Binalak ng Guwapo, Mayaman, at Babaerong Binata na Mahulog sa Kaniyang Bitag ang Pinakamatalinong Babae sa Baryo na Kaniyang Napuntahan; Magtagumpay Kaya Siya?
May isang dalagang hinahangaan ng lahat sa kanilang baryo. Ang pangalan niya ay Tanya. Bukod sa pagiging maganda at matulungin, pinaka namumukod-tanging katangian ni Tanya ang pagiging matalino.
Nagkataon naman na may isang mayamang lalaki ang nakabili ng isang malawak na lupain sa baryong iyon upang makalimot sa kaniyang kasintahan na niloko lamang siya, at ang tanging gusto lamang sa kaniya ay pera niya. Siya si Arturo.
Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Tanya, may kung anong pagnanais siyang naramdaman na makilala ang babaeng ito, na labis na hinahanggan ng kalalakihan. Ngunit matalino nga raw si Tanya kaya nangingilag ang mga lalaki sa kaniya.
“Interesante! Titiklop din sa akin ang babaeng iyan. Lahat naman ng mga babae mahilig sa kagaya kong guwapo, makisig, at mayaman,” sabi ni Arturo. “Mahuhulog din sa bitag ko ‘yan. May mapaglalaruan na naman akong babae.”
Isang araw ay nasilayan nga niya ang kagandahan nito. Kagandahang hindi na mapapagkit ang mga paningin kapag nakaharap na siya. Naging buo ang loob ni Arturo na mas makilala pa ang dalaga.
Ngunit sa tuwing nagpapapunta si Arturo ng kaniyang mga tauhan sa bahay nito, lagi lamang bumabalik sa kaniya ang mga bulaklak at regalong padala niya.
“Sabihin mo sa amo mo, huwag akong bigyan ng mga bulaklak dahil hindi pa ako pinaglalamayan. Saka isa pa, nakikita mo ba ang paligid namin? Punumpuno ng mga halaman at mga bulaklak. Hindi ko na kailangan ng mga pinitas at sinayang na mga bulaklak, na malalanta rin naman, at mauuwi sa basurahan,” wika ni Tanya sa tauhan ni Arturo.
“Talagang hinahamon ako ng babaeng ito ah. Ngayon ko lang naranasan na tanggihan ng isang babae, at taga-baryo pa! Paano ko kaya mapatitiklop ang babaeng ito?” napapaisip na sabi ni Arturo. Nahahamon ang kaniyang pagkalalaki na mas makilala pa si Tanya.
Sa pagsapit ng Linggo ay nagkasabay sa simbahan sina Arturo at Tanya. Bagama’t iniiwasan ni Tanya na mapatingin sa direksyon ng lalaki ay hindi niya mapigilang mapasulyap. Hindi maipagkakailang napakaguwapo ni Arturo bukod pa sa mala-Adonis ang pangangatawan nito.
Sinong babae at binabae ba ang hindi mapapatingin sa kaniya? Kahit nga yata ang mga hermana na naglilingkod sa simbahan ay napapatingin din sa kaniya.
Sa pagtatapos ng misa, hindi inaasahan ni Tanya na lalapitan at kakausapin siya ni Arturo. Napasinghap siya nang masamyo ang mabango at lalaking-lalaking amoy nito.
“Bakit hindi mo naman tinatanggap ang mga bulaklak at regalong ipinadadala ko sa iyo? Hindi mo nagustuhan?” tanong ni Arturo.
“Hindi ba sinabi ng mga tauhan mo ang mensaheng ipinaaabot ko sa iyo sa pamamagitan nila? Hindi ko gusto ang mga pabulaklak mo. Saka, hindi kita type!” nakaismid na sabi ni Tanya.
“Talaga ba? Kung hindi mo ko type, bakit 10 beses kitang nahuling nakatingin sa akin kanina?”
Namula naman si Tanya. Ang walanghiya!
“Paano mo naman nalaman na nakatingin ako sa ‘yo? Ibig sabihin, nakatingin ka rin sa akin. Bakit mo ko tinitingnan? Nagagandahan ka ba sa akin?” at kunwari ay nagpa-cute si Tanya sa kaniya.
“Alam mo ba na bawat titig sa akin ay may katumbas na halaga? 1,000 piso sa bawat palihim na sulyap, at dahil naka-10 sulyap ka sa akin, may utang ka sa akin na 10,000 piso,” nakangising sabi ni Arturo.
“Wow ha? Ang kapal ng mukha mo! Ang taas naman ng tingin mo sa sarili mo, mister! Kaya ka ba yumaman nang ganyan dahil pineresyuhan mo lahat ng mga tumingin sa iyo? Eh ‘di ikaw na!” pang-uuyam ni Tanya.
Sa sulok ng mga mata niya ay nakikita niyang tuwang-tuwa silang pinagtitinginan ng mga hermana ng simbahan at para bang cute na cute sa kanilang dalawa; parang nanonood ng isang romantikong pelikula ng artistang magkatambal.
“So may utang ka sa akin at kailangang bayaran mo ‘ko. Mamili ka: babayaran mo ko, o makikipag-date ka sa akin?” nakangising tanong ni Arturo kay Tanya.
Natahimik naman si Tanya. Mukhang napaisip.
“Sige, babayaran ko na lang. Pahingi ako ng piso!”
“Ha? Bakit?” nagtatakang tanong ni Arturo.
“Ang dami mong tanong! Sige, ako na lang…”
At dumukot ng sampung piso si Tanya. Sinimulan niya itong ihagis sa sahig nang paulit-ulit…. nakatanga lamang si Arturo sa kaniya. Pinalibutan naman sila ng mga hermana at iba pang mga miron na natawag ang kanilang pansin sa pag-uusap nilang dalawa.
Makalipas ang 30 minuto…
“A-Anong ginagawa mo?” tanong ni Arturo.
“Hayan. Tapos na. Binilang mo ba? 1,000 beses kong pinatunog ang 10 piso ko. Bayad na ako sa utang ko sa iyo. Ang titig ko kamo sa ‘yo na may 10,000 pisong halaga, binabayaran ko ng kalansing ng barya! Amanos na tayo, mister!” wika ni Tanya, sabay talikod at lakad na.
Naiwan namang nakatulala si Arturo. Naghihiyawan at nagpapalakpakan naman ang mga hermana at iba pang mga miron na nakikiusyoso sa kanilang ginagawa.
Napatunayan nga ni Arturo na sadya ngang matalino si Tanya. Hindi umubra dito ang kaniyang kaguwapuhan at kayabangan.
Lihim namang natatawa si Tanya. Oo, kaakit-akit na lalaki si Arturo ngunit hindi ang ganitong klaseng lalaki ang gugustuhin niyang mapangasawa.
Simula noon ay tinigilan na nga ni Arturo si Tanya matapos siya nitong pahiyain. Napagtanto rin niya na hindi basta-bastang babae si Tanya at kung itutuloy niya ang panliligaw rito ay hindi nito deserve na masaktan. Naniniwala siyang may mas karapat-dapat pang lalaki para dito, at hindi siya iyon dahil kilala niya ang kaniyang sarili, hindi siya makukuntento sa iisang babae lamang.
Samantala, isang mabait at masipag na manliligaw naman ang napusuan ni Tanya, na alam niyang igagalang siya bilang babae. Sinagot niya ito at naging magkasintahan sila. Hindi man kasinggwapo at kasingyaman ni Arturo, alam niyang ito ang lalaking nakatadhana para sa kaniya.