Hinangaan ng Napakaraming Netizens ang Batang Naglalako ng Ice Candy sa Daan; Nakaaantig Kasi ang Kaniyang Dahilan
Kilalang masipag na bata at mabait na anak si Utoy, isang tindero ng ice candy na halos araw-araw naglalako ng kaniyang paninda sa kahabaan ng barangay na iyon. Sa tagal na niyang ginagawa ito ay nakilala na siya halos ng mga tao sa kanilang lugar at madalas ay inaabangan na ng mga ito ang kaniyang pagdaan sa pagitan ng alas dos hanggang alas kuwatro ng hapon.
Naging parte na ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang pagkain ng tinda ni Utoy. Sa halagang limampiso ay kanila nang nai-enjoy ang matamis at malamig na ice candy na kadalasan ay patok na patok sa mga bata. Maraming flavor kung magtinda si Utoy para maraming pagpipilian. May ube, buko pandan, tsokolate, keso o ’di kaya’y abokado. Bagay na kinagigiliwan din ng kaniyang mga kostumer.
Siyam na taong gulang lamang si Utoy kaya marami ang natutuwa sa kaniyang kasipagan, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay may nakaaantig at malalim palang dahilan kung bakit niya ginagawa ang bagay na ’yon sa kaniya lamang murang edad.
“Bakit ba imbes na sa pag-aaral mo itinutuon ang pansin mo’y mas pinipili mong isabay pa doon ang paghahanap buhay? Batambata ka pa naman. Hindi ka pa dapat nagtatrabaho, hijo,” minsan ay komento sa kaniya ng isa sa mga masugid niyang suki, si Mang Dodong, isang pedicab drayber.
“Oo nga, hijo. Nasaan ba kasi ang mga magulang mo? Ako, noong ganiyang edad ang mga anak ko’y talagang nagsusumikap ako para lang hindi sila mahirapan,” singit naman ng isa pa sa kanilang usapan. Si Aling Tanya, iyong tindera ng tinapa sa gilid ng kalsada, sa labas ng isang subdibisyong balak na namang baybayin ni Utoy.
“Naku, mahal na mahal din naman po ako ng nanay ko, Mang Dodong, Aling Tanya… iyon nga lang po, kahit ayaw niya ay ginagawa ko ito para makatulong ako kahit sa pambili man lang po niya ng gamot. May sakit po kasi siya sa baga. Ginagawa ko po ito dahil ayaw ko pong mawala pa ang nanay ko. Siya na lang po ang mayroon ako sa buhay mula nang iwan kami ng tatay ko para sa ibang babae,” malumanay namang sagot ni Utoy sa dalawang matanda, bagama’t bakas ang lungkot sa kaniyang mukha.
Doon ay nagkatinginan sina Mang Dodong at Aling Tanya, ganoon din ang ilan pang kustomer ni Utoy na nakikinig pala sa usapan nila kanina pa.
“Hayan kasi, ayaw munang magtatanong,” iiling-iling na tukso ng barangay tanod na si Kuya Asyong sa dalawa na napakamot naman ngayon sa ulo. Isa siya sa mga naantig sa ikinuwento ni Utoy at muntik pa siyang mapaluha kanina, ’tulad ng iba pang nakikinig sa kwento ng bata. Dahil doon ay may naisip siyang ideya na baka makatulong dito. “Hayaan mo, Utoy. Mamaya, pagbalik ko sa barangay ay ipapaalam ko kay Kap ang sitwasyon ninyong mag-ina. Baka sakaling makahingi tayo ng tulong sa kaniya,” sabi pa ni Kuya Asyong.
“Naku, oo nga! Ako’y may kakilala ring nars. Dating kaklase ng anak ko noong hayskul. Baka matulungan tayong patingnan ang nanay nitong si Utoy,” sabi naman ng isa pang kostumer ng bata.
“Kami naman nina Dodong, e, magbibigay ng kaunting tulong sa inyo, Utoy. Maliit man, siguradong pag pinagsama-sama ay magkakaroon din ng halaga. Mahal ka namin, Utoy, at talagang hanga kami sa pagiging masipag at mabait mong anak. Sana’y ganiyan din ang mga anak namin,” muli ay saad naman ni Aling Tanya na tinanguan naman ng iba pa.
Matapos ang araw na iyon ay tinupad ng matatanda ang sinabi at ipinangako nila kay Utoy. Kinabukasan din ay pinuntahan ng kanilang kapitan sa bahay nila si Utoy at ang kaniyang ina, kasama ang isang nars at isang doktor na titingin ng kalagayan nito. Inilapit ng kanilang kapitan ang sitwasyon ng mag-ina sa kanilang mayor na kalaunan ay nagsabing sasagutin na ang pagpapagamot sa ina ni Utoy, habang ang kapitan naman ay nagpaabot din ng pangpuhunan para makapag-umpisa sila ng kahit na maliit na negosyo galing mismo sa sarili nitong bulsa.
Walang pagsidlan ng tuwa ang batang si Utoy dahil sa natanggap na biyaya mula sa mga taong nakarinig ng kaniyang munting kwento. Hindi niya akalain na dahil sa kanilang pagtutulungan ay makakamtan nila ang ganitong kalaking biyaya. Salamat sa pagiging masipag niyang bata.