Pinuntirya ng Kawatan ang Bisikleta ng Delivery Boy na Naghahanapbuhay; Magiging ‘Blessing in Disguise’ pa pala Ito sa Huli
Ganoon na lang ang pagod ni Sandro. Nagpedal siya ng halos dalawang oras para lang marating ang lugar na pagdidilibiran niya ng panindang buko pie ng kaniyang tiyahin. Wala kasi siyang motorsiklo kaya naman nagtitiyaga siyang magpadyak ng bisikleta para sa kaniyang paghahanapbuhay. Wala na rin kasi siyang ibang trabahong makita bukod sa pagiging isang delivery boy at pagkokonstruksyon lalo na at wala naman siyang pinag-aralan. Ni hindi siya nakatapos ng hayskul kaya naman nagtitiyaga siya araw-araw sa initan para lang maihatid ang mga pangangailangan ng kaniyang mga kostumer. Ginagawa niya ito para sa dalawa niyang maliliit pang kapatid dahil siya na ang tumatayong magulang nila buhat nang sabay na mawala ang kanilang ama’t ina sa isang sakuna, tatlong taon na ang nakalilipas.
Nang marating na ni Sandro ang lugar na kaniyang pagdadalhan ng paninda ay agad siyang bumaba sa bisikleta. Hindi kasi kasya sa eskinita ang bisikleta niya kaya naman minabuti niyang iwan na lamang doon saglit sa labas iyon. Ngunit matapos niyang ihatid ang paninda sa kanilang kostumer ay ganoon na lang ang panlulumo niya nang makitang wala na sa pinag-iwanan niya ang kaniyang bisikleta! Mukhang napuntirya siya ng kawatan sa lugar na iyon at ngayon ay hindi na niya alam kung ano ang gagawin!
“Nasaan ang bisikleta ko? Sino’ng kumuha?!” bulalas niya. Nagkibit-balikat lang naman ang mga taong nasa paligid at sinabing hindi nila napansin kung sino ang kumuha n’on.
“Naku, hindi kasi kami nakatingin sa bisikleta mo. Wala kaming napansing lumapit diyan, e. Pero siguradong napuntirya ka ng mga kawatan. Marami pa namang nangunguha ng mga gamit dito para ibenta,” sagot pa nila kaya lalong kumalabog ang dibdib niya.
Napakasama ng loob ni Sandro dahil sa nangyari. Halos isang oras siyang nagpaikot-ikot sa naturang lugar para lang mahanap ang kaniyang bisikleta ngunit talagang hindi na niya ito nakita. Matinding awa ang nadarama ng mga taong napapadaan para sa kaniya, lalo na nang sa sobrang pagkatuliro ay napaluhod na lamang siya habang umiiyak.
“Ibalik n’yo na ang bisikleta ko. ’Yon na lang ang ipinangbubuhay ko sa mga kapatid ko, pakiusap!” Halos madurog ang puso ng mga nakarinig sa kaniyang sinabi.
Dahil doon ay naisipan siyang video-han ng isa sa mga netizen. Naka-live iyon sa peysbuk at ganoon na lang ang biglaang pagdagsa ng mga manunuod sa naturang post. Bumaha ng napakaraming simpatya sa comment section. Ang iba ay gusto pang magpaabot ng tulong.
“Toto, mayroon ka bang account sa kahit na anong e-wallet para doon na lang ipadadala ng mga tao ang tulong na gusto nilang ibigay sa ’yo? Tingnan mo, o, napakaraming gustong magpaabot sa ’yo ng tulong,” sabi pa ng taong nag-video kay Sandro na ikinagulat naman ng binatilyo.
“Talaga po? Mayroon po ako n’on! Iyon din po kasi ang ginagamit ko kapag may nagpapa-deliver sa akin,” sagot naman niya.
Sa isang iglap, dinagsa ng napakaraming tulong si Sandro. Higit pa sa presyo ng isang bisikleta ang inabot ng mga tulong na dumating sa kaniya matapos ang naturang Facebook post! Hindi niya akalain na ang pagkawala pala ng kaniyang bisikleta ay magiging blessing in disguise pa para sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid, dahil ang mga perang natanggap niya ay ginamit niya bilang puhunan sa negosyo.
Nagdesisyon kasi siyang bumili ng mga produktong maaari niyang ibenta sa online selling. Inaral niya ring mabuti ang kalakaran nito upang hindi masayang ang puhunan niya at lalo pang nagsipag si Sandro. Ngayon ay hindi na lang produkto ng iba ang kaniyang naibebenta kundi pati ang sarili niyang paninda. Nakabili na rin siya ng motorsiklo para sa mas mabilis na pagde-deliver. Naging mas maayos na ngayon ang buhay ni Sandro at ng kaniyang mga kapatid dahil sa kaniyang pagsisikap, ngunit ang mas mahalaga sa lahat ay hindi niya nakalimutang ibalik sa mga nangangailangan ang kabutihang ipinaranas sa kaniya ng mga taong tumulong sa kaniya noong siya naman ang nawalan.
Ngayon ay madalas ding tumulong si Sandro sa ibang nangangailangan, lalo na sa mga kapwa niya delivery guy na napagdidiskitahan ng masasamang tao. Hindi siya nanghihinayang na bigyan at hatian ang mga ito sa kaniyang kita at sa tingin niya ay isa ’yon sa sikreto kung bakit patuloy ngayong lumalago ang kaniyang negosyo. Sabi nga sa isang kawikaan, “ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay. Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.”