Ilang Beses Mang Mabasted ay Patuloy ang Lalaki sa Panliligaw; Makamit Niya Kaya ang Matamis na “Oo” ng Babaeng Iniibig?
“Maricel, bulaklak para sa’yo,” nakangiting salubong niya sa kararating lang na dalaga.
Sandali itong natigilan bago ngumiti at tinanggap ang inaabot niya.
“Salamat, Sir James,” tila nahihiyang wika nito.
“Ikaw naman, sabi ko sa’yo, James na lang ang itawag mo sa akin, eh,” aniya.
Nanlaki ang mata ng dalaga. “Naku, hindi po pwede. Baka mawalan ako ng trabaho,” naiiling na katwiran nito bago nagpaalam na aalis na.
Minasdan ni James ang papalayong bulto ng dalaga. Matagal na rin simula noong nagsimula siyang manligaw sa dalaga.
Ilang beses na siyang binasted nito ngunit nangako siya sa kaniyang sarili na hindi siya hihinto hangga’t hindi niya nakukuha ang matamis nitong “oo.”
Naniniwala siya na mababago niya rin ang isip nito. Bakit naman hindi? Anak lang naman siya ng may-ari ng pabrika na pinapasukan nito!
Siya ang magmamana ng negosyo ng kaniyang ama, kaya naman kaya niyang ipangako rito ang masaganang buhay, bagay na hindi nito kayang makuha kung simpleng lalaki lang ang makakatuluyan nito.
“Maswerte pa nga siya na siya ang napili ko,” sa loob-loob ng binata.
Kaya naman kung minsan ay hindi niya maiwasan na mabugnot. Gusto niya na ring makuha ang babae.
Kaya naman ganoon na lang ang labis na pagkairita niya nang muli na naman siyang bastedin ni Maricel noong sumunod na linggo.
“Ano namang dahilan mo ngayon?” pigil ang inis na usisa niya sa babae.
“Sir, may boyfriend na po kasi ako…” mahinang sabi nito.
Lalo lang kumalat ang inis sa sistema niya.
“Paano nangyari ‘yun? ‘Di ba wala ka namang boyfriend noong unang nanligaw ako sa’yo?” pagalit na tanong niya.
Napayuko ito.
“Kasasagot ko lang sa kaniya noong nakaraang linggo. Kaya po sana tumigil ka na sa panliligaw sa akin,” pakiusap nito.
Inis na tinitigan niya ang babae. Pakiramdam niya kasi ay nagdadahilan at nagpapakipot lang ito.
Matigas siyang umiling. “Hindi ako titigil sa panliligaw. Sinabi ko naman sa’yo, hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakukuha ang matamis mong oo, ‘di ba?” inis na pakli niya.
“Pero, Sir, may boyfriend na po ako. Ayokong–”
Hindi na niya narinig pa ang mga sunod na sinabi ni Maricel dahil tinalikuran niya na ito. Inis na inis siya sa babae, at ayaw niya na lang naman na pagsalitaan ito dahil baka lalong lumayo ang loob nito sa kaniya.
Ilang araw din siyang nagpalamig ng init ng ulo bago niya muling sinimulan ang araw-araw na panliligaw niya kay Maricel.
Kung noong una ay bulaklak lang ang parati nitong natatanggap mula sa kaniya, nitong huli ay may kasama nang pagkain at tsokolate.
Kaya naman abot-abot din ang pangangantiyaw sa kaniya sa opisina, bagay na gustong-gusto niya naman.
“Maricel, sagutin mo na kasi si Sir James!” Iyon ang madalas niyang marinig mula sa mga kasamahan nila sa trabaho.
Si Maricel naman ay walang kibo, ngunit tinatanggap naman nito ang lahat ng binibigay niya.
Ilang linggo pa ang lumipas nang makatanggap siya ng mensahe na nagdala sa kaniya ng isang malaking ngiti.
Mula kasi kay Maricel ang mensahe.
“Sir James, kita tayo sa parke na malapit sa opisina mamayang alas sais. May gusto kasi akong sabihin sa’yo,” anang mensahe.
Kay lakas ng tibok ng dibdib niya. Mukhang sa wakas ay makukuha niya na ang matamis na “oo” ni Maricel.
Maghapon siyang hindi mapakali. Nais niya na na ngang hilain ang oras. Nang sa wakas ay dumating ang uwian ay halos patakbo siyang nagtungo sa parke.
Madilim na, kaya naman iilan na lang ang tao roon. Nang tuluyang nang kumagat ang dilim ay naiwan siya roon nang nag-iisa.
Naghintay siya ngunit walang Maricel na dumating. Nang mapagtanto niya na hindi na darating ang dalaga ay dismayado siyang tumayo.
Naglalakad na siya paalis nang biglang dumating ang isang grupo ng kalalakihan na naglalakihan ang katawan.
Hindi niya na sana papansinin ang mga ito, ngunit humarang ang mga ito sa daan.
“Pare, ikaw ba si James?” usisa ng isa sa mga lalaki, na pakiramdam niya ay ang pinaka-pinuno ng grupo.
Takang inaninag niya ang mukha ng lalaki. Nakumpirma niya na hindi niya ito kilala.
“A-ako nga. S-sino kayo?” kabadong bulalas niya. Lima kasi ang nasa grupo at sigurado siyang hindi niya kakayanin lumaban sa mga ito.
Pinalibutan siya ng mga lalaki. Halos manlambot na ang tuhod niya sa kaba nang may kunin ang lalaki sa bulsa nito.
“Paano kung b*rilin ako? O kaya ay saks*kin?” sa isip-isip niya.
Mukhang mapapagtripan pa yata siya! Napapikit si James sa takot, lalo pa’t nasa madilim na bahagi sila ng parke.
Ilang sandali siyang naghintay, ngunit wala naman siyang naramdamang masakit. Narinig niyang muling tinawag ng lalaki ang pangalan niya kaya siya napadilat.
Hawak ng lalaki ang cellphone nito na nakaharap sa kaniya at naroon ang larawan ni Maricel!
“Kilala mo ba ang girlfriend ko?” tanong ng lalaki.
Napatango siya.
“Tigilan mo na ang girlfriend ko. Stressed na stressed na siya sa’yo dahil ayaw mo siyang tigilan,” inis na sabi ng lalaki.
Natigilan siya. Totoo pala ang sinabi ni Maricel na may nobyo na ito.
“Kapag hindi mo pa inayos, pasensyahan na lang tayo,” maangas na babala ng lalaki bago siya iniwan.
Naiwan siyang nangangatog ang tuhod. Hindi niya alam na may maangas na nobyo na pala si Maricel! Pakiramdam niya ay walang sinasanto ang lalaki.
Duda rin siya na alam ng babae ang ginawa nito.
Simula noon ay kusa na siyang lumayo sa babae. Pinuksa niya na ang kung anong damdamin na mayroon siya para rito. Sigurado naman siya na may darating din na babae para sa kaniya.
Aba, mahal niya si Maricel, pero mas mahal niya ang buhay niya!