Inday TrendingInday Trending
Isang Bata ang Kinupkop Niya sa Kaniyang Tahanan; Natuklasan Niya ang Kakaibang Kakayahan Nito

Isang Bata ang Kinupkop Niya sa Kaniyang Tahanan; Natuklasan Niya ang Kakaibang Kakayahan Nito

“Palimos po. Kahit pangkain lang po.”

Natigil sa iika-ikang paglalakad si Lola Josefina nang marinig ang mahinang pakiusap ng isang batang babae sa mga taong naglalakad. Nakasahod ang kamay nito sa mga dumadaan.

Minasdan niya ang bata. Nakayapak ito at marumi ang suot nito. Sa itsura pa lang alam niya nang isa itong batang kalye.

Napapitlag siya nang sigawan ng kung sino ang batang namamalimos.

“’Wag ka ngang lumapit sa akin! Tabi! Ang dungis-dungis mo!” bulalas ng isang babae saka inis na binilisan ang lakad.

Hindi matukoy ni Lola Josefina kung bakit mas lalo siyang naengganyong panoorin ang bata. Ilang minuto pa ay nagdesisyon na siyang lumapit dito, ngunit naunahan siya ng isang grupo ng mga kabataan.

“Ayan na siya si Lena mangkukulam! Magtago kayo at baka kayo ang kulamin niyan!” sigaw ng isa sa mga bata.

Nilapitan ng mga ito ang batang babae saka ito pinagbabato ng kung ano-ano.

“’Wag! Tama na! Hindi ako mangkukulam!” umiiyak na sigaw nito, na tila wala man lang nakakarinig.

Umalingawngaw ang malakas na tawanan ng mga bata. Walang umawat kahit isa sa dami ng nakakakita.

“Umalis ka dito at ‘wag na ‘wag ka nang babalik! Mangkukulam ka!” anang isa sa mga bata.

Nang itulak ito ng isa at napasadlak ito sa lupa ay hindi na siya nakapagtimpi. Kahit na hirap sa paglalakad, mabilis niyang nilapitan ang mga bata para sermunan.

“Hoy! Anong ginagawa niyo? Bakit niyo sinasaktan ang taong wala namang ginagawa sa inyo? Wala ba kayong mga tamang asal?” bulyaw niya.

“Totoo naman po ang sinasabi namin! Mangkukulam ang babaeng ‘yan!” alma pa ng mga ito, na hindi niya pinalampas.

“Mangkukulam? Sigurado ba kayo? Hindi tama ang ginagawa niyo lalo na’t wala naman kayong pruweba! Sa susunod na gawin niyo pa ulit ‘to, isusumbong ko kayo sa pulis!” pananakot niya.

Epektibo naman ang kaniyang sinabi dahil nanlaki ang mata ng mga ito at nagpulasan.

“Ayos ka lang ba?” tanong niya sa batang babae na agad tumango at nagpasalamat.

Aalis na sana ito nang magsalita siya.

“San ka pupunta? Halika’t kumain muna tayo sa bahay ko. Gamutin na rin natin ‘yung mga sugat sa braso at tuhod mo,” nakangiti niyang alok.

Walang pag-aatubili itong pumayag.

Gaya ng sinabi niya, pinapasok niya ito sa sariling bahay at pinaghain. Nalaman niya ring Lena ang pangalan nito.

“Salamat po. Sa totoo lang, kanina pa po ako nagugutom,” halos pabulong nitong pag-amin habang takam na sinusuyod ng tingin ang mga pagkaing nakahanda.

“’Wag kang mahiya at kumain ka lang nang kumain diyan. Magpakabusog ka,” aniya.

Tahimik niyang pinagmasdan si Lena na puno ng galos habang kumakain.

“Bakit ka nga pala nila tinatawag na mangkukulam?” tanong niya nang makakuha ng tiyempo.

Ilang minuto bago sumagot.

“Hindi ko rin po alam. Wala naman po akong ginawang masama sa kanila, ni hindi ko nga po sila kilala. Basta’t iyon na po ang nakasanayan nila mula noon,” anito.

Mataman niya itong tiningnan. Hindi man niya ito lubusang kilala, naniniwala siya sa mga sinasabi nito. Walang bakas ng pagsisinungaling sa mga mata nito.

“Naniniwala ako sa’yo. ‘Wag kang mag-alala,” aniya.

Lumawak ang ngiti nito.

“Ang bait niyo po! Sa lahat ng taong nakilala ko, kayo lang po ang tumulong sa akin at hindi man lang ako pinag-isipan ng masama. Ang swerte po siguro ng mga anak at apo niyo, Lola!” komento nito.

Natigilan siya sa narinig.

“Wala akong anak o apo, Lena. Nag-iisa na lang ako sa buhay. Ikaw ba?” tanong niya.

“Pareho po pala tayo. Wala na po akong mga magulang. Ang kinalakihan ko naman pong Lolo, matagal nang yumao kaya ako na lang din po mag-isa,” kwento naman nito.

Matapos nitong kumain at magamot ang mga sugat, nagpaalam na itong umalis ngunit natigilan ito nang magsalita siya.

“Gusto mo bang dumito ka na lang sa bahay ko? Maliit lang ito pero mas ligtas kaysa sa kalye at malamig na sementong tutulugan mo,” alanganing tanong niya.

Nanlaki ang mata nito bago siya niyakap nang mahigpit. Hindi ito makapaniwala sa marinig at umiiyak sa sobrang saya habang walang humpay na nagpasalamat.

“Walang anuman, Lena. Mas makakampante rin ako kung alam kong ligtas ka at nasa maayos na kalagayan,” pahayag niya.

Kasalukuyan niyang inaasikaso ang magiging silid ni Lena nang makaramdam siya ng matinding kirot sa dibdib.

Madalas ding sumasakit ang kaniyang dibdib dahil sa karamdaman. Ang suhestiyon ng mga doktor ay magpa-opera siya pero wala pa siyang sapat na pera para sa operasyon.

“Ayos lang po ba kayo? Ano pong nangyayari?” nag-aalalang tanong ni Lena nang makita ang kondisyon niya.

“May sakit ako sa puso. Nangyayari talaga ito paminsan-minsan. Iinumin ko lang ang gamot mo at magiging ayos na ang lahat,” habol ang hininga niyang sinabi.

Nang tingnan niya ang lagayan ng gamot ay napapikit na lang siya nang mariin. Ubos na pala, ilang araw na siyang lumalagpas.

“Magpapahinga na lang muna ako…” aniya bago nahiga. Pilit niyang iniignora ang sakit.

Hindi ito mapakali sa pag-aalala. Maya-maya pa ay lumapit ito at hinawakan ang kaniyang mga kamay.

“Magdasal po tayo,” saad nito saka pumikit.

Akala niya’y simpleng dasal lang ngunit nagulat siya nang magbigkas ito ng mga salitang hindi niya maintindihan. Ilang minuto lang ay unti-unting nawala ang sakit sa kaniyang dibdib.

“Ayos na po ba ang pakiramdam n’yo? Nawala na po ba ang kirot?” tanong nito.

Nanlaki ang kaniyang mga mata. At sa panggigilalas niya, maging ang pilay niya ay nawala. Isang himala ang nangyari.

“Anong nangyari, Lena? Paano nangyari ‘to?” bulalas niya.

Ngumiti ang bata at lumapit.

“Hindi ko po masabi, dahil baka pati kayo’y matakot pero may kakayahan po akong gumamot. Ito po ang dahilan kung bakit mangkukulam ang tawag nila sa akin, nahuli nila ako isang beses. Buong buhay ko pong itinago ang kakayahan ko dahil sa takot pero napagtanto ko pong may dahilan ang lahat ng bagay,” pagkukuwento nito.

Nangilid ang kaniyang mga luha. Niyakap niya nang mahigpit ang bata at buong pusong nagpasalamat.

Inakala niya na kailangan siya ng bata, ngunit siya pala ang nangangailangan dito. Sino ang mag-aakala na ang batang marungis pala ang mag-aalis ng kalbaryo na dala ng sakit niya?

Advertisement