Inday TrendingInday Trending
Buwaya sa mga Pasahero ang Jeepney Drayber na Ito; Leksyon Mula sa Kinauukulan ang Natanggap Niya

Buwaya sa mga Pasahero ang Jeepney Drayber na Ito; Leksyon Mula sa Kinauukulan ang Natanggap Niya

Basta may maisisiksik pang pasahero, lahat ay gagawin ni Dencio para lang lumaki ang kita ng isang jeepney driver na katulad niya. Ang jeep niyang kaya lang magsakay ng sampu hanggang dose na pasahero ay nagagawa niyang bente katao dahil kahit na walang lugar para upuan ang mga pasahero, sasabihin niya pa ring kasya pa iyon kahit maipit na ang mga ito.

Mayroon pa ngang mga bangkitong nakatabi para ipagamit sa mga pasaherong uupo sa gitnang bahagi ng kaniyang jeep. Nakikita man niyang hindi komportable sa ganitong klaseng pwesto ang kaniyang mga pasahero lalo na ang mga babaeng nakasuot ng maikling damit, hindi niya ito iniintindi dahil ang mahalaga lang sa kaniya, mabayaran ang lahat ng utang niya simula noong magkapandemya na hindi niya nagawang mamasada.

Ito ang tanging rason kung bakit siya kinaiinisan ng mga kapwa niya jeepney driver. Binansagan man siya ng mga ito bilang “Dencio buhaya” hindi niya pinapansin ang mga ito. Sabi niya pa sa mga ito sa tuwing pinariringgan siya, “Kasalanan ko bang madiskarte ako? Hindi naman masama ang ginagawa ko, ha? Gusto ko lang kumita ng pera! Mga tamad kasi kayo kaya kinaiingitan niyo ang pagiging madiskarte ko!”

Sandamakmak na pakikipagtalo man ang kaniyang nararanasan araw-araw mula sa kaniyang mga kapwa driver at kahit sa kaniyang mga pasaherong nag-aalala na baka sila’y mapahamak sa dami ng sakay niya sa kaniyang jeep, lahat ay ginagawa niya para lang manalo sa mga argumentong ito.

Isang araw, habang siya’y matiyagang naghihintay na mapuno ang kaniyang jeep sa tapat ng isang malaking pabrika ng mga langis kung saan maraming mga empleyado ang naglalabasan pagpatak ng alas singko, may isang jeepney driver ang lumapit sa kaniya.

“Manong, baka naman pwede ka nang umandar. Puno na ang jeep mo, o. Kanina pa rin naghihintay ang mga pasahero mo. Ibigay mo na sa amin ‘yong mga pasaherong lalabas,” pakiusap nito sa kaniya.

“Anong sinasabi mong puno? Wala pang nakaupo sa mga bangkito ko!” katwiran niya saka tinuro ang mga bangkito sa likuran niya.

“Diyos ko, manong, hindi ka ba naaawa sa mga pasahero mo? Saka, ilang minuto pa ang kailangan mong hintayin maglabasan ang mga empleyado rito!” sagot pa nito, tutugon palang sana siya nang may isang pasaherong sumabat sa kanilang usapan.

“Oo nga, manong! Kanina pa kami rito, baka gusto mong lumipat na lang kami sa ibang jeep!” panakot nito.

“Edi bumaba ka, maghihintay ka rin naman kapag sa iba ka sumakay!” sigaw niya rito dahilan para mapatahimik ito, “Ikaw nga, huwag mong pakialamanan ang diskarte ko! Gusto mo lang kuhanin ang mga pasahero ko, eh!” bulyaw niya pa sa driver na iyon kaya ito’y napailing na lang.

Maya maya pa, lumabas na nga ang ilang mga empleyado sa pabrikang iyon at katulad ng balak niya, pinagsisiksikan niya ang ilan sa mga ito sa kaniyang jeep saka na siya agad na umalis upang hindi na makababa pa ang mga pasaherong kanina pa galit na galit.

Sa kagustuhan niyang maihatid kaagad ang ilan niyang pasahero at makarami pa ng pasaherong maaari niyang makuha sa daan, binilisan niya ang takbo ng kaniyang jeep.

Kaya lang, sa unang kantong binabaan ng isa sa kaniyang pasahero, may isang pulis ang biglang lumapit sa kaniya.

“Halos maghalikan na ang mga pasahero mo, manong, ha? Overloading na ‘yang ginagawa mo!” saway nito sa kaniya.

“Ah, eh, hindi po, boss. Sila po ang nagsumiksik sa jeep ko dahil walang masakyan doon sa pinagtatrababuhan nila,” magalang niyang katwiran habang kinakabahan.

“Hindi po ‘yan totoo, sir! Ang tagal ng hinihintay namin doon para mapuno nang todo ‘tong jeep niya! Nagalit pa siya sa isang driver nang pagsabihan siya!” sabat muli ng pasaherong kanina’y sumabat din na ikinailing niya na lamang.

“Naku, manong, kailangan kitang tiketan. Hindi pwede itong ginagawa mo. Malas mo, ako ang nakatapat mo ngayon. Kung sa iba pupwede ‘yan, sa akin ay hindi,” sambit nito saka siya inabutan ng isang papel.

“Sir, maawa na po kayo. Ginagawa ko lang naman ‘to para makabayad ako ng utang tapos titiketan niyo pa ako? Saan po ako kukuha ng pera pangbayad at pangtubos sa lisensiya ko?” pagmamakaawa niya rito.

“Problema niyo na po iyon. Kung hindi po kayo abusado, hindi po kayo magkakaproblema ng ganito,” sagot nito saka agad na pinababa ang mga pasahero at pinalipat sa ibang jeep.

Mangiyakngiyak niyang pinagmasdan ang papel na binigay sa kaniya habang iniisip kung paano ito masosolusyunan.

“Kung naging patas lang sana ako sa pagtatrabaho sana wala akong babayaran na ganitong halaga at may maipangbabayad pa ako sa mga utang ko kahit papaano,” sabi niya saka na siya tuluyang napaluha.

Muli siyang nangutang sa iba niyang kakilala upang matubos ang kaniyang jeep sa kinauukulan at nang makalikom na siya ng sapat na pera, siya’y nagpunta roon at tuluyan itong binawi.

“Pangako, sir, hindi na ulit ako lalabag sa batas,” sabi niya sa pulis na nakahuli sa kaniya.

“Dapat lang, manong! Masarap magtrabaho nang patas!” sambit pa nito saka na siya hinayaang makaalis.

Simula noon, hindi na niya pinagsisiksikan pa ang mga pasahero sa kaniyang jeep. Nagsimula na siyang lumaban nang patas at sa hindi niya akalaing paraan, nabayaran niya ang kaniyang mga utang kahit paunti-unti na labis niyang ikinatuwa dahilan para ipagpatuloy niya ang ganitong klaseng pamamasada.

Advertisement