Inday TrendingInday Trending
Tinanggihan ng Dalaga ang Waiter Niyang Manliligaw; Pagsisisihan Niya Pala na Pinakawalan Niya Ito

Tinanggihan ng Dalaga ang Waiter Niyang Manliligaw; Pagsisisihan Niya Pala na Pinakawalan Niya Ito

“Ang tagal nang nanliligaw sa iyo ni Willy. Wala ka bang balak na sagutin siya?” tanong ni Lou sa pinsang si Ressa.

“Lou naman, kailan ba ako nagkagusto sa lalaking ‘yon? Siya lang naman itong humahabol-habol sa akin!”

“Kung wala ka palang planong sagutin ‘yung tao, eh, ‘di tapatin mo na agad. Huwag ka nang magpaliguy-ligoy, ‘di ‘yung ginagawa mong tanga,” wika pa ng pinsan.

“Huwag kang mag-alala, insan. Darating tayo d’yan. Nag-e-enjoy pa ako sa kaniya, eh. Kapag nagsawa akong paglaruan ang g*gong ‘yon ay saka ko babastedin.”

Ilang buwan na ring nanliligaw ang binata kay Ressa. Araw-araw siya nitong dinadalaw sa kanilang bahay at hinahandugan pa ng mga bulaklak at tsokolate. Kunwari namang gustung-gusto niya ang ginagawang panliligaw sa kaniya nito, pero sa kaloob-looban ay diring-diri siya rito. Hindi naman kasi kaguwapuhan ang binata at isa lamang hamak na waiter sa maliit na karinderya. Pinaglalaruan lang niya ang damdamin ng pobreng si Willy.

“Nagustuhan mo ba ang mga ibinigay kong mga regalo? Pasensya ka na, ‘yan lang ang nakayanan ko, eh,” sabi ng binata.

“Ayos lang naman ‘to sa akin, Willy,” matabang na tugon ng dalaga.

“Ressa, alam mo naman na matagal na akong nanliligaw sa iyo, ‘di ba? Kailan mo ba ako sasagutin? Napatunayan ko na naman na tapat ang hangarin at pag-ibig ko sa iyo,” wika ni Willy.

“A, eh, W-Willy, hayaan mong pag-isipan ko muna ang tungkol d’yan ha,” tugon ni Ressa.

Nalungkot ang binata sa itinugon sa kaniya ng nililigawan.

“Nauunawaan ko. Handa akong maghintay kung kailan ang takdang panahon na ibibigay mo sa akin ang iyong matamis na ‘oo’ dahil ganyan kita kamahal, Ressa.”

Umismid lang ang dalaga.

“S-sige na, Willy, gabi na, eh. Inaantok na ako, umuwi ka na.”

Nagpaalam na ang binata at sa pag-alis nito ay ‘di pa rin maalis ang simangot sa pagmumukha ni Ressa.

“Maghintay ka hanggang gusto mo! Wala kang mapapala sa akin. Ayokong mapunta lang sa isang waiter na gaya mo, pinaglalaruan lang kita. Bukas na bukas ay babastedin na kitang hay*p ka para tigilan mo na ang pangungulit mo sa akin!” wika niya sa isip.

Umaga pa lang ay tinawagan na ni Ressa ang binata.

“Hello, Willy. Punta ka rito sa bahay mamayang gabi at may sagot na ako sa iyo,” sabi ng dalaga.

“Talaga? Sige, pupuntahan kita mamaya. Hintayin mo ako, ha?”

Tuwang-tuwa ang binata sa tawag niyang iyon. Nabuhayan ito ng loob sa pag-aakalang sasagutin na ng nililigawan.

Buong araw na masigla si Willy nang araw na iyon. Napansin tuloy siya ng mga kasama niya sa karinderya.

“Uy Willy boy, mukhang maganda ang araw mo ngayon, pare!” sambit ng isa niyang kasamang waiter din.

“Masaya lang ako, pare kasi sasagutin na ako ng babaeng pinakamamahal ko,” tugon ng binata.

“Kaya pala kakaiba ang sipag mo ngayon. Kanina ka pa nagtatrabaho riyan. Magpahinga ka naman,” hirit naman ng kahera.

“Imbitado kami sa kasal mo, ha? Para makahigop naman kami ng mainit na sabaw,” biro ng isa sa kapwa niya waiter.

“Lahat kayo imbitado kapag ikinasal kami ni Ressa ko, promise ‘yan!” aniya.

Kahit maghapong pagod sa pagtatrabaho sa karinderya ay naghanda pa rin si Willy sa pagpunta sa bahay ni Ressa. Nagbihis siya nang maayos at nagdala ng mga bulaklak at tsokolate. Ilang oras lang ay naroon na siya at kaharap na ang babaeng pinaka-iibig. Sabik na siya sa isasagot ng dalaga.

“Matagal kong hinintay ang araw na ito, Ressa. Sa wakas ay dumating din,” wika ni Willy sa masayang tono.

Maayos namang humarap si Ressa sa binata. Seryoso ang mukha.

“A-A, eh, W-Willy, pinapunta kita rito para sabihin na sa iyo ang sagot ko. Pasensya ka na, pero h-hindi ko matatanggap ang pag-ibig mo.”

“A-Ano?! P-pero, b-bakit?!”

“Napag-isip-isip kong hindi ikaw ang lalaking makapagbibigay sa akin ng magandang buhay. Isa ka lamang hamak na waiter at hindi ka rin nakapagtapos ng pag-aaral. Ano’ng buhay ang maibibigay mo sa akin?”

“Ang akala ko’y…”

“Pasensya na, Willy, pero hindi ikaw ang lalaking pinangarap ko. Kung talagang mahal mo ako, mauunawaan mo ang desisyon ko.”

Napabuntung-hininga na lamang ang binata. Bakas na bakas sa mukha nito ang sobrang kalungkutan.

“N-naiintindihan ko ang desisyon mo, Ressa. S-sige, magpapaalam na ako sa iyo. Heto nga pala ‘yung mga bulaklak at tsokolateng regalo ko para sa iyo,” malungkot na sambit ng binata.

Matamlay at lulugu-lugong umalis si Willy na puno ng kabiguan.

Lihim namang nagdiwang si Ressa dahil sa wakas ay hindi na siya guguluhin pa ng lalaking kaytagal ding nangulit sa kaniya.

“Salamat at hindi na niya ako kukulitin,” bulong ng dalaga sa isip.

Limang buwan ang mabilis na lumipas at isang nakakagulat na balita ang nakarating kay Ressa.

“Hoy, Ressa, nabalitaan mo na ba?” bungad ng pinsan niyang si Lou.

“Ano naman ‘yon, insan?”

“Si Willy, ‘yung manliligaw mong waiter na binasted mo!”

“Puwede ba, wala na akong pakialam sa lalaking ‘yon!” inis niyang sabi.

“Milyonaryo na siya ngayon, insan. Nabalitaan kong ubod pala ng yaman ang lolo ni Willy na pumanaw kamakailan. Dahil siya ang kaisa-isang apo at kamag-anak ay sa kaniya ipinamana ang mga ari-arian nito. Nagmamay-ari ng malaking lupain sa Bicol ang lolo niya. Ngayon ay siya na ang may-ari niyon. Buhay prinsipe na siya ngayon, insan. Instant milyonaryo ang dati mong manliligaw!” bunyag ng babae.

“A-ano?! T-totoo ba ‘yan, insan?!”

“Oo, insan. Bakit mo pa siya pinakawalan? Bukod sa mabait at masipag si Willy ay milynaryo pala. Ang suwerte mo sana, insan!”

Biglang nanlumo si Ressa sa natuklasan niya. Ang inakala niyang simpleng binata at isa lamang mahirap na waiter ay isa palang tagapagmana. Laking panghihinayang niya dahil pinakawalan pa niya ang mabait at responsableng lalaki na gaya ni Willy na handa sana siyang pakasalan, ngunit pinaglaruan lang niya ang puso nito. Ngayon ay nagsisisi siya kung bakit pa niya pinalagpas ang pagkakataon na sagutin ang binata. Magsisi man siya ay huli na dahil bali-balita rin na may bago nang nobya ang dati niyang manliligaw na papakasalan na nito. Mas maganda sa kaniya at ‘di hamak na may busilak na puso na wala siya.

Advertisement