Binalak na Iwan ng Babae ang Asawa’t mga Anak Para Sumama sa Ibang Lalaki; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Desisyon Niya
Pitong taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Maricel at Eddie. Pinagkalooban sila ng dalawang anak. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng malalang problema ang relasyon nilang mag-asawa.
Mabait, maasikaso, pasensyoso at isang masipag na mister si Eddie. Ang pagnenegosyo ang pinagkakaabalahan ng lalaki samantalang si Maricel ay supervisor sa isang pribadong kumpanya.
“Babe, ipinagluto kita ng masarap, kainin mo ito mamayang lunch ha? Para hindi ka na bumili,” malambing na sabi ni Eddie habang iniabot nito ang lunch box sa asawa.
“Thank you, babe! Nag-abala ka pa.”
“Espesyal ang pagkakaluto niyan, punumpuno ng pagmamahal,” tugon pa ni Eddie.
Wala talagang masasabi o maipipintas si Maricel sa kaniyang mister dahil mapagmahal ito at maalaga rin sa kaniya at sa kanilang mga anak ngunit hindi maiiwasan ang tukso na lumapit sa kaniya.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay mapapalapit din siya sa isang mabait din na lalaki, ito ay walang iba kundi si Kevin. Dati niya itong kaklase noong nasa kolehiyo pa siya. Ang lalaki ang kaniyang’ first love’ ngunit nang lumipat ito nang gumradweyt sila ay hindi na niya ulit ito nakita. Pagkaraan ng ilang taon ay muli itong nagbabalik sa buhay niya. Ang lalaki ang bago nilang kliyente sa kumpanyang pinapasukan niya.
“Naks, hindi pa rin nagbabago ang itsura mo, Kevin, guwapo ka pa rin!” puri niya sa lalaki.
“Hindi ka rin nagbago, maganda ka pa rin, Maricel,” sagot ng lalaki.
Sa tinuran ni Kevin ay pinamulahan ng pisngi ang babae. Hindi nagpahalata at muling nagtanong.
“Siguro ay may asawa ka na rin, ‘no?” aniya.
“Ako? Wala pa. Wala pa akong asawa,” sagot ng lalaki.
“Weh? Sa guwapo mong iyan, kahit girlfriend ay wala?” tanong niya.
“Wala nga. Hindi ko pa nahahanap ang babaeng para sa akin, pero sana mahanap ko na ngayon,” makahulugang sagot ng lalaki.
Biglang nakaramdam ng kasiyahan si Maricel nang malamang binata pa rin ang lalaking una niyang minahal. Nabuhay ang espesyal niyang pagtingin sa dating kaklase.
Ang hindi niya alam ay mas maligaya ang puso ni Kevin dahil nagkita silang muli. Lingid sa kaalaman ni Maricel ay matagal na rin palang may lihim na pagtingin sa kaniya ang lalaki.
Dahil madalas na nagpupunta si Kevin sa opisina nina Maricel ay lalong naging mas malapit ang dalawa at napapadalas na ang kanilang pagkikita hanggang sa aminin na nila ang totoong nararamdaman sa isa’t isa.
“Totoo, may pagtingin ka rin sa akin?!” ‘di makapaniwalang tanong ni Maricel.
“Oo, Maricel. Crush din kita noong nasa kolehiyo tayo. Nahihiya lang ako kasi may pagkasuplada ka noon, eh,” pag-amin ng lalaki.
“Ako, suplada? Hindi, ah! Ikaw nga itong suplado, eh.”
“Hindi ako suplado ‘no!” sagot ni Kevin sabay kurot sa tagiliran ng babae.
Mas lumalim pa ang pagtitinginan nina hanggang sa nagkaroon sila ng lihim na relasyon. Humantong iyon sa desisyon ni Maricel na iwan ang kaniyang asawa at mga anak at sumama kay Kevin sa Canada. Unang umalis ang lalaki at napagkasunduan nilang susunod siya rito. Doon na kasi nakatira ang lalaki. Bumalik lang ito sa Pilipinas para asikasuhin ang negosyo nito. Isang balak na ilang beses na pinag-isipan ni Maricel. Nang dumating ang itinakdang araw ay hindi siya mapakali.
“Umuwi ka nang maaga mamaya, babe. Magdi-dinner tayo sa labas ha?” malambing na sabi sa kaniya ni Eddie.
Hindi agad siya nakasagot sa asawa. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
“Mama, uwi ka mamaya para sabay tayo nina papa kumain,” naglalambing ring wika ng anak panganay niyang anak na babae.
“Excited na ako mamaya sa dinner natin, mama,” sabad naman ng babae niyang bunso.
“O-oo naman mga anak. Maaga akong uuwi mamaya,” sagot niya.
Habang nakasakay sa taxi papuntang airport kung saan naka-iskedyul na ang kaniyang pag-alis ay nakaramdam siya ng pagdadalawang-isip.
“Diyos ko, tama po ba itong ginagawa ko?” bulong niya sa sarili.
Alas-diyes ng umaga nang makarating siya sa airport. Hawak-hawak niya ang kaniyang passport nang bigla niya itong nabitawan at nalaglag sa lapag. Mayamaya ay pinulot ng isang lalaking may mahabang buhok ang nalaglag niyang passport.
“Naku, salamat kuya, mabuti’t nakita mo. Mahalaga pa naman ito sa akin,” wika niya.
Bigla siyang hinawakan ng lalaki sa kaniyang balikat.
“Mas mahalaga ang iyong pamilya kaysa diyan, anak. Ang bagay na iyan ay napapalitan, ang pamilya kapag nawala ay hindi mo na maibabalik pa,” makahulugang sabi ng lalaki.
Hindi nakakilos sa kinatatayuan niya si Maricel. Biglang nanindig ang kaniyang mga balahibo. Hahabulin niya sana ang lalaki ngunit nawala ito na parang bula. Hindi niya rin masyado nakita ang buong mukha nito. Basta, mayroon itong mahabang buhok at may maamong boses.
“Diyos ko! Patawarin niyo po ako. Hindi ko dapat ipagpalit ang aking pamilya,” sambit ni Maricel na hindi na napigilang maiyak. Hindi siya maaaring magkamali, sigurado siya na ang Panginoon ang pumigil sa masama niyang balak.
Dahil sa kakaibang pangyayaring iyon ay nagdesisyon siya na huwag nang sumunod kay Kevin sa Canada at manatili sa piling ng kaniyang mag-aama.
Nang tawagan siya ng lalaki, sinabi niyang mas pinipili niya ang kaniyang pamilya kaysa rito. Tinanggap naman nito ang desisyon niya. Alam din naman ni Kevin na kapag hindi siya sumunod, ibig sabihin ay hindi siya ang pinili ni Maricel.
Mula noon ay pinutol na ni Maricel ang komunikasyon kay Kevin at gayundin ang lalaki. Masaya at kuntento na siya kasama ang mabait niyang mister at kanilang mga anak. Napagtanto niya na mas mahalaga at mas mahal niya ang kaniyang pamilya kaya hindi niya pinagsisihan ang naging desisyon. Habang buhay din niyang ipagpapasalamat sa Diyos na iminulat siya sa tama at ‘di tuluyang nagpadarang sa tukso.