Inday TrendingInday Trending
Nanaginip ang Donyang Ito na Dadalawin Umano Siya ng Panginoon; Ngunit Tatlong Pulubi ang Nagpunta sa Kaniyang Mansyon na Pinagtabuyan Niya

Nanaginip ang Donyang Ito na Dadalawin Umano Siya ng Panginoon; Ngunit Tatlong Pulubi ang Nagpunta sa Kaniyang Mansyon na Pinagtabuyan Niya

Si Donya Paz ay isang mayaman ngunit kilalang matapobre. Isang gabi ay nanaginip siya. Sa kanyang panaginip ay kitang-kita niyang bumababa mula sa isang kumikinang na hagdan ang isang lalaking kilala ng lahat: ang Tagapagligtas, si Hesukristo.

“Dadalawin kita sa bahay mo bukas,” sabi ni Hesukristo. “Kapag pinatuloy mo ako ay may gantimpala kang matatamo.”

Lumuhod si Donya Paz na kilalang madasalin at relihiyosa. Hindi ito nagmimintis na magsimba tuwing Linggo at magbigay ng malaking halaga ng pera sa simbahan.

“Masusunod po Diyos ko, aming Hesukristo!”

Masayang-masaya si Donya Paz nang magising. Naniniwala kasi siya sa mensaheng dala ng mga panaginip.

Agad niyang tinawag ang mga kasambahay.

“Maglinis kayo ng bahay! Ayokong makakita ng katiting na alikabok. Ingungudgod ko kayo sa mga ito kapag nakita ko!”

“Magluto kayo nang masarap na pagkain! Gusto ko, iyong napakasarap, at kung hindi, hindi ko kayo papayagang kumain nang libre dito sa pamamahay ko.”

“Bukod sa paglilinis, palitan din ang mga kurtina, ang mga mantel, ang mga proteksyon ng sofa, pati carpet!”

“Ayoko nang magulo. Gusto ko maging maayos ang pagdating ng ating napaka-espesyal na panauhin. Berta, Berta, halika nga… kumasundo ka na sa barangay at upahan ang banda ng musiko sa munisipyo, sabihin kay Kapitan ay utos ko, at papuntahin dito sa mansyon. Madali ka!”

“Lagyan ng gatas ang bath tub at maliligo ako!”

Agad na nagsikilos ang lahat. Mabilis ang kilos nila. Ayaw nilang magalit sa kanila ang donya.

Mga bandang tanghalian ay kasado na ang lahat. Nabulabog ang mga kapitbahay ni Donya Paz sa banda ng musikong tumutugtog, ngunit walang pakialam ang donya.

Masasabing handang-handa na ang lahat. Malinis na malinis na ang bahay. Luto na ang mga pagkain. Naayos na ang mga bulaklak sa sala at komedor. Bihis na rin si Donya Paz. Suot niya ang mga alahas niya at pinakamagarang damit.

“Ang tagal naman ni Hesukristo, kailangan kaya Siya darating? Darating kaya Siya? Hindi ba’t sabi Niya, kapag darating na Siya ay walang sinuman ang makakaalam? Paano kung hindi nga Siya dumating? Sayang naman ang mga pagkain kung mga muchacha lamang ang kakain. Wala rin naman akong balak na ipamahagi sa mga kapitbahay at hindi ko naman sila mga kilala, bagama’t mukha silang mga p*tay-gutom, kahit na palagay ko ay may kaya rin naman sila,” nagmomonologo na si Donya Paz.

Nakikinig lamang ang mga kasambahay niya na nahihiwagahan sa ikinikilos ng kanilang amo. Kahit kailan ay ‘weirdo’ talaga ito sa paningin nila. Hindi marunong makipagkapwa-tao, at ang tingin sa sarili ay napakataas.

Maya-maya, isang batang pulubi ang dumating at nanghingi ng pagkain. Itinaboy ito ni Donya Paz sa halip na bigyan ng pagkain.

“Sige na po, parang awa na ninyo, Ma’am…” pagmamakaawa ng batang pulubi na may dala-dala pang nanlilimahid na sako.

“Layas! Wala akong pakialam kung nagugutom ka. Saka paano ka nakapasok dito gayong eksklusibo ang subdibisyon namin at bawal ang mga kagaya mong salot sa lipunan? Kasalanan iyan ng mga magulang ninyo, anak nang anak, wala namang maipambuhay sa mga anak!”

Lulugo-lugong umalis na lamang ang pinagtabuyang batang pulubi.

“Pakitawagan nga ang mga security guard sa entrada na huwag magpapapasok ng kung sino-sino rito sa subdibisyon! Nakakadiri!” utos ni Donya Paz.

Makalipas ang 30 minuto ay isang matanda naman ang dumating. Uhaw na uhaw ito at gutom na gutom. Hindi ito gusgusin subalit alam ni Donya Paz na mahirap lamang ito.

“Pahingi ng kaunting pagkain at tubig,” pakiusap ng matanda.

Itinaboy din ito ni Donya Paz at dahil mabaho ang matanda.

“Diyos ko naman, dapat sibakin na ang mga guwardiya ng subdibisyon na ito, kung sino-sino ang pinapapasok! paano na lamang kung magnanakaw ang mga iyan? Bukas na bukas din ay tatawagan ko si Henry,” inis na inis na sabi ni Donya Paz. Si Henry ang presidente ng home owners association.

Maya-maya, isang buntis ang dumating. Humingi din ito ng tulong pero hindi rin niya binigyan. Itinaboy rin niya ito.

Maghapon siyang naghintay ngunit hindi dumating ang espesyal niyang panauhin. Pinagdiskitahan ni Donya Paz ang mga kasambahay niya sa labis na inis. Ang mga pagkain ay ipinatapon niya. Hindi rin niya binayaran man lamang ang banda ng musiko.

Kinagabihan ay muling nanaginip si Donya Paz. Nakita niyang muli si Hesukristo. Sinumbatan niya ito.

“Naghanda ako at naghintay ngunit hindi Kayo dumating,” sabi ni Donya Paz.

“Nagkakamali ka,” sagot ni Hesukristo.

“Tatlong beses akong dumating pero hindi mo ako nakilala. Dahil diyan, hindi mo matatamo ang gantimpalang naghihintay sa iyo. Hindi mo ako tinanggap sa puso mo. Magbago ka na, Paz habang may panahon pa.”

Nang magising si Donya Paz ay naalala niya ang batang pulubi, ang matanda, at ang buntis na kaniyang itinaboy.

“Ma’am, may mga dumating po…” natatarantang sabi ng isa sa mga kasambahay.

Nagningning ang mga mata ni Donya Paz.

“Sino? Nariyan na ba si Hesukristo? Siguro ay ayaw lamang Niya ng maingay at magarbo, sige papasukin mo…”

Ngunit ibang ‘Kristo’ ang nagsidating. May mga dalang mahahabang armas. Sila ang ‘Kristo’ ng mga pasugalan kung saan may pagkakautang si Donya Paz.

“Paz… nandito lang naman kami para maningil sa mga utang mo… masyado nang mahaba ang palugit na ibinigay namin sa iyo…” nanlilisik ang mga mata ng isang ‘Kristo’.

“A-Akala ko si Hesukristo na ang dumating… puwede ba akong humingi pa ng palugit sa inyo, pangako…”

Dalawang putok ang pumailanlang sa ere. Bumagsak ang duguang katawan ni Donya Paz. Nagtilian naman ang mga kasambahay nang makita ang duguang katawan ng amo.

“Sige, makipagkita ka na sa Kaniya sa langit.”

At mukhang makakaharap na nga ni Donya Paz si Hesukristo…

Advertisement