Inday TrendingInday Trending
Agad Niyang Pinasyal sa Mall ang Anak Nang Payagan na ang mga Itong Lumabas, Ito pala ang Magiging Rason ng Pagkakasakit Nito

Agad Niyang Pinasyal sa Mall ang Anak Nang Payagan na ang mga Itong Lumabas, Ito pala ang Magiging Rason ng Pagkakasakit Nito

Ngayong bumababa na ang bilang ng mga taong nahahawaan ng kumakalat na sakit at patuloy na dumadami ang mga taong nabibigyan ng bakuna, lumuluwag na rin ang patakaran sa mga pampublikong lugar.

Kung dati’y bawal kumain sa mga restawran at mall, ngayo’y pupwede nang doon kumain at magkaroon ng salu-salo ang isang buong pamilya. Pupwede na rin ang mga bata sa mall dahilan para ito’y muling dagsain lalo na ngayong nalalapit na ang Pasko.

Nang malaman ng ginang na si Malou ang balitang ito, agad siyang nasabik na maidala sa mall ang tatlong taong gulang niyang anak na kahit minsan ay hindi niya pa nadadala roon.

Lalo pa siyang nainggit sa mga kapwa niya ina na nakapaggagala na kasama ang kani-kanilang mga chikiting na nakita niya sa social media ang mga litrato ng mga ito.

Kaya naman, kahit alam niyang hindi sanay ang anak niya sa pagsusuot ng facemask na kailangan nito upang maproteksyunan pa rin mula sa pagkakahawa sa naturang sakit, pinilit at labis niya pa ring nilambing ang kaniyang asawa para bigyan siya ng pera pangpasyal nilang mag-ina.

“Mahal, dinadagsa ng mga tao ngayon ang mall. Baka mamaya, nadala mo nga sa mall ang anak natin, pag-uwi naman niya’y may sakit na siya. Hayaan muna nating magsawa ang mga tao sa pagpunta roon para kapag tayo na ang pupunta, kaunti na lang ang tao,” paliwanag ng kaniyang asawa.

“Hindi magsasawa ang mga tao sa pagpunta sa mall lalo na ngayong magpa-Pasko! Hindi ka ba naaawa sa anak natin? Baka lumaki ‘yang inosente dahil buong buhay niya, nakakulong lang siya rito sa bahay natin!” inis niyang pangangatwiran dito.

“O, sige, papayag ako, basta siguraduhin mong hindi niya tatanggalin ang facemask niya, ha? Palagi rin kayong umiwas sa mga tao at siguraduhin mong may dala kang sapat na alcohol!” bilin nito na agad ikinaning-ning ng kaniyang mga mata.

“Masusunod, kamahalan! Akin na ang pera!” tuwang-tuwa niyang sabi saka isinahod sa harap nito ang dalawa niyang kamay at nang mabigyan na siya nito ng pera, dali-dali niyang binuhat ang kanilang anak at ito’y inayusan.

Nang makapag-ayos na rin siya ng kaniyang sarili, dali-dali na siyang nagpahatid sa asawa sa pinakamalapit na mall sa kanilang lugar at dahil nga may trabaho pa itong dapat asikasuhin, hindi na siya nito nasamahan sa paglilibot doon.

Bago ito umalis, muli nitong inulit ang mga bilin nito para sa proteksyon ng kaniyang anak na kaniya namang labis na sinang-ayunan.

Kaya lang, nang muli niyang makitang masigla na naman ang mall na pinuntahan nila, agad niyang pinalaro sa isang malaking palaruan doon ang kaniyang anak. Nakasalamuha nito ang iba pang mga bata roon na nagpapadulas, nagtatakbuhan, nagbabatuhan ng maliit na bola at kung ano man habang siya, todo kuha lamang ng litrato.

Halos dalawang oras na naglalaro roon ang kaniyang anak kasama ang ilan pang mga bata at nang mapagod na ito, agad-agad itong nagpunta sa kaniya upang humingi ng maiinom at makakain. Doon niya lang muling kinuha ang anak saka ito sinama sa isang kainan.

Pagkatapos nilang kumain doon, agad na rin silang umuwi dahil napansin na niyang medyo mainit na ang katawan ng kaniyang anak. Pagkauwing-pagkauwi nila, agad silang sinalubong ng kaniyang asawa at siya’y labis ja nagulat sa bungad nito.

“Nasaan ang facemask ng bata, Malou?” tanong nito dahilan para siya’y mapatingin sa mukha ng bata at nang makita niyang wala itong suot, napakamot na lang siya ng ulo.

Tiningnan pa nito ang mga litratong kinuhanan niya sa selpon at ganoon na lang ito nainis nang makitang walang facemask ang kanilang anak habang nakikipaglaro sa ibang mga bata.

Sa sobrang inis nito sa kaniya, nilayasan siya nito at upang masigurong walang naiuwing sakit ang kaniyang anak, nagdesisyon siyang linisan ito ng katawan.

Ngunit bago niya pa ito madampian ng bimpong basa, napansin na niyang namumutla na ito at mainit ang katawan. Nagsisimula na rin itong ubuhin kaya doon na siya nagdesisyong ipagbigay alam ito sa kaniyang asawa na agad namang sinugod sa ospital ang kanilang anak.

Doon nila nakumpirma na nagpositibo na sa kumakalat na sakit ang kanilang anak na talagang ikinaguho ng mundo niya. Katakot-takot na sermon man ang ginawa ng kaniyang asawa, wala ni isang salita ang lumabas sa bibig niya. Niyakap niya lang ito at umiyak sa labis na pagsisisi.

“Sana nakinig na lang ako sa’yo, mahal. Sana mas pinili kong proteksyonan ang anak natin kaysa tugunan ang kasabikang nararamdaman ko,” hikbi niya dahilan para matahimik ito at siya’y yakapin din. Sa kabutihang palad, parehas silang nagnegatibo ng kaniyang asawa sa sakit.

Kahit pa ganoon, pinili niya pa ring alagaan ang anak hanggang sa muli nitong naibalik ang dating lakas at sigla ng katawan.

Nang muli nang magnegatibo sa sakit ang kanilang anak pagkalipas ng halos isang buwan, pinangako niya sa sariling hinding-hindi niya isasakripisyo ang kalusugan ng kanilang anak para lang sa nauusong bagay o sa kaniyang kagustuhan na ikinatuwa naman ng kaniyang asawa at pinangako rin sa kaniya na siya’y gagabayan sa maayos na pangangalaga sa kanilang anak.

Advertisement