Malapit nang Ikasal ang Pilyong Binatang Ito; Matuloy Kaya Ito Kahit May Matandang Humadlang?
Laging sangkot sa mga kaguluhan ang binatang si Lloyd. Sa eskwelahan man o sa kalsada nangyari ang kahit anong pag-aaway, agad nang inaasahan ng kaniyang mga magulang na kasali siya sa mga kabataang iyon. Hindi nga nabibigo ang mga ito dahil halos araw-araw may nagrereklamo sa mga ito tungkol sa kaniyang pag-uugali.
Sa katunayan, may pinagtripan pa siyang propesor noong unang taon niya sa kolehiyo. Kinalas niya nang patago ang sintas ng ginoong iyon dahilan para ito’y madapa at tumama ang ulo sa isa sa mga silyang inuupuan ng mga estudyante. Imbes na tulungan niya ito, pinagtawanan niya pa ito habang kinukuhanan ito ng bidyo.
Ito ang dahilan para ganoon na lang matuwa ang mga ito nang sa wakas, may isang dalagang nagtangkang mahalin siya at handa pa siyang pakasalan kahit na ganito ang ugali niya. Para sa mga ito, tila nawalan sila ng tinik sa lalamunan dahil may pipigil na sa lahat ng kaniyang kalokohan.
Gusto man niya kasing magpatikas sa harap ng dalaga lalo na sa tuwing pinapagalitan siya nito o pinagsasabihan, hindi niya mawari kung bakit tumitiklop ang tapang na mayroon siya kapag nagsimula na itong sumimangot. Sa lahat kasi ng niligawan at naging nobya niya, bukod sa ang dalagang ito lang ang nagtagal, dito niya lang din naramdaman na masarap palang magmahal. Ito ang dahilan para palagi niya itong sundin at siya’y magbago kahit paunti-unti.
“Maraming salamat talaga sa’yo, Dianne, ha? Kung hindi siguro dahil sa’yo, matagal nang nakakulong itong anak namin. Saka baka, maaga akong makapunta sa langit dahil sa konsumisyon d’yan sa batang ‘yan!” sambit ng kaniyang ina habang pinag-uusapan nila ang mga mangyayari at iba pang detalye sa nalalapit nilang kasal.
“Anong sa langit? Baka sa impyerno!” pilosopong sabi niya sa ina.
“Lloyd!” saway sa kaniya ng kaniyang nobya, “Hayaan niyo po, ako pong bahala sa kaniya. Makakasiguro po kayong babaguhin ko siya,” pangako nito sa kaniyang mga magulang.
“Pasalamat ka, mahal kita kaya nasunod ako sa’yo,” bulong niya rito na ikinailing nito saka siya bumalik sa pagkain.
Pagkatapos nilang kumain, agad na ring nagpahatid sa sariling bahay ang kaniyang nobya. Habang nasa daan, hinawakan nito ang kamay niya at sinabing, “Lloyd, huwag mo akong papahirapan, ha? Pumayag akong ikasal sa’yo dahil mahal kita at naniniwala akong magbabago ka nang tuluyan. Sana tigilan mo na ang pagiging pilyo mo dahil baka iyan ang maging dahilan ng paghihiwalay natin,” na agad naman niyang sinang-ayunan.
Ilang oras pa ang lumilas, tuluyan na nga silang nakarating sa bahay ng dalaga. Pagbubuksan niya lang sana ito ng pintuan ng kotse nang biglang may humila sa kamay niya at saka siya biglang sinapok.
“Lolo! Ano pong problema? Bakit kayo nananapok bigla! Iyan po si Lloyd, ang mapapangasawa ko!” sigaw ng kaniyang nobya at nang makilala niya ang matandang sumapok sa kaniya agad siyang napakamot ng kaniyang ulo.
“Hindi mo naman sinabi sa aking itong pilyong estudyante ko ang Lloyd na tinutukoy mo! Muntikan na akong hindi magising dahil sa pagkalas ng salbaheng ‘yan sa sintas ng sapatos ko! Huwag mong papakasalan ‘yan, siguradong magkakaloko-loko ang buhay mo riyan, hija!” bulyaw ng dati niyang propesor na ginawan niya ng kalokohan saka pilit na pinapasok sa bahay ang kaniyang kasintahan, “Maaaring napagtripan mo ako noon, pero hindi ko hahayaang paglaruan mo ang puso ng kaisa-isa kong apo!” sigaw pa nito saka siya pinagsarhan ng gate.
Labis na pagsisisi ang agad niyang naramdaman noon lalo pa nang makatanggap siya ng mensahe mula sa dalaga na pati mga magulang nito, ayaw na rin siyang ipakasal dito dahil sa kwento ng lolo nito.
“Nagbago na po ako at patuloy na magbabago para sa unica hija niyo! Maawa na po kayo sa akin!” sigaw niya habang pilit na sumisilip sa gate ng bahay ng mga ito.
“Maawa ka rin sa apo ko!” sigaw din ng matanda at nang marinig na niyang tila nagkasa ito ng pelet na baril, siya’y agad nang umuwi.
Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak sa bisig ng kaniyang mga magulang. Pinipilit niya ang mga ito na pakiusapan ang pamilya ng dalaga para matuloy ang kanilang kasal. Ngunit ni isa sa mga ito, walang may gustong maglakas loob na makiusap sa mga iyon.
Habang napapalapit ang araw ng kanilang kasal, lalong lumalabo na matuloy ito dahil ni isang mensahe, wala na siyang natatanggap mula sa dalaga. Ngunit kahit pa ganoon, nang dumating ang araw ng kanilang kasal, wala man siyang kasiguraduhang may hihintayin siyang bride, naghintay pa rin sa simbahan at nagdasal habang tumatakbo ang oras.
Ilang minuto bago siya tuluyang sumuko, bigla na lang nagbukas ang pintuan ng simbahan at katulad ng inaasahan niya, nakita niya roon ang dalagang pinakamamahal niya dahilan para ganoon na lang siya mapahagulgol at mapaluhod dahil sa labis na pagpapasalamat.
“Pasalamat ka, mahal ka talaga ng apo ko!” sigaw ng dati niyang propesor saka ito hinayaang maglakad sa altar patungo sa kaniya.
Doon na siya tuluyang nagbago. Simula nang ikasal siya sa dalagang iyon, ni katiting na kalokohan, wala na siyang ginawa o inisip man lang na labis na ikinahanga ng kaniyang mga magulang at ng buong pamilya ng dalaga.