Inday TrendingInday Trending
Nakipagkasundo sa Masamang Anito ang Mag-asawang Ito Upang Magkaanak; Ngunit Ano Kaya ang Kondisyong Hiningi Nito?

Nakipagkasundo sa Masamang Anito ang Mag-asawang Ito Upang Magkaanak; Ngunit Ano Kaya ang Kondisyong Hiningi Nito?

Sa isang liblib na baryo, may mag-asawang sa tagal ng kanilang pagsasama ay hindi biniyayaan ng kahit na isang anak sa loob ng 20 taong pagsasama. Sila ay sina Fidelino at Viviana.

Lahat ng paraan ay ginawa na nila ngunit wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito, ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang panahon sa pag-aalaga ng mga hayop gaya ng aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa pag-aalaga ng hayop, naging hanapbuhay na rin nila ito.

Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang itim na inampon at napulot nila sa kung saan ang pinakapaborito ni Viviana. Alagang-alaga ito ni Viviana sa pagkain at inumin.

Itinatabi pa niya ito sa pagtulog. Parang isang anak na ang turing ni Viviana sa kaniyang alagang itim na pusa na tinawag niyang ‘Silim’ mula sa salitang takipsilim.

Ngunit sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata sa iba’t ibang santo sa iba’t ibang lugar.

Hanggang sa dumating ang sandaling kinasawaan na rin nila ang ginagawa. Pakiramdam nila ay hindi na sila pinakikinggan ng Diyos.

“Handa akong makipagkasundo sa d*monyo para lamang magka-anak, Silim,” minsan ay sabi ni Viviana sa kaniyang alaga habang hinahaplos-haplos ang alagang pusa, nang sila ay matutulog na. Narinig naman ni Fidelino ang sinabi ng misis.

“Hoy Viviana, iyang bibig mo, kilabutan ka nga sa mga sinasabi mo at baka mahipan ka ng hangin at magkatotoo ‘yan,” sansala naman ni Fidelino.

“Aba, totoo naman… nasa puntong ganoon na ako, Fidelino,” pag-amin ni Viviana.

“Huwag ganyan ang mentalidad, Viviana. Tanggapin na lamang natin ang kaloob sa atin ng Panginoon. Sadyang ganoon talaga ang buhay. Hindi lahat ng mga ginugusto natin ay nakukuha natin.”

Hindi na lamang kumibo si Viviana. Ayaw na niyang makipagtalo at kontrahin ang mister. Dadalawa na lamang sila, mag-aaway pa ba sila? Kaya nanahimik na lamang siya at hinayaan ang sariling dalawin ng antok.

Hindi niya napansin ang tila pagkislap ng mga mata ni Silim.

“Viviana…”

“Sino ka?”

Isang nakaitim na lalaking walang mukha ang kaniyang kaharap.

“Ako ang anitong tagapagbantay at siyang tunay na nagmamay-ari kay Silim. Narinig ko ang panambitan mo; nais mong magkaroon ng anak. Ibibigay ko ang kahilingan mo bilang pasasalamat sa pag-aaruga mo sa aking itim na pusa. Tandaan mo lamang na huwag na huwag mong patatapakin sa lupa ang magiging anak ninyo, at hindi mo maiibigan ang mga mangyayari,” bilin nito.

Magsasalita sana si Viviana subalit biglang umusbong ang itim nitong bagwis sa likod na animo’y pakpak ng uwak. Pumagaspas ang pakpak nito at lumipad sa himpapawid.

“Viviana, Viviana…”

Napabalikwas ng bangon si Viviana. Ginising siya ni Fidelino.

“Nananaginip ka.”

Panaginip lamang pala ang lahat. Napasulyap si Viviana sa kaniyang alagang pusang si Silim at hinaplos-haplos ang ulo nito. Akala niya ay totoo na ang lahat.

Ngunit nahagip ng kaniyang mga mata ang mga tila balahibo ng ibon na nasa tabi ni Silim. Kulay-itim. Kinuha ito ni Viviana. Nangilabot siya…

“Naku, may kinain bang uwak ‘yang si Silim? Bakit may balahibo ng pakpak ng ibon diyan?”

At naalala ni Viviana ang kaniyang panaginip.

Simula noon ay lagi nang nasa isipan ni Viviana ang kaniyang panaginip.

Naisip niya, kung totoo ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa ang magiging supling nila ni Fidelino.

Makalipas ang ilang buwan at nakaramdam ng kakaiba sa kaniyang sarili si Viviana. May mga pagkain siyang hinahanap-hanap. Tuwing gabi ay ginigising pa niya si Fidelino upang utusan itong bumili ng kaniyang makakain. Hindi rin niya gusto ang samyo ng ginigisang bawang at sibuyas.

Kaya nang kumonsulta sila sa espesyalista, laking-gulat nilang dalawa nang malamang nagdadalantao si Viviana.

Ang kanilang kahilingan ay natupad. Masayang-masaya si Fidelino, at lihim namang nagpapasalamat si Viviana sa anitong dumalaw sa kaniyang panaginip. Mas pinag-igi niya ang pag-aalaga kay Silim.

Hindi nagtagal at nagsilang si Viviana ng isang sanggol na lalaki. Ismael ang ipinangalan nila rito.

Lumaki si Ismael sa piling ng mapagpalang kamay ng mag-asawa. Tulad ng kanyang pangako, hindi pinatutuntong ni Viviana ang anak sa lupa kung kaya’t si Ismael ay hindi nakalalabas ng bahay.

Takang-taka naman si Fidelino sa nais na mangyari ni Viviana. At dito ay ikinuwento nga ni Viviana ang tungkol sa kaniyang panaginip, na lahat ay umayon at nangyari naman.

“Sumunod na lamang tayo, Fidelino. Wala namang mawawala kung susunod tayo sa anitong amo ni Silim.”

“May mawawala. Ang kalayaan ng anak natin, Viviana. Hindi naman pupuwede na lagi siyang nasa loob ng bahay. Sa ngayon na paslit siya ay uubra ‘yan, ngunit paano kung lumaki at magbinata na siya?”

Hanggang sa lumaki at maging binatilyo na si Ismael ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga paa nito. Nagkasundo ang mag-asawa na ipagtapat kay Ismael ang tungkol sa kanilang pangako. Naintindihan naman ni Ismael ang kalagayan ng mga magulang at iginalang niya ang bilin ng mga ito.

Kahit na hindi naglalalabas ng bahay si Ismael, maraming mga dalagita pa rin ang nakabalita sa angking kaguwapuhan nito. Sinasadya nilang magpadaan-daan sa tapat ng bahay nila. May isang napusuan si Ismael at ito ay si Ellena.

Pumayag si Ellena na siya mismo ang dumalaw-dalaw kay Ismael kahit na kababae niyang tao ay siya ang gumagawa nito. Ipinagtapat naman ni Ismael ang tungkol sa pagbabawal ng kaniyang mga magulang na tumapak ang kaniyang mga paa sa lupa. Ngunit ang dahilan niya ay may sakit siya.

Isang araw, naglalakad si Ellena patungo sa bahay nila nang ‘di-sinasadyang matapilok ito. Napahiga ito sa lupa at umaaringkingking sa sakit.

“Aray! Aray! Ang paa ko…” naluluhang pahayag ni Ellena. Halos mapangiwi siya sa labis na sakit.

Nataranta naman si Ismael nang makita ang nangyari kay Ellena. Wala pa naman ang mga magulang niya. Hindi niya matitiis na makita sa gayong kalagayan ang babaeng minamahal, at siya ay nakatanaw lamang sa bintana ng kanilang bahay.

Isang desisyon ang ginawa ni Ismael.

“Bahala na… kailangan kong tulungan ang mahal ko…”

Pagtuntong na pagtuntong ni Ismael sa lupa ay biglang yumanig.

Nawalan ng balanse si Ismael at napabuwal sa lupa.

Nanlaki ang mga mata ni Ellena nang makita niyang bumuka ang lupang kinalalagyan ni Ismael.

Nilamon ng lupa si Ismael!

Nawalan ng malay si Ellena matapos masaksihan ang mga pangyayari.

Iyan ang naabutan nina Fidelino at Viviana nang umuwi na sila. Sising-sisi naman sila dahil iniwanan nilang mag-isa si Ismael.

Kasabay sa pagkawala ni Ismael ay nawala na rin si Silim, na hindi na nila malaman kung saan na nagsuot.

Pinagsisihan ni Viviana ang kaniyang ginawang pakikipagtipan sa anito, sa d*monyo. Nasa huli man ang pagsisisi, minabuti na lamang ng mag-asawa na kalimutan ang mga naganap, ngunit hindi ang mga matatamis na sandaling kasama nila si Ismael at naiparamdam sa kanila kung paano magmahal bilang magulang.

Ipinangako ni Viviana sa sarili na hinding-hindi na ulit siya bubulong na makikipagkasundo sa d*monyo.

Advertisement