Inday TrendingInday Trending
Agad Siyang Nadismaya nang Hindi Ituloy ng Anak ang Pag-iinhinyero; Maiahon pa kaya Siya Nito sa Hirap?

Agad Siyang Nadismaya nang Hindi Ituloy ng Anak ang Pag-iinhinyero; Maiahon pa kaya Siya Nito sa Hirap?

Ilang buwan na ang nakakaraan simula nang makapagtapos sa kolehiyo ang panganay na anak ni Aling Pepay sa kursong pag-iinhinyero. Hindi niya alam kung paano ilalabas ang sayang nararamdaman niya nang makapagtapos ito at siya’y makaakyat sa entablado upang sabitan ito ng medalya.

Sabi niya pa nga sa anak niyang iyon bago niya ito sabitan, “Salamat sa Diyos, may makakapag-ahon na sa akin sa kahirapan. Salamat sa pagsusumikap mo, anak,” saka niya ito niyakap.

“Salamat din po sa pagbabanat ng buto, mama, para makapagtapos po ako,” sagot nito saka rin siya niyakap sa harap ng ibang estudyanteng naghihiyawan sa tuwa.

Kaya lang, ilang buwan na ang nakakalipas, ni minsan, hindi niya pa nakikitang nag-aaral ang kaniyang anak para sa bar exam nito. Palagi pa itong umaalis sa kanilang bahay na labis niya nang pinagtataka.

Kaya naman, isang araw, nang magkaroon siya ng pagkakataong tanungin ito kung saan ito nagpupupunta at kung anong ginagawa nito, hindi na siya nagdalawang-isip na usisain ito.

“Anak, napansin kong palagi kang umaalis ng bahay nang hindi ko alam. Saan ka ba nagpupunta? Anong ginagawa mo? Nag-aaral ba kayo ng mga kaklase mo para makakuha na kayo ng bar exam at maging isang rehistradong inhinyero?” malumanay niyang tanong dito habang sabay silang nag-aalmusal.

“Hindi po, mama,” tipid nitong sagot habang nakatungo.

“O, saan ka nagpupunta? Hindi ba dapat magrebisa ka na ng mga leksyon niyo para makapasa ka sa bar exam?” pang-uusisa niya pa rito.

“Nagtatrabaho na po ako, mama,” sagot nito na labis niyang ikinabigla.

“Ano? Nagtatrabaho ka? May kumpanya nang kumuha sa isang inhinyerong wala pang lisensya na katulad mo?” masaya niyang tanong.

“Hindi po, mama, make-up artist po ako ng mga…” agad niyang nabitawan ang hawak niyang kutsara nang marinig ito dahilan para mapatigil ito sa pagsasalita.

“Make-up artist? Para saan pang pinag-aral kita ng halos anim na taon tapos iyan lang ang kukuhanin mong propesyon? Hindi ba’t ikaw ang mag-aahon sa akin sa hirap? Paano mo ako iaahon sa hirap kung iyan lang ang trabaho mo?” galit niyang sermon dito.

“Mama, kaya ko pa rin namang baguhin ang buhay natin kahit…” hindi na rin niya ito pinatapos magsalita at agad nang tumayo sa hapag-kainan.

“Tigil-tigilan mo ‘yan! Mag-umpisa ka nang mag-aral ngayon para sa bar exam mo! Kung hindi mo ako susundin, huwag mo na akong kilalaning ina!” sigaw niya rito saka agad na nagkulong sa kaniyang silid sa sobrang pagkadismaya sa anak.

Gabi na nang lumabas siya sa kaniyang silid, sumalubong sa kaniya sa kanilang kusina ang mga pagkain hinanda ng anak niya at dahil nga inis siya rito, hindi niya kinain ang mga ito. Kinuha niya lang ang isang sobreng nakaipit sa kaniyang plato sa pagbabakasaling pera ang laman nito.

“Mukhang gusto akong suhulan ng anak ko, ha?” sabi niya saka binuksan ang sobreng iyon.

Ngunit, isang liham mula rito ang nakita niya sa loob ng sobre at nang basahin niya ito, agad na nadurog ang puso niya. Roon niya nalamang wala pala sa kagustuhan nito ang pagkuha ng kursong pag-iinhinyero. Kinuha lang nito ang kursong iyon dahil iyon ang gusto niya. Sabi pa nito, “Noon pa man po, gustong-gusto ko nang maging isang make-up artist, mama. Kaya ngayong nabigyan ako ng pagkakataon na matupad ang pangarap ko, tinanggap ko agad ang oportunidad. Pasensya na po kayo, hindi ko na po kayang ipagpatuloy ang pag-iinhinyero,” na nagpabuhos ng luha niya dahil sa pangongonsenyang nararamdaman.

Sa dulong bahagi ng liham, sabi ng kaniyang anak, “Pero huwag po kayong mag-alala dahil maiaahon ko pa rin po kayo sa kahirapan. Make-up artist po ako ng mga sikat na artista at ngayong may malaki nang ipon. Sa susunod na buwan po, mga artista sa ibang bansa na ang aayusan ko dahil sa galing ko. Hindi ko po sasayangin ang pagkakataon kong iyon na makatapak sa ibang bansa, maghahanap pa po ako ng trabaho roon para sa inyo!” dahilan para lalo siyang mapahagulgol.

Nakita niya pa ang mga litrato nito kasama ang mga sikat na artistang nasa loob din ng sobre kasama ang passbook nitong naglalaman na ng halos isang milyong piso.

Dahil doon, dali-dali niyang pinuntahan sa silid ang kaniyang anak at ito’y mahigpit na niyakap habang silang dalawa ay nag-iiyakan.

“Patawarin mo ako, anak. Pangako, simula ngayon, hahayaan na kitang magdesisyon para sa buhay mo! Sige lang, tuparin mo lang ang pangarap mo, nandito lang ako para suportahan ka!” hikbi niya na labis din nitong ikinaiyak dahil sa tuwa.

Ginawa niya ang pangakong ito sa anak. Hinayaan niya itong maging make-up artist at makatungtong sa ibang bansa. Hindi niya lubos akalaing paglipas lang ng isang taon, nabigyan na siya agad nito ng bahay at lupa na pangarap niya dahilan para ganoon na lang siya magpasalamat dito at lalo pa itong suportahan sa lahat ng pangarap nito.

Advertisement