Binitawan na Siya ng Lahat Pati mga Magulang Niya, Ngunit Hindi ng Kaniyang Guro; Hindi naman Nasayang ang Tulong at Tiwala Nito sa Kaniya
Nakangiting tinitigan ni Neri ang chocolate cake na nilalagyan ng dekorasyon sa ibabaw. Nang matapos ay binitbit niya ito at sumakay ng dyip patungo sa address kung saan nakatira ang dating guro na si Ma’am Kath, ang gurong kahit saan man siya magpunta o dalhin ng buhay ay hinding-hindi niya makalilimutan dahil sa kabutihang ginawa nito sa kaniya noon.
Kaarawan kasi ni Ma’am Kath, at halos lahat ng mga kaklase niya’y pupunta. Ilang taon na rin ang lumipas mula noong huli niyang nakita ang butihing guro. Kaya nasasabik siya sa muli nilang pagkikita.
“Neri! Salamat naman at nakapunta ka,” ani Ma’am Kath nang pagbuksan siya nito ng gate.
“Ma’am!” sabik niyang wika at niyakap ang butihing guro. “Namiss kita, ma’am. Buti nga’t ngayong kaarawan mo’y nandito ako sa ‘Pinas, at wala ako sa Amerika,” nakangiti niyang wika.
Isa si Ma’am Kath sa gurong pinasasalamatan ni Neri nang malaki. Kung hindi dahil rito’y baka hindi siya pumasa noon sa klase at nakapagtapos dahil sa pagkakaroon niya ng anak sa batang edad. Baka hindi siya naging propesyonal at hindi gumanda ang buhay nilang mag-ina. Malaki ang naging tulong ni Ma’am Kath sa buhay niya.
“Kumusta na ang anak mo, Neri? Malamang dalaga na iyon ngayon,” anito.
Marahan siyang tumawa at nagkamot sa ulo saka tumango. “Dalagang-dalaga na nga ma’am. Dadalhin ko nga sana rito, kaso ang sabi niya’y hindi raw ako mag-eenjoy kapag kasama siya, kaya pinili niyang magpaiwan sa bahay.”
Tumawa ang butihing guro. “Kung titingnan siguro’y para na lamang kayong magkapatid.”
Naalala ni Neri noong huling taon niya sa kolehiyo. Gusto na sana niyang tumigil na lang sa pag-aaral at tumutok na lamang sa pagiging batang ina dahil nakakahiya sa lahat ang nangyari sa kaniya. Nabuntis at nanganak nang walang asawa, sa galit din ng kaniyang mga magulang sa nangyari sa kaniya’y inutusan siya ng mga itong tumigil na lang sa pag-aaral at magpokus sa obligasyong kaniyang pinasukan.
Ngunit hindi pumayag sa Ma’am Kath na basta na lamang niyang bitawan ang pag-aaral. Sayang daw ang panahon at ilang pagtitiis na lang naman ay matatapos na siya sa pag-aaral. Pinayuhan siya nito at sinabihan na ipagpatuloy pa rin ang pag-aaral at huwag magpahila sa paghuhusga ng iba. Pati ang kaniyang mga magulang ay kinausap ni Ma’am Kath at sa awa naman ng Diyos ay hindi na tumutol ang mga ito, ngunit sa kondisyong hindi nila babantayan ang anak niya. Kahit mahirap ay sumugal si Neri, kasalanan niya kung bakit naging ganoon ang mama at papa niya sa kaniya.
Ayon sa mga ‘to, pinili niyang pasukin ang maagang obligasyon, kaya dapat lang na panindigan niya iyon.
Habang nag-aaral siya noon ay bitbit niya ang anak na si Nimfa, pinatahian pa ito noon ni Ma’am Kath ng uniporme, para kunwari’y isa rin ito sa mga estudyante nito sa eskwelahan. Kapag may klase at panay na ang iyak ni Nimfa noon ay si Ma’am Kath na muna ang bahalang magpatulog sa anak niya. Kapag may mga kailangang gawin ay si Ma’am Kath ang sumasalo sa bata, upang makapagpokus si Neri sa pag-aaral. Hindi siya pinabayaan ni Ma’am Kath sa loob ng eskwelahan, bukod pa rito’y mababait din ang kaniyang mga kaklase na napamahal na sa kaniyang anak.
“Ma’am, regalo ko po sa inyo,” ani Neri sabay bigay ng kahon na may lamang kwintas na ang pedant ay nakaukit ang kumpletong pangalan ng guro. “Bilang pasasalamat ko po iyan sa kabutihan niyo.”
Maluha-luhang tinitigan ni Ma’am Kath si Neri. “Bilang isang guro ay ginawa ko lang naman ang kailangan kong gawin, Neri. Tinulungan kita at tinulungan mo rin ang sarili mo. Alam kong malayo ang mararating mo sa buhay, at dahil sa pagpupursige mo, tingnan mo kung nasaan ka na ngayon. Masayang-masaya akong nakikita kang nagtatagumpay sa buhay, Neri, ipinakita mo lang sa’kin ngayon na hindi nasayang ang pagtulong at pakikipaglaban ko para sa’yo noon para hindi ka lang huminto sa pag-aaral,” mangiyak-ngiyak na wika ni Ma’am Kath.
“Kaya nga po ma’am e. ‘Yong mga magulang ko, sinukuan na nila ako noon dahil sa pagkakamaling nagawa ko. Pero ikaw ma’am, hindi mo ako sinukuan. Naniwala ka pa rin sa’kin kahit halos isuka na ako ng lahat,” umiiyak na wika ni Neri.
Kinabig siya ni Ma’am Kath at niyakap. “Hindi kailanman nagtatapos ang buhay ng isang tao sa isang pagkakamali, Neri. Marami kang magagawang tama sa buhay at marami ka ring magagawang pagkakamali. Pero hindi ibig sabihin no’n ay tapos na ang buhay mo. Magpatuloy ka lang, at iyon nga ang nakitang ginawa mo kaya masaya ako para sa’yo,” ani Ma’am Kath.
Hindi na sumagot pa si Neri, tahimik lamang niyang ninamnam ang yakap ng guro. Masaya siya at labis na nagpapasalamat dahil may isang Ma’am Kath na dumating sa buhay niya. Si Ma’am Kath na kahit hindi niya kaano-ano’y nagbigay ng malaking tiwala sa kaniya.
Tama ito, hindi por que nagkamali ka sa buhay ay tapos na ang buhay mo. Habang nabubuhay ka ay patuloy lamang ang takbo ng iyong kapalaran.