Halos Parang Magkapatid na ang Magkaibigang Hindi Nakatapos ng Pag-aaral at Hinahamak; Matupad Kaya ang Pangako Nila sa Isa’t Isa na ‘Yuyukuan’ at ‘Titingalain’ Sila ng Lahat Balang-Araw?
Masasabing magkababata sina Sef at Larry. Kinaya nilang mamuhay kahit na mahihirap lamang sila. Pareho silang hindi nakatapos ng elementarya. Grade 3 si Sef at Grade 6 naman si Larry. Pareho silang rumaraket bilang karpintero. Kung saan may raket ang isa, bitbit ang isa. Tulungan. Bigayan.
Halos magkapatid na ang turing nila sa isa’t isa.
Isang araw ay magkasama silang nagtungo sa karinderya ni Lucing kung saan sila nagmemeryenda. Pareho nilang natipuhan ang kasimplehan ni Lucing.
Nagkasundo sila na walang samaan ng loob kung sinuman sa kanila ang sagutin ni Lucing.
“Lucing, mapangasawa lang kita, ibibigay ko lahat ng gusto mo” wika ni Sef.
“Naku! Hindi mo ako malilinlang, baka hindi mo ako kayang pakainin, eh magkano lang ang kinikita ninyo sa pagiging karpintero niyo?” nakaismid na sabi ni Lucing.
“Ako naman Lucing, kahit maliit lang ang sweldo ko, magiging masaya tayo basta’t magkasama lagi sa hirap at ginhawa,” wika naman ni Larry.
Ngumiwi naman si Lucing.
“Isa ka pa! Hindi ba puwedeng puro ginhawa? Sawa na ako sa hirap!”
Napakamot naman sa ulo ang magkaibigan.
“Tama na nga kayo, kung sino na lang ang magugustuhan ko sa inyo, eh ‘di siyang mapalad! Kailangang patunayan n’yo muna sa akin na talagang karapat-dapat kayo.”
Habang naglalakad pabalik sa kanilang site at matapos makapagmeryenda, nag-usap ang dalawa habang naglalakad.
“’Tol, balang araw ‘di na ako maghihirap. Yuyuko ang lahat ng tao sa akin, magiging ganap akong kilala sa lugar natin para may ipamukha ako kay Lucing,” wika ni Sef.
“Ako naman eh kung hindi niya ako gusto, ayos lang, Marami pa namang babae na makakakita sa halaga ko bilang tao. Balang araw, titingalain naman ako ng mga tao,” pahayag naman ni Larry.
“May trabaho yung kamag-anak ko, sumama ka sa akin mamaya kung gusto mo malaki ang kikitahin natin doon sa alok niya. Tiba-tiba tayo,” sabi ni Sef kay Larry.
“Hoy baka kung ano iyan ha? Basta marangal ‘yan,” sansala naman ni Larry.
“Bahala ka, patuloy tayong magdidildil ng asin kung mananatili tayo rito,” engganyo naman ni Sef. “Baka ni isa sa atin ang hindi piliin ni Lucing.”
“Ano bang trabaho ‘yun?” ungkat ni Larry.
“Doon na lang natin aalamin,” saad ni Sef.
“’Tol ikaw na lang, marami pa akong gagawin bukas. Ibig sabihin, ‘di ka papasok?” tanong ni Larry.
“Hindi na ‘tol, baka doon na ako magtatrabaho at sisiguraduhin ko sa sa mga taong lumalait sa trabaho natin na yuyuko sila sa akin at hihingi ng paumanhin,” seryosong pahayag ni Sef.
“Bahala ka ‘tol, basta ako magsisikap, balang araw titingalain naman ako nila. Malay mo tumangkad pa ako nang bahagya,” biro ni Larry.
“Imposible ‘yan, ‘di ka na tatangkad, umakyat ka na lang sa tuktok ng gusaling ginagawa,” hirit naman ni Sef. Nagkatawanan silang dalawa. Inakbayan ni Sef si Larry at nagpatuloy sila sa paglalakad sa malaking harang na nasa maruming look, kagaya ng madalas nilang ginagawa.
At iyon na nga ang huling beses na nagkausap ang magkaibigan. Unang beses na nagkahiwalay silang dalawa. Pinabayaan na lamang ni Larry si Sef.
Lumipas ang isang linggo, habang nagpipintura si Larry ay sinigawan siya ng isang kakilala.
“Larry! Alam mo na ba ang nangyari kay Sef?”
“Ha! Bakit ano nangyari? Hindi nga kami masyadong nakakapag-usap ngayon eh. Sabi niya sa akin, may iba siyang trabahong papasukan. Inaaya nga niya ako, pero nahiya naman ako sa nagpasok sa amin dito kung sabay pa kaming mawawala. Kako, mauna na muna siya. Pero hindi kami nakakapag-usap nitong mga nagdaang araw,” paliwanag ni Larry.
Natahimik naman ang kaniyang kakilala.
“Ganoon ba… mamaya pumunta tayo sa kanila! Malalaman mo kung ano ang sinasabi ko, huwag kang mabibigla.”
Ngunit nabigla siya nang husto nang bumungad sa kaniya ang kabaong na puti ng kaibigan. Halos yakapin niya nang buo ang kabaong nito. Umatungal ng iyak si Larry.
Nabaril umano ng mga awtoridad si Sef habang nanghoholdap ng bangko sa bayan, kasama ng mga armado pang lalaki.
Natupad ang kaniyang pangarap. Ang mga tao ay isa-isang yumuyukod sa kaniyang harapan sa loob ng isang kahon na may salaming bubog.
“Walang hiya ka Sef, hindi mo naman sinabi sa akin na mapapaaga ang pagyuko namin sa iyo,” lumuluhang sambit ni Larry sa kaibigan habang pinagmamasdan ang mukha nito.
Sa kabilang banda, lihim namang nagpapasalamat si Larry dahil hindi siya nagpayakag kay Sef nang ayain siya nito sa raket na iyon. Hindi niya alam subalit kinutuban siya nang masama. Ayaw naman niyang pagbawalaan ang kaibigan dahil malaki na ito at alam na ang mga pinapasok at ginagawa sa buhay.
Si Larry ang isa sa mga nagbuhat ng kabaong ni Sef nang inihatid na nila ito sa huling hantungan.
Samantala, makalipas ang ilang taon, natupad na rin ni Larry ang kaniyang pangako kay Sef.
Tinitingala ng mga tao si Larry dahil nagsumikap siyang mag-aral ng vocational at nakapagtrabaho naman sa ibang bansa.
Tinitingala rin siya ng kaniyang mga anak na idolo siya.
Tinitingala rin siya ni Lucing bilang kabiyak ng dibdib at responsableng haligi ng tahanan, at padre de pamilya!