ang mga taong nagdala sa kalooban mo ng hinanakit. Palayain mo na ang sarili mo sa kanila. Isipin mo na lang ang mga taong nagtitiwala sa iyo – ako, pinagkakatiwalaan kita kaya nga hanggang ngayon ay kasama pa rin kita dito sa bahay. Alam kong mabuti kang tao, Anthony. Huwag mong hayaang alisin nila sa puso mo ang mangarap muli,” wika naman ni Hazel.
Sa mga sinabing ito ni Hazel ay nabuhayan ng loob si Anthony. Kaya naman agad niyang inayos ang kaniyang sarili at muling naghanap ng trabaho. Habang hindi pa siya nakakakita ng mapapasukan ay si Hazel muna ang gumagastos para sa kanilang dalawa. Hindi naman nagrereklamo ang dalaga dahil malaki nga ang naitulong ng ginoo sa kaniya.
Ngayon ay may maganda nang trabaho si Hazel at nakakapagpadala na rin nang malaki sa kaniyang mga magulang, ngunit hindi pa rin alam ng mga ito ang tungkol sa lihim niyang pagpapakasal.
Isang araw ay nakatanggap ng tawag itong si Anthony. Masayang-masaya siyang ibinalita kay Hazel na natanggap na siya sa trabaho.
“Manager sa isang malaking kompanya? Aba’y ibang klase ka pala talaga, Anthony! Ayan na ang hinihintay mong sandali. Kaya mo nang ibangon ang sarili mo! Binabati kita! Masayang-masaya ako para sa iyo!” saad naman ni Hazel.
“Alam mo bang bukod sa mataas na sahod ay binigyan din ako ng sasakyan at malaking bonus ng papasukan kong kompanya? Kaya naman bumili na ako kaagad ng bahay,” wika naman ng ginoo.
Nang marinig iyon ni Hazel ay hindi niya maintindihan ang kaniyang sarili. Dapat ay masaya siya sa ibinalita ni Anthony ngunit nalulumbay siya dahil alam niyang aalis na ito.
“M-mabuti naman kung ganoon. Hindi ka na magtitiis sa maliit na apartment na ito kasama ako. Siya nga pala, tungkol pala sa divorce natin. Paano ba natin paghahatian ang gastos?” tanong muli ng dalaga.
“Hazel, iyon pa nga pala ang isa sa mga gusto kong pag-usapan natin, tungkol sa pagkuha natin ng divorce. Sa totoo lang ay hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung hindi dahil sa iyo. Saka sa panahon na pananatili ko rito kasama ka ay gusto kong aminin na nahuhulog na ang loob ko sa iyo. Kaya kung pahintulutan mo ako, ayaw ko na sanang tuldukan pa ang kasal natin. Baka p’wedeng totohanin na lang natin ang pagsasama natin? Sumama ka na sa akin sa bahay na binili ko. Hindi ko kasi alam kung may darating pa sa buhay ko na babaeng tulad mo,” nahihiyang wika ni Anthony.
Biglang pumatak ang luha ni Hazel. Sa tagal na rin kasi nang magkasama silang dalawa ay nakapalagayan na niya ito ng loob. Sa totoo lang din ay nahulog na ang loob niya sa ginoo.
“Gusto ko ‘yon. Gusto kong ituloy na lang ang pagiging mag-asawa natin at gusto kong sumama na sa iyo,” saad naman ng dalaga.
Hindi na pinigilan pa ni Anthony ang kaniyang sarili at binigyan niya ng isang mahigpit na yakap si Hazel. Nagkatitigan ang kanilang mga mata hanggang sa naglapat na ang kanilang mga labi.
Muling pinakasalan ni Anthony si Hazel. Sa pagkakataong ito ay kasama na ang mga magulang ng dalaga upang saksihan ang kanilang pag-iisang dibdib.
“Kita mo nga naman. Sino ang mag-aakala na makakahanap ako ng pag-ibig at katuwang sa panahong halos sumuko na ako sa mga pangarap ko?” saad ni Hazel sa asawa.
“At sino rin ang mag-aakala na makakahanap ako ng magmamahal at magtitiwala sa akin sa panahong nasa pinaka-ibaba ako ng aking buhay? Mahal na mahal kita, Hazel. Gagawin ko ang lahat ng kaya ko para manatili kang masaya kasama ako,” saad naman ni Anthony.
Mula noon ay nagsama nang maluwalhati ang dalawa. Natupad na ang pangarap ni Hazel na dalhin sa Amerika ang kaniyang mga magulang at bigyan ang mga ito ng magandang buhay. Samantalang si Anthony naman ay nabawi na ang kompanyang inagaw sa kaniya ng dating asawa kaya nabubuhay na sila ngayon nang mas masagana.