“Hannah! Ang ganda naman ng damit mo! Bago ba ‘yan?” tanong ng kaibigan niyang si Coleen. Kitang- kita niya sa mukha nito ang inggit.
Bahagya pa siyang umikot para ipagmalaki ang suot.
“Oo. Pinabili ko ‘to kay Nanay sa mall. Unang kita ko pa lang, gustong-gusto ko na kaya pinagbigyan niya na rin ako,” sagot niya.
“Mabuti ka pa!” anito na may bakas ng panghihinayang.
“Pareho tayo, Coleen. Ganyan na ganyan din si mama. Swerte na ngang pinagbigyan niya ako sa hiling kong bagong cellphone. Luma na kasi yung dati kong ginagamit. Kung hindi ko lang ito kailangan sa eskwela, baka hindi niya ako pinagbigyan!” sabat naman ni Tessa.
Nanlaki ang mata niya sa narinig lalo na nang ipinakita nito ang cellphone na bagong bili lang.
“Wow! Ang ganda! Patingin,” ani Coleen, na pinagbigyan naman ni Tessa.
Maging si Hannah ay nakusyoso na rin. Nang makita niya ang cellphone nang malapitan, napagtanto niyang bagong modelo lang iyon. Hindi tuloy niya maiwasang mainggit.
Bata pa lang kasi si Hannah ay nakaugalian na niyang ikumpara ang sarili sa mga kaibigan. Kung anong meron sa mga ito, gusto niya ay meron rin siya.
“Ikaw, Hannah? Kailan mo papalitan ‘yung sa’yo? Medyo luma na rin kasi ‘yan,” puna ni Tessa, sabay sipat sa cellphone na hawak niya.
Dahil ayaw na ayaw niya ang nalalamangan ng ibang tao, nakangisi siyang sumagot.
“Malapit na! Sa totoo lang ang sabi ni Nanay, bibilhan niya ako ng bagong cellphone sa birthday ko. ‘Yung pinakabagong modelo ang ipabibili ko,” pagyayabang niya.
Nagkatinginan ang mga kaibigan niya. Bakas sa mukha ng mga ito ang magkahalong gulat at inggit.
Nakauwi na siya ngunit hindi nawala sa isip niya ang sinabi sa mga kaibigan. Ang totoo, pawang kasinungalingan ang mga iyon. Nasabi niya lang para magmukha siyang angat sa lahat.
“Hihingin ko na lang kay Nanay, bahala na,” sa loob-loob niya.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang magtawag ang kaniyang ina.
“Anak! Kakain na!” sigaw nito.
Agad siyang lumapit at umupo sa hapag. Habang kumakain ay naghanap siya ng tiyempo para sabihin sa ina ang nais.
“’Nay! Hindi po ba’t malapit na ang birthday ko? Sa susunod na linggo na po ‘yun…” panimula niya.
Sumulyap ito sa kaniya bago tumango.
“Oo nga pala, anak. Ano bang gusto mo? Gusto mo bang kumain tayo sa labas?” anito.
Umiling siya.
“Hindi po. Ang gusto ko pong regalo ay bagong cellphone,” hiling niya rito.
“Bakit? Sira na ba ang cellphone mo?” takang usisa nito.
“Hindi po. Pero nakita ko kasi si Tessa meron nang bagong cellphone kaya gusto ko rin po…” pag-amin niya.
Narinig niya ang malalim na buntong hininga ng ina. Alam na alam kasi nito ang ugali niya na mainggitin sa kapwa, pero wala naman itong magawa. Nasanay na rin kasi siya na lahat ng hilingin niya rito, ibinibigay.
Palibhasa ay nag-iisang anak at ulila na sa ama, likas na malambot ang puso nito pagdating sa kaniya.
“Sige na po, Nanay. Birthday ko naman…” udyok niya nang hindi ito magsalita.
Ngunit sa unang pagkakataon ay iba ang naging tugon nito.
“Hindi ba masyadong mahal, ‘yun, anak? Iba na lang muna ang hilingin mo. Mukhang hindi pa kaya ng ipon ko,” pahayag nito.
Napabusangot siya. Sa tono nito, mukhang desidido na itong tumanggi sa gusto niya.
“Hindi pwede, ‘Nay! Nasabi ko na sa mga kaibigan ko. Kapag binawi ko, e ‘di napahiya ako? Basta, kailangan ko ng bagong cellphone sa birthday ko!” inis niyang giit sabay tayo sa hapag.
“Anak naman…” tinangka siyang amuin ng ina pero hindi niya ito pinansin.
“Nakakainis! Kung nabubuhay lang siguro si Tatay, hindi ko na kailangan pang sabihin at ibibigay niya na agad!” dagdag patutsada pa niya sabay martsa patungo sa kaniyang kwarto.
Ng mga sumunod na araw ay inignora niya ang ina. Hangga’t hindi ito pumapayag, hindi niya ito papansinin.
Hindi nga siya nagkamali dahil isang gabi ay sinabi nitong pumapayag na ito sa gusto niya.
“Salamat po, Nanay!” tuwang-tuwang bulalas niya.
Kinaumagahan ay nagkayayaan silang magkakaibigan na subukan ang isang sikat at dinarayong restawran.
Nagsisimula na silang kumakain pero maya-maya lang isa sa mga empleyado ang sinigaw-sigawan ng isang galit na kustomer. Hindi lang sigaw, may kasama pang mura at masasakit na insulto.
“Sir, hindi ko naman po sinasadya. Papalitan ko na lang po ang pagkain niyo,” pakiusap ng empleyado.
Napatayo siya sa gulat nang buhusan ng kustomer ng tubig ang empleyado. Lalapitan sana niya ang empleyado, ngunit nang mabistahan niya ang mukha nito ay nanlamig siya. Bago pa siya makaimik ay nagsalita na si Coleen.
“Hannah! Hindi ba ang nanay mo ‘yun?” tanong ni Coleen.
Imbes na sumagot ay nilapitan niya ang kaniyang ina.
Gulat na gulat ito nang makita siya.
“A- anak? Bakit ka nandito?” anito, na animo ay nakakita ito ng multo.
Yayakagin niya na sana ito pauwi nang muling nagsalita ang kustomer.
“San ka pupunta? Hindi pa tayo tapos dito! Tingnan mo ang ginawa mo sa damit ko. Alam mo ba kung gaano kamahal ‘to? Hindi mo nga yata ‘to kayang bayaran!” walang tigil na litanya nito.
Tila nagliyab si Hannah sa galit. Hindi ba’t humingi na ng paumahin ang kaniyang ina? Hindi pa ba sapat iyon?
Sasagot sana siya pero pinigilan siya ng ina.
“Sorry po talaga, Sir,” nakayuko nitong sinabi bago siya hinila palayo roon.
Nang makalayo, bumuhos ang kinikimkim nitong luha. Tila piniga ang puso niya.
“’Nay, bakit mo hinayaan na itrato ka nang ganoon? Hindi mo naman sadya!” angal niya.
“Saka bakit ka nandito? Hindi naman dito ang trabaho mo,” usisa niya pa.
Umiling ito habang nagpupunas ng luha.
“Ayaw ko nang palakihin pa. Baka matanggal ako sa trabaho ‘pag pinatulan ko. Umekstra ako rito kasi nag-iipon ako. Gusto mo ng cellphone, hindi ba? Kailangan ko ng pera,” paliwanag nito.
Tila sinampal siya dahil sa sinabi ng ina. Napagtanto niya kung gaano kahirap dito ang magtrabaho para sa kapritso niya. Inisip niya tuloy kung ilang beses na bang ganito ang inabot ng kaniyang ina, mapagbigyan lang siya.
“’Nay, sorry po. Hindi ko man lang naisip ang kapakanan niyo, ang tanging mahalaga lang sakin ay makuha ang gusto ko,” sising-sisi na anas niya.
Niyakap niya ito. Nangilid ang kaniyang luha sa pagsisisi.
“Wala ‘yun, anak. Ang mahalaga sa akin ay maibigay ang lahat ng kailangan mo,” pahayag pa nito na mas lalo niyang ikinaluha.
Kung iisipin ay napakaraming sakripisyo ng kaniyang ina, hindi niya man nakikita ang lahat. Kaya naman nangako siya na imbes na pabigatin ang buhay nito, ay pagagaanin niya ang buhay ng kaniyang ina.