Simpleng Kasal Lang ang Pangarap Nilang Magkasintahan; Mas Maganda Pala ang Plano ng Panginoon para sa Kanila
Nagising dahil sa gutom ang binatang si Mario. Doon niya na lang naalalang hindi niya pala nagawang kumain kagabi dahil sa pagod niya sa pagtatrabaho. Kaya naman, upang maibsan na ang gutom na nararamdaman, dali-dali siyang nagtungo sa kanilang kusina at doon niya naabutan ang dalagang kinakasama niya.
“O, mahal, ang bango niyang niluluto mo, ha? Kasya pa ba sa ating dalawa ‘yan?” bati niya rito saka niya tiningnan ang hotdog na iniinit nito sa kalan.
“Oo naman! Marami tayong natirang kanin kagabi kaya sinangag ko na lang. Kaya lang, isa na lang ang hotdog na natira. Ito sana ‘yong ulam mo kagabi, eh. Ayos lang bang maghati na lang ulit tayo rito kaysa bumili pa tayo?” sambit nito na ikinatawa niya.
“Aba, syempre naman! Walang problema sa akin! Ang mahalaga lang naman ay maibsan ang gutom nating dalawa,” sambit niya kaya agad na ring puwesto ang dalaga sa maliit nilang hapag-kainan bitbit ang kanilang pagsasaluhang pagkain.
“Hanggang kailan kaya tayo maghahati sa iisang hotdog, ano? Pansin mo, halos araw-araw ito na ang ulam natin tapos madalas ding naghahati lang tayo sa isang pirasong hotdog,” wika nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga.
“May awa ang Diyos, mahal, makakaahon din tayo. Magsusumikap ako para sa’yo tapos papakasalan kita!” puno ng pag-asa niyang sabi saka sinubuan ng pagkain ang dalaga.
“Dapat lang! Kahit simpleng kasal lang, ayos na sa akin! Ang mahalaga, legal na tayo sa mata ng Diyos!” sagot nito na labis niyang ikinakilig.
“Ayan ang gusto ko sa’yo, eh! Sobrang praktikal mo sa buhay!” pambobola niya pa rito na naging ugat nang walang sawa nilang pagbibiruan at pagtatawanan.
Pagkatapos ng pagsasalo nilang iyon, agad na rin siyang nag-ayos ng sarili at nagtungo sa pansitang pinagtatrababuhan niya. Habang siya’y naggagayat ng mga sibuyas doon, walang ibang tumatakbo sa isip niya kung hindi ang pangarap nilang kasal ng kaniyang asawa dahilan para hindi niya mapigilang hindi mapangiti.
“Paano kaya kami makakaipon para sa simpleng kasal namin? Simple na nga lang ‘yon parang imposible pang mangyari dahil sa hirap ng buhay namin,” bulong niya sa sarili saka muling naghiwa ng sibuyas.
“Ano bang nangyayari sa’yo, Mario? Kanina lang, nakangiti kang naggagayat d’yan tapos ngayon naman, parang napagsakluban ka ng langit at lupa! Pinagtatawanan ka tuloy ng kustomer na nakakakita sa’yo!” patawa-tawang sabi ng kaniyang amo saka tinuro ang ginang na tanaw siya sa maliit na bintana.
“Sabi sa’yo, madam, takpan na natin ‘yang bintanang ‘yan, eh! Bukod sa nakikita nila paano tayo magluto, nakikita pa nila ang itsura ko!” inis niyang sabi na lalong ikinatawa ng kaniyang amo. Sasagot palang sana ito nang biglang dumungaw sa bintanang iyon ang ginang.
“Hijo, may bumabagabag pa sa puso mo? May maitutulong ba ako? Matutuwa ako kung magsasabi ka ng totoo dahil gustong-gusto ko tulungan ang isang binatang katulad mo na masipag at mukhang mabait,” sabi nito, tumanggi man siyang magsabi ng totoo, siya’y labis nitong pinilit at pinalabas pa siya sa kusinang iyon.
Dahil doon, nasabi niya rito nang wala sa oras ang bumabagabag sa kaniya. Sabi niya pa, “Naiisip ko nga po kung ito lang po ang pinagkakakitaan ko, malabong maikasal kami kahit sa simpleng selebrasyon lang,” pagtatapat niya pa rito at siya’y labis na nagulat nang abutan siya nito ng isang tsekeng naglalaman ng bentemil.
“Huwag mo itong gamiting pangkasal niyo, gamitin mo ‘to para magtayo ng negosyo at kapag nakaipon kayo, roon kayo magpakasal. Huwag kang maatat na ikasal, hijo, may tamang panahon para sa lahat ng bagay,” pangaral nito sa kaniya saka tinapik ang kaniyang likuran at agad na ring limisan bago pa siya makapagpasalamat nang maayos.
Hindi man siya sigurado kung anong negosyo ang dapat niyang pasukin, siya’y tinulungan ng kaniyang kinakasama at nagsimula silang mag-angat ng iba’t ibang klaseng damit mula sa Divisoria na kanilang nilalako kung saan-saan.
Hanggang sa isang araw, sila na ang pinagkukuhanan ng iba pang tindera sa palengke ng mga damit na nagresulta nang pag-alwan ng kanilang buhay hindi kalaunan.
Nang matantiya nilang may sapat na silang perang pangpatayo ng bahay, agad na nila itong sinimulan habang patuloy sila sa pagbebenta ng mga damit at iba pang gamit sa bahay.
Sa awa ng Diyos, halos dalawang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga silang naikasal ng kaniyang kinakasama. Kung ang pangarap nila’y simpleng kasal lamang, engrandeng kasal ang pinagkaloob sa kanila ng Maykapal na labis nilang ikinatuwa.
“Mabuti na lang talaga nakinig ako sa ginang na iyon. Buti naghintay ako sa tamang panahon at nagsumikap katuwang ang dalagang pinakamamahal ko. Ang dating imposible sa pananaw ko, posible na ngayon!” iyak niya habang hinihintay niya sa altar ang kaniyang mapapangasawa.