Maagang Nabuntis ng Binatilyo ang Kaniyang Nobya; Paano Niya Patutunayan sa Biyenan na Kaya Niyang Magbago para sa Kanilang Pamilya?
Labing anim na taon lamang si Jemma habang ang kaniyang nobyong si Lorence ay labing pitong gulang. Ang magkasintahan ay nag-aaral sa iisang eskwelahan at doon sila nagkakilala, ngunit hindi iyon alam ng mga magulang ni Jemma. Kung minsan ay hindi pumapasok ang dalawa sa eskwela. Doon sila umiistambay sa bahay ng kanilang kaibigang palaging nasa trabaho ang mga magulang at maraming kalokohang ginagawa ang dalawa sa tuwing magtutungo sila roon.
Napansin ng inang si Marites na ang anak niyang si Jemma ay hindi dinadatnan. Bukod doon ay napapansin niya ring lumalaki ang tiyan nito. May tiwala naman si Marites sa kaniyang anak, ngunit dahil sa ikinikilos nito ay nagdududa siya. Kaya naman naisipan niyang komprontahin ang dalagita.
“Anak, buntis ka ba? Magsabi ka sa ’kin ng totoo,” seryosong ani Marites sa anak. Ilang saglit itong tahimik lang, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nagsalita rin ito.
“’Ma…sorry po.” Umiiyak na napayakap pa si Jemma sa ina dahil sa ginawa niyang pag-amin.
“Pinagkatiwalaan kita! Hinayaan kita sa gusto mong gawin, ’tapos, ganito ang isusukli mo sa akin, Jemma?” Binigyan ni Marites ng isang malakas na sampal ang anak. “Sino ang nobyo mo? Papuntahin mo ’yan dito at kakausapin ko!”
Tanggap naman ni Jemma kung bakit iyon nagawa sa kaniya ng kaniyang ina. Alam niyang galit lamang ito. Dahil doon ay sinunod niya na lang ang bilin sa kaniya ng ina at pinapunta si Lorence sa kanilang tahanan.
“Alam mo na ba kung ano’ng kalagayan ni Jemma ngayon, Lorence?” tanong ni Marites sa binatilyo.
“Hindi po, tita. A-ano po bang meron kay Jemma?” kinakabahan namang sagot ni Lorence na noon ay wala pang ideya sa nangyayari.
“Buntis ang anak ko at ang bata-bata n’yo pa! Paano mo bubuhayin ang anak at apo ko?!” galit na anas pa ni Marites sa binata.
“Kaya ko po, tita, maghahanap po ako ng trabaho para matustusan si Jemma at ang magigiging anak namin!” sagot naman ni Lorence sa ina ng kaniyang nobya bagama’t nabigla siya sa nalamang balita.
“Disesyete ka palang, Lorence. Paanong makakaya mo ang pagtratrabaho? Pinapunta kita rito para sabihin sa ’yo na huwag na huwag ka nang magpapakita sa anak ko!” Itinulak pa ni Marites palabas ng bahay si Lorence.
Hindi alam ni Lorence kung paanong gagawin para matanggap siya ng nanay ni Jemma. Nagtrabaho si Lorence bilang kargador sa palengke, dahil menor de edad pa lang siya at wala pa siyang mapapasukang trabaho na may mas maayos na kita. Linggo-linggo dinadalaw ni Lorence si Jemma, at sa bawat araw na pupunta ni Lorence kay Jemma ay lagi siyang nakakarinig na masasamang salita galing kay Aling Marites.
Habang tumatagal ay unti-unti na ring naiimpluwensyahan ni Aling Marites si Jemma na makipag hiwalay na kay Lorence, ngunit desidido talaga si Lorence na panagutan si Jemma kaya hindi ito pumapayag na makipaghiwalay.
Dumaan ang mga buwan at tinitiis lang ni Lorence ang naririnig niyang masasakit na salita mula kay Aling Marites. Noong araw na nganak si Jemma ay dinalaw niya ito sa Ospital. May dala-dala siyang gatas ng bata at mga prutas para sa kaniyang nobya. Nakaupo noon si Lorence sa tabi ng hinihigaan ni Jemma nang biglang dumating si Aling Marites.
“O, ano na namang ginagawa mo rito?” galit na tanong ni Aling Marites.
“Dinalaw ko lang po si Jemma at ang anak namin,” malungkot namang sagot ni Lorence.
“Bakit? Tingin mo ba kailangan ka ng anak at apo ko? Alam mo, kung ako sa ’yo, huwag ka na lang magpakita pa sa anak ko. Lalo lang masisira ang buhay niya sa isang katulad mo!” galit pang komento ni Aling Marites na hindi na nakayanan pa ni Lorence kaya naman umalis siya sa ospital nang gabing ’yon.
Ginamit ni Lorence ang mga salitang iyon para pilitin ang sarili niya na magsikap. Simula noon ay mas pinagbuti niya ang pag-aaral habang siya ay nagtatrabaho upang tustusan ang pangangailangan ng kaniyang mag-ina. Pinatunayan niya kay Aling Marites na bagama’t nagkasala sila ni Jemma ay hindi pa huli ang lahat para sa kanila.
Ilang taon pa ang lumipas at nakatapos ng kolehiyo si Lorence, habang sa isang taon naman ay magtatapos na rin si Jemma. Mahirap, ngunit nagawa ni Lorence na tustusan ang sarili niya, maging ang kaniyang mag-ina sa pamamagitan ng pagsisikap at pagtitipid. Hindi pala ganoon kadaling maging magulang at iyon ang napagtanto nila. Ngayon ay naiintindihan na nila ang galit na pinagmumulan ni Aling Marites na kalaunan ay natanggap din sa wakas si Lorence bilang manugang.