Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Babaeng Ito nang Hindi Pautangin ng Kaniyang Kumare; Lalo pala Siyang Mawawalan Dahil sa Masasama Niyang Sinabi

Nagalit ang Babaeng Ito nang Hindi Pautangin ng Kaniyang Kumare; Lalo pala Siyang Mawawalan Dahil sa Masasama Niyang Sinabi

“Uy, mare, ikaw pala ’yan!” bati ni Miguelita sa kaniyang kumareng si Ana, isa sa mga ninang ng kaniyang anak. “Wow, nakakotse na. Yaman!” komento niya pa nang mapansing binubuksan nito ang isang bagong-bagong sasakyan na mukhang kabibili lamang nito.

“Naku, hindi naman. Matagal ko na talagang pinag-ipunan itong sasakyang ito. Kailangan ko na kasi, e, para hindi na ako nahihirapan pa sa pagpasok sa trabaho,” sagot naman ni Ana na agad namang nakapagpasilay ng isang hindi kaaya-ayang ngiwi sa mukha ni Miguelita na hindi man lang niya pinagkaabalahang itago.

“Kaya pala hindi mo ako pinautang noong isang linggo, kasi sabi mo’y wala kang pera,” puno ng sarkasmong sagot pa niya.

“Naku, hindi naman ganoon ang sinabi ko, Miguelita. Ang sabi ko’y wala ‘pa’ akong perang hawak n’on dahil hindi pa ako nakakapag-withdraw. Pauutangin naman sana kita noon kaya lang ay inuna kong pautangin ’yong isa pa nating kaibigan dahil kailangang isugod sa ospital ang anak niya nang mga oras na ’yon,” malumanay namang paliwanag ni Ana, ngunit imbes ay pinaikutan lang siya ni Miguelita ng mga mata.

“Ang sabihin mo, madamot ka. Sus! Kahit nga ’yong inaanak mo, hindi mo na naaalala!” patutsada pa nito na ikinakunot na ng noo ni Ana.

“Sandali, Miguelita, hindi ka lang napautang agad, ganiyan ka na? Isa pa, anong sinasabi mong hindi ko naaalala ang inaanak ko, e, noong nakaraang nag-birthday siya ay humingi ka sa akin ng limang libo dahil gusto mong paghandaan nang malaki ang anak mo. Hindi ba at nagbigay ako noon, bukod pa sa regalo kong bisikleta?” Napaawang sa inis ang bibig ni Ana.

Nanlaki naman ang mga mata ni Miguelita sa sinabi niya. “So, isinusumbat mo ’yon? Aba! Ang yabang mo na yata porque nakabili ka lang ng kotse?!” bulalas pa ng kumare niya.

Hindi makapaniwala si Ana sa ipinapakitang ugali sa kaniya ni Miguelita na halos kaibigan na niya simula pa lang noong sila ay highschool. Tila naging napakamukhang pera nito at dahil doon ay wala na itong respeto!

Sa totoo lang ay matagal na niyang napapansin na unti-unting nagbago ang pakikitungo sa kaniya ni Miguelita nang makita nitong umaangat siya sa kaniyang buhay dahil nagtatagumpay siya sa sinimulan niyang negosyo. Bagama’t sinabi nito na ninang siya ng anak nito ay hindi kailan man naramdaman ni Ana na itinuring pa siyang kaibigan nito dahil sa tuwing magkikita sila ay madalas siya nitong pahagingan ng mga bagay na hindi na lamang niya pinapansin pa.

Nagiging mabait nga lang ito sa kaniya sa tuwing may kailangan ito. Sa loob ng matagal na panahon ay hinayaan lamang ni Ana na ganoon ang pakikitungo sa kaniya ni Miguelita dahil pinahahalagahan niya pa rin naman ang pagkakaibigan nila sa loob ng mahabang panahon. Ngunit ngayon ay napuno na siya! Hindi niya na kaya pang magbingi-bingihan sa mga patutsada nitong masama tungkol sa kaniya!

“Hindi ako nagyayabang, Miguelita. Ikaw itong bastos kung makipag-usap sa akin dahil lang hindi kita napautang. Alam mo, bahala ka na sa buhay mo! Ni hindi nga ako nakakain sa handa ng anak mo noong binyag, dahil hindi mo naman ako inimbita. Nagulat na lang ako nang sabihin mong ninang niya ako, pero dahil kaibigan kita ay agad akong pumayag!” Napapailing na lang si Ana sa sobrang pagkabigla sa nangyayari sa kanila ng kaibigan. “Alam mo ba kung bakit ako nandito sa lugar n’yo ngayon? Ikaw talaga ang sadya ko rito, e. Dahil nga hindi agad kita nabigyan noong nakaraan, gusto sana kitang sorpresahin…”

Binuksan ni Ana ang kaniyang kotse at doon ay tumambad ang iba’t ibang klase ng mga beauty products na mula mismo sa kaniyang kompaniya dahil balak niyang ibigay ang mga iyon kay Miguelita upang makapag-umpisa ito ng negosyo. Iyon ay bilang tulong na rin sana sa kaibigan niyang ito lalo pa at alam niyang nagigipit nga ito ngayon, subalit bigla siyang nawalan ng gana. Paano kasi niyang tutulungan pa rin ang taong walang ibang ginawa kundi bastusin siya?

Biglang nawalan ng sasabihin si Miguelita. Agad na rumehistro sa kaniyang mukha ang nadaramang pagsisisi para sa mga sinabi niya kanina kay Ana. Hindi niya akalaing may ganito pala itong balak para sa kaniya at sinayang niya iyon. Ngayon ay lalo pa siyang nwalan dahil hindi lamang perang mauutang ang naglaho, kundi pati ang nag-iisang kaibigan niyang sana’y maaasahan niya sa oras ng pangangailangan.

Advertisement