Inday TrendingInday Trending
Masamang Damo ang Taguri Niya sa Masungit na Matandang Amo; Isang Sobre ang Ibinigay Nito na Magpapabago ng Kaniyang Buhay

Masamang Damo ang Taguri Niya sa Masungit na Matandang Amo; Isang Sobre ang Ibinigay Nito na Magpapabago ng Kaniyang Buhay

Humahagulhol ng iyak si Annika sa loob ng banyo habang pinipigilan ang paghikbi at baka marinig siya ng matandang amo, baka mas lalo lamang itong magwala dahil sa pagkainis sa kaniya.

“Ang sabi ko naman sa’yo ay kaya ko ang sarili ko! Bakit ba kasi ang kulit-kulit mo?! Umuwi ka na sa inyo at iwanan ako, puny*ta kang babae ka! Wala na akong maipapasahod sa’yo!” inis na sigaw ng matandang si Fely, ang kaniyang matandang amo.

Napatalon pa siya sa gulat nang marinig ang malakas na paghampas nito sa pintuan ng banyo. Hindi na sumagot si Annika, mas pinili niyang humagulhol na lamang at hayaan itong magalit at manggigil. Pinagpapalo kasi siya nito ng bakal na hanger at pinapalayas, sa labis na sakit ay mas pinili na lamang niyang umiyak kaysa patulan ang matanda.

Nag-iisa na lamang sa buhay ang matandang babae, ang mga anak nito’y nagtatrabaho sa ibang bansa at nagpapadala lamang ng pera pambiling pagkain nila ng matanda, gamot, at sahod niya.

Dalawang taon lamang ang kontrata niya rito, ngunit mag-aanim na taon na siyang naninilbihan sa may sakit na matanda, hanggang ngayon ay naroon pa rin siya at inaalagaan ito. Habang patagal nang patagal ay papangit nang papangit naman ang ugali nito at sinasaktan siya, pero kahit ganoon ay hindi niya pa rin maiwan-iwan ang ginang.

Sobra kasi siyang naaawa sa matandang babae na tuluyan nang iniwan ng mga anak at hindi man lang madalaw ng mga ito dahil mas abala sa pagpapaganda ng mga sari-sariling buhay. Naiisip niya kasi kung iiwan niya ito, ano na ang mangyayari sa matanda? Marami nga itong pera, pero ano ang magagawa ng pera kung walang isang kagaya niya ang mag-aalaga rito? Hindi niya kayang isipin ang pwedeng mangyari sa ginang. Kaya titiisin na lamang niya ang ugali nito, kaysa iwanan itong mag-isa.

“Annika!” tawag nito sa kaniya.

Iniwan niya ang kaniyang nilalabhan at tiningnan ito. Ano na naman kaya ang sadya ng amo? Tapos niya na itong paliguan, tapos na rin naman itong kumain. Ano pa ang kulang?

“Bakit po?”

“Ito,” anito. Inabot sa kaniya ang isang sobre. “Huwag mo munang buksan iyan. Buksan mo iyan kapag sumakabilang buhay na ako.”

“Masamang damo ka kaya… matagal ka pa…” biro ni Annika sa ginang.

Malakas itong tumawa at pinalo ang kaniyang balikat.

“Kahit gaano pa kasama ang isang damo, darating ang araw na malalanta ito at mawawala sa mundo,” anito. “Tapusin mo na ang lahat ng dapat mong tapusin at matutulog na ako.”

Nagtataka man sa pasaring ng matandang amo’y hindi na lamang niya pinansin. Marami pa siyang labahin na kailangang tapusin. Himalang maganda ang timpla nito ngayon.

“Madam Fely, bangon na at maliligo ka na at kakain,” ani Annika sa ginang, isang umagang kay ganda ng sinag ng araw.

Nasanay siyang kapag ginigising ito’y pagpasok niya sa silid ay bubuksan na muna niya ang bintana nito, itatapon ang laman ng arinola nito at magwawalis sa silid at sa pagbalik niya ay nakaupo na ito at nagtataray sa kaniya. Ngunit may kakaiba sa umagang ito. May sakit ba ang matanda? Bakit hindi pa ito bumabangon?

“Madam?” pukaw niya ulit sa matanda. “Madam?!” nahihintakutang tawag ni Annika dahil hindi na tuluyang nagising ang amo.

Pinunasan ni Annika ang luhang kanina pa panay ang agos sa kaniyang mga mata. Kalilibing lamang ni Ma’am Fely, pitong araw rin itong nilamayan at lahat ng anak nito’y nagsi-uwian, kung kailan wala na ang matanda ay saka lamang nagsi-uwian ang mga ito.

“Sana masaya ka na kung nasaan ka man ngayon, ma’am,” umiiyak niyang bulong sa hangin.

“Annika, dapat ay nandoon ka sa pagbasa ko mamaya sa huling testamento ni Ma’am Fely,” ani Attorney John.

Nagtataka man ay tumango si Annika, baka kailangan lang nila ng witness. Nagpaalam na ang abogado at sabay-sabay na silang umuwi ng mga anak ni Ma’am Fely sa malaki ngunit malungkot nilang bahay.

Labis ang pagkabigla ni Annika sa malaking kayamanang iniwan ni Ma’am Fely sa kaniya. Hindi naman iyon tinutulan ng mga anak nito, bagkus ay natuwa pa nga ang mga ito sa namana niyang kayamanan mula sa ina ng mga ito. Hindi niya alam kung ano ang dapat na maramdaman nang basahin ni Attorney John ang sobreng ibinigay noon ni Ma’am Fely sa kaniya, isang mahalagang liham pala ang nilalaman no’n. Naramdaman na ba ng matanda na nalalapit na ang kaniyang pamamahinga kaya gumawa na ito ng huling testamento at nag-iwan sa kaniya ng liham na saka lang bubuksan kapag namayapa na ito?

“Siguro naman ngayong may sapat na kayamanan ka na galing sa’kin ay hindi mo na kailangang kumayod ng kagaya sa ginagawa mo ngayon, Annika. Pero sobrang laki ng pasasalamat ko sa’yo dahil hindi mo ako iniwan kahit na alam kong mas kailangan ka ng pamilya mo. Mahal kita, Annika, na parang isang anak. Nasasaktan ako kapag nakikita kong namimiss mo ang pamilya mo, ngunit kinailangan mo akong piliin kaysa sa kanila. Ngayong wala na ako’y sulitin mo ang oras na kasama mo sila. Kahit siguro kaluluwa na ako’y dadalaw-dalawin pa rin kita at pagtatarayan, mamimiss kita hija, mag-iingat ka, Annika, mahal ka ni Fely na isang masamang damo.”

Mas lalong bumaha ang luha ni Annika sa liham na binasa ni Attorney John, talagang isinulat iyon ng masungit niyang amo. Kaya pala siya sinasaktan nito upang umalis na siya at iwanan ito. Ngayon niya labis na naintindihan ang matanda. Kagaya nito’y napamahal na rin sa kaniya si Ma’am Fely, kaya hindi niya kayang iwanan ito.

“Salamat, Ma’am Fely,” humahagulhol niyang sambit.

Pinapangako niya sa sariling iingatan at mas palalaguin ang perang iniwan ng matandang amo. Kahit kaluluwa na ito’y nais niyang makita nitong gumanda ang buhay niya dahil sa tulong nito.

Advertisement