Inday TrendingInday Trending
Ipinahiya ng Dalawang Babae ang Matandang Pulubi sa Restawran; Labis na Kahihiyan ang Aabutin Nila

Ipinahiya ng Dalawang Babae ang Matandang Pulubi sa Restawran; Labis na Kahihiyan ang Aabutin Nila

“Kumakalam na ang sikmura ko!” malakas na sigaw ni Ivy sa kaibigang si Rona.

“Ako rin, eh, nagugutom na. Tara, kain na tayo!” sagot ng kausap.

“Sa sobrang stress ko kay boss, heto’t gusto ko nang kumain.”

“Sige. Maghanap na tayo ng makakainan!”

Kakatapos lang ng presentasyon nila sa pinakamalaking kliyente ng kanilang kumpanya. Nginangarag kasi sila ng boss nila na kailangan nilang makumbinsi ang kliyente sa proposal nila para makuha ang malaking proyekto na makapagbibigay ng mas malaking kita sa kanilang kumpanya. Habang naghihintay ng resulta ay naisipan nilang kumain muna sa malapit na restawran. Oras na kasi ng tanghalian kaya maraming kumakain kaya nahirapan silang makakuha ng mauupuan.

“Ano ba ‘yan, ang daming tao, baka hindi tayo makahanap ng mapupuwestuhan,” inis na sabi ni Ivy.

“Relax ka lang. Naghahanap na ako!” tugon ni Rona habang lumilinga-linga sa paligid.

Maya maya ay napansin ng dalawa ang isang mesa na nasa dulong bahagi ng restwran. May nakaupo roon na isang matandang babae na hindi naman kumakain. Marungis ang itsura nito na inakala nilang isang pulubi. Nilapitan nila ang matanda.

“Manang, hindi naman kayo kumakain diyan, baka maaari kaming makaupo?” pabalang na tanong ni Rona.

“Oo nga, nakatambay lang naman kayo dito, eh. Kami pong dalawa ay nagugutom na kaya kung puwede, kami naman ang uupo!” hirit ni Ivy.

Tumingin naman sa kanila ang matanda.

“Ay, pasensya na mga ineng, nagpapahinga lang ako sandali. Medyo nahilo lang ako kanina. Maaari kayong umupo rito sa tabi ko,” sagot ng matandang babae.

Nagpanting ang tainga ni Ivy sa narinig.

“Ano? Nakikita mo namang dalawa kami, ‘di ba? Talagang kami pa ang mag-a-adjust sa iyo, manang?” gigil na sabi ng babae sa malakas na tono.

Napatingin na sa kanila ang ibang kustomer na kumakain sa loob ng restwran.

“Mahiya ka naman, manang. Mga kustomer kami na nagugutom na, eh ikaw, nakatambay ka lang dito at hindi ka naman kumakain! Tumayo ka na lang kasi para matapos na itong diskusyon natin!” sabad ni Rona.

“Baka naman gusto mong hilahin ka pa namin palabas?” pagbabanta ni Rona.

Dahan-dahang tumayo ang matanda ngunit tila nahihirapan ito kaya umariba na naman ang bunganga ng dalawang babae.

“O, mukhang ang bigat naman ng pw*t mo, tanda at hindi ka pa makatayo. Ano ‘yan, paawa epek?” anas ni Rona.

“Bilisan mo na! Ang dungis mo at ang baho pa ng amoy mo, eh. Nakakadiri! Bakit pa kasi nagpapapasok sila rito ng mga pulubi? Nakakahiya sa mga kustomer na kumakain!” saad ni Ivy.

Nang makatayo na ang matanda ay inabot nito ang tungkod na nasa gilid ng mesa. Napagtanto nilang pilay pala ang matandang babae pinapaalis nila. Kaya pala nahihirapan itong makatayo sa pagkakaupo. Nang biglang may dumating na service crew at tinulungan ang matanda.

“Naku, lola pasensya na kayo kung naghintay kayo riyan. Sumama po kayo sa akin sa loob para makakain na rin kayo at makapagpahinga,” magalang na wika ng lalaking crew at tuluyan nitong naipasok sa staff room ang matandang babae.

‘Di nagtagal at lumabas ulit ang service crew at inasikaso na ang dalawang nagrereklamong babae.

“Bakit kayo nagpapapasok ng pulubi rito? Paano kung pagnakawan kayo niyan o ang mga kustomer niyo?” tanong ni Ivy.

“Pasensya na po, ma’am. Kilala po namin ang matanda. Pulubi po siya na palaging nakatambay sa labas ng aming restawran. Wala kasi siyang pamilya at nag-iisa na sa buhay. Nang malaman ng may-ari nitong restawran ang kalagayan niya ay sinabi sa amin na papasukin siya rito at pakainin. Tutulungan din siya ng aming amo na madala sa institusyon na makakatulong sa kagaya niya,” tugon ng service crew.

Napaismid na lang ang dalawa sa kwento ng babaeng staff. Wala silang nagawa kundi ang umupo at umorder na ng makakain dahil ilang minuto na lang ang natitira sa kanila. Pinahiran pa ng alkohol ni Rona ang inupuan ng matanda para masiguradong wala itong naiwang mikrobyo.

Pagbalik nila sa ospina ay galit na galit ang kanilang boss dahil hindi nila nakuha ang malaking kliyente. Mas iginagulat nila kung bakit hindi pumirma ng kontrata ang kliyente sa kanilang kumpanya. Wala silang kaalam-alam na ang babaeng kliyente ay doon din pala kumain sa kinainan nilang restawran. Kitang-kita nito ang ginawa nilang pamamahiya, pambabastos at pagtataboy sa matandang babae sa restawran. Ang sabi ng kliyente sa kanilang boss, kung ang mga empleyado sa kanilang kumpanya ay kasing sama ng ugali nila, paano pa ito magtitiwala sa kanilang proposal.

Sobrang nadismaya ang kliyente kaya tinanggihan nito ang proposal nila at nawala sa kanila ang milyon-milyong halaga na hindi lang mapapakinabangan ng kumpanya, makikinabang din sana ang mga empleyado kung nagkataon.

“Nakakahiya kayong dalawa! Dahil sa ginawa ninyo, malaki ang nawala sa atin at dinungisan pa ninyo ang reputasyon ng ating kumpanya. Mula sa araw na ito ay magligpit na kayo ng mga gamit ninyo at maghanap na kayo ng bagong trabaho, dahil sesante na kayong dalawa!” galit na sabi ng kanilang boss.

Abot langit na kahihiyan ang inabot nina Ivy at Rona. Napahiya na nga sila sa mga kapwa nila empleyado, nasibak pa sila sa trabaho dahil sa magaspang nilang pag-uugali. Magsisi man sila ay huli na, karma na ang naningil sa kanila.

Advertisement