Inday TrendingInday Trending
Naaksidente ang Lalaking Ito na Naging Dahilan Upang Hindi na Siya Makalakad at Makasayaw; Hihinto na ba ang Mundo Niya sa Wheelchair?

Naaksidente ang Lalaking Ito na Naging Dahilan Upang Hindi na Siya Makalakad at Makasayaw; Hihinto na ba ang Mundo Niya sa Wheelchair?

“Saan ka naman galing, Nestor? Gabing-gabi na…” nag-aalalang tanong ni Aling Naty sa kaniyang anak na si Nestor na kauuwi lamang. “Tinatawagan kita, hindi ka naman sumasagot.”

“N-Nag-ensayo po ako para sa para-dancing sports competition, ‘Ma,” sagot naman ni Nestor. “Hindi po ako gumagamit ng cellphone dahil… alam n’yo naman po na abala ang kamay ko sa pagtulak sa gulong ng wheelchair ko.”

“Na naman? Ang tigas-tigas talaga ng ulo mo, Nestor! Ano ba ang mapapala mo sa pagsali diyan? Gusto mo ba talagang mapagtawanan? Gusto mo bang maulit ang aksidenteng nangyari sa iyo noon, dahil sa pagsayaw-sayaw na ‘yan? Kailan mo ba titigilan ang pagsayaw-sayaw na ‘yan na wala namang maidudulot na maganda sa iyo?!” wika ni Aling Naty. Napaupo na lamang ito sa sofa habang hawak ang kaniyang cellphone.

Hindi masisisi ni Nestor ang kaniyang ina kung bakit galit na galit ito sa kaniyang pagsasayaw.

Nasa elementarya pa lamang siya ay talagang hilig na niya ang pagsasayaw. Sa katunayan, kahit tutol ang kaniyang ina sa pagsali niya sa dance crew, sumige pa rin siya. Tuwing hapon, ginugugol niya ang panahon sa pag-eensayo at naranasan na rin niyang mapasama sa competing team sa iba’t ibang paaralan, kung saan nasusungkit naman nila ang karangalan.

Nagtuloy-tuloy ito hanggang hayskul. Hanggang sa mapasali rin siya sa pep squad ng paaralan. Pagdating sa kolehiyo, iyon din ang naging target niya.

Ngunit isang araw, bago ang isang kompetisyon, hindi sinasadyang maaksidente si Nestor. Matinding pinsala ang natamo ng kaniyang gulugod sa paa. Hindi na siya nakalakad pa matapos siyang operahan.

Dalawa lang daw ang kailangan nilang pamilian: maoperahan ang kaniyang paa ngunit hindi na siya makakalakad, o puputulin ito nang tuluyan.

Pinili nila ang mas mahal na proseso ngunit hindi naman kailangang putulin ang isa niyang paa. Kaya lang, hindi na nga siya nakalakad.

Nakaranas ng depresyon si Nestor lalo na’t naging buhay na niya ang pagsasayaw.

Unti-unti, sa tulong ng kaniyang ina, kapamilya, at mga kaibigan ay muling naibalik ang positibong pananaw sa buhay ni Nestor; hindi na kagaya ng dati, pero mas mainam na ngayon dahil kahit paano, napagtanto niya na buhay pa siya at kumpleto pa ang mga paa niya.

Hanggang sa sabihin ng kanilang coach sa dance crew na hindi pa huli ang lahat para sa kaniya.

“Sumali ka sa para-dancing competition, Nestor,” hikayat sa kaniya ng coach nila sa dance crew. “Kayang-kaya mo pang sumayaw, hindi naman mawawala ‘yan sa iyo kahit na hindi ka na makalakad.”

Unang beses na narinig ni Nestor ang tungkol sa para-dance sports. Sinaliksik niya ang mga ito at napagtanto niya na puwedeng-puwede pa rin naman siyang makasayaw.

“Ako nang bahala ang magsanay sa iyo, Nestor. May kakilala ako na puwedeng magturo sa atin ng iba’t ibang teknik,” sabi sa kaniya ng coach.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Nestor. Simula nga noon ay bumalik na siya sa pag-aaral at ang hapon ay inilaan niya sa kaniyang pag-eensayo.

At iyon nga ang ikinagagalit ngayon ni Aling Naty. Tutol na tutol na ito sa muli niyang pagsasayaw dahil sa nangyari sa kaniya.

Ngunit masinsinan niyang kinausap ang kaniyang ina.

“Ma… noon pong nakakalakad pa ako, naging buhay ko ang pagsasayaw. At noong naaksidente ako at hindi na ako nakalakad, halos mabaon sa pighati ang buhay ko. Bumagsak ako. At ngayong nabigyan ako ng pagkakataon, sana naman po ay hayaan ninyo akong ibalik ang buhay ko. Hayaan ninyo akong buhatin ko ulit ang sarili ko, Ma. Kasabay ng pag-ikot ko sa mga gulong ng wheelchair ko upang umandar ito, hayaan ninyo akong isama ko ang sarili ko at mga pangarap ko…”

Umiiyak na niyakap siya ni Aling Naty.

“Anak, mahal na mahal kita at ayaw kitang masaktan. Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin ang nangyari sa iyo? Pakiramdam ko, ako ang nabaldado. Pakiramdam ko, ako ang hindi makagalaw. Parang ako ang nawalan ng mga paa. Pero tama ka anak. Baka nga natatakot na lamang ako sa paghakbang gayong ikaw, handa ka nang umindak. Gawin mo ang gusto mo, anak. Narito lang ako para sa iyo…”

At sa mismong araw ng para-dancing sports competition, hindi mapatid-patid ang palakpak at paghiyaw ni Aling Naty para sa kaniyang anak na si Nestor. Bilib na bilib ang lahat sa kaniyang liksi, sa kaniyang imbay, sa kaniyang indak, kahit na nakasakay siya sa kaniyang wheelchair. Parang may sariling isip at puso ito na nakikisabay, nakikisaliw sa pagsayaw ng may-ari nito, nang may kontrol sa kaniya.

Gayon na lamang ang pagbubunyi ni Aling Naty nang tawaging kampeon ang kaniyang anak na si Nestor! Nanginginig ang kaniyang mga kamay nang kasama niyang tanggapin ang medalya at tropeo nito.

Simula noon ay unti-unti nang nakilala at sumikat si Nestor sa larangan ng para-dancing sports at naging inspirasyon ng mga kagaya niyang may kapansanan, na lalo pang magsumikap, sa kabila ng kanilang kalagayan!

Advertisement