Inday TrendingInday Trending
Palaging Hinuhusgahan ng mga Tao ang Lalaking Ito Dahil sa Kaniyang Hitsura; Isang Pangyayari ang Aantig sa Puso Nila

Palaging Hinuhusgahan ng mga Tao ang Lalaking Ito Dahil sa Kaniyang Hitsura; Isang Pangyayari ang Aantig sa Puso Nila

Dinig na dinig ni Ton-Ton ang kaniyang mga kapitbahay sa inuupahan niyang apartment sa tabi ng kalsadang iyon ng kanilang subdibisyon. Nakaupo na naman kasi siya sa kaniyang motorsiklo habang humihithit ng sigarilyo na walang suot na pang-itaas na siyang dahilan kung bakit nakahatad ang katawan niyang punong-puno ng mga tattoo.

“Tingnan mo ’yang si Ton-Ton, dito na naman nakaistambay. Ayaw ko ngang lumabas kapag nandiyan ’yan, e, kasi feeling ko wala ’yang gagawing maganda. Hitsura pa lang n’yan mukha nang lulong sa ipinagbabawal na gamot.” Ipinaikot pa ng isa sa mga kapitbahay niya ang mga mata nito habang bumubulong sa kumare nitong masama naman ang tingin sa kaniya.

“Kaya nga. Guwapo pa man din sana ’yan, kaso sira ang buhay. Tingnan mo at napakaraming tattoo! Iyan ang nakukuha niyan sa pagbabarkada. Kaya nga ’yong binata ko’y hindi ko pinalalapit d’yan at baka matulad lang sa kaniya,” komento pa ng kausap nito.

Hindi mapigilang mapailing ni Ton-Ton sa mga narinig. Tingnan mo nga naman kasi kung gaano kabilis manghusga ang mga tao base lamang sa hitsura mo, kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanila. Dahil doon ay natawa tuloy siya nang mapait, ngunit maya-maya ay hindi na lamang niya pinansin ang mga ito tutal ay sanay na siya sa araw-araw na panghuhusga ng mga ito tuwing makikita siya. Sa totoo lang ay hindi naman talaga niya gustong lumabas ng bahay. Kung hindi nga lamang napakainit sa loob ng inuupahan niyang apartment dahil nawalan ng kuriyente ay hindi siya magtitiyaga rito sa labas para lang pagpiyestahan ng mga tsismosa. Hindi kasi maintindihan ng mga ito na isa siyang tattoo artist at hindi isang ad!k.

Ngunit maya-maya pa, nagulat silang lahat nang bigla na lang magsisigaw ang isa pa nilang kapitbahay. Lumabas itong bitbit ang kaniyang anak na tila walang malay at namumutla.

“Tulong! Tulungan n’yo ako!” hiyaw ni Aling Mildred habang karga ang pitong taong gulang nitong anak na si Joshua. Agad namang tumayo si Ton-Ton at dinaluhan ang mag-ina.

“Ano hong nangyari?!” tanong niya rito.

“Inatake siya ng hika, Ton-Ton! Tulungan mo ako!” hiyaw pa nito na halos hindi na rin magkandaugaga.

Dahil doon ay mabilis na kumilos si Ton-Ton. Hindi na niya naisipan pang magdamit at basta na lamang niyang ini-start ang kaniyang motorsiklo at isinakay ang mag-ina. Pinayuhan niya rin itong kumapit nang mahigpit dahil isusugod nila sa ospital ang bata.

Humaharurot ang sasakyan ni Ton-Ton. Dahil doon ay mabilis nilang narating ang ospital at mabilis ding naagapan ang muntik nang pagkaubos ng oxygen sa katawan ng bata. Salamat sa mabilis na pagkilos ni Ton-Ton.

Dahil sa pangyayaring iyon ay hindi inaasahang hingaan siya ng kaniyang mga dating kapitbahay na noon ay hinuhusgahan siya. Lalo pa at unti-unting naglabasan ang lahat ng mabubuting ginawa dati ni Ton-Ton na kailanman ay hindi niya ginamit para lang magustuhan siya ng mga tao.

Noon pala ay isang volunteer si Ton-Ton na mahilig magbigay ng tulong sa mga mahihirap, lalong-lalo na sa mga taong nangangailangan tuwing may sakuna. Makailang ulit na rin siyang naging ‘tagapagligtas’ ng mga buhay na nanganganib dahil sa maagap at walang pagdadalawang isip niyang paghahatid sa kanila sa ospital. Si Ton-Ton din ang takbuhan ng ibang mga nakakakilala sa kaniya sa tuwing mangangailangan sila ng pinansyal na tulong, at iyon ang hindi nalaman agad ng kaniyang mga kapitbahay.

Dahil doon, halos hindi tuloy nila magawang harapin si Ton-Ton sa tuwing makikita nila ito dahil sa matinding hiya. Wala silang mukhang maiharap dito dahil kung tutuusin ay mas masama pa sila kaysa sa iniisip nila noon kay Ton-Ton dahil nagagawa nila itong husgahan gayong wala naman itong ginawang masama sa kanila kahit kailan.

Ganoon pa man ay hindi naman sila pinatunguhan ni Ton-Ton nang masama. Agad niya silang pinatawad dahil para sa kaniya ay wala rin naman siyang mapapala kung magtatanim siya ng galit sa mga ito. Simula noon ay naging mas maayos na ang samahan ni Ton-Ton at ng kaniyang mga kapitbahay lalo pa at ngayo’y itinuturing na nila siyang bayani.

Isang malaking leksyon ang kanilang natutunan at iyon ay ang huwag silang manghuhusga base lamang sa hitsura at pananamit ng isang tao, dahil madalas, kung sino pa ang hindi natin tinatrato nang tama, iyon pa pala ang tutulong sa atin sa oras ng pangangailangan.

Advertisement