Ayaw ng mga Pinsan ng Lalaki sa Napangasawa Niya Dahil Pangit Ito at Mahina ang Ulo; Tameme Sila sa Dahilan Niya
“Ready ka na ba, sweetheart?” tanong ni Joshua sa asawang si Leika.
“Yes, sweetheart. Tara na!” sagot ng misis sabay yakap sa mister.
Sabay silang pumunta sa reunion ng pamilya ni Joshua. Pagdating nila sa lugar na pagdarausan ng okasyon ay napansin nilang naroong lahat ang mga miyembro ng pamilya at iba pang kamag-anak. Nang makita sila ng mga ito ay agad silang pinagbulungan.
“Narito na pala si Joshua at kasama ang chaka niyang asawa?” natatawang wika ng pinsan ni Joshua na si Ejay.
“Kahit kailan ay hindi ko pa rin matanggap na ang babaeng iyon ang nakatuluyan ng pinsan natin!” wika naman ng isa pang pinsan na si Armand.
“’Di ko akalaing magugustuhan siya ni Joshua,” sabad naman ng pinsang si Moly.
Napansin na agad ni Joshua ang mapanghusgang tingin ng tatlo niyang pinsan ngunit hindi siya nagpaapekto at tuluy-tuloy lang sila ni Leika na pumasok sa sala ng bahay ng pinsang si Ejay. Nang makaharap na nila ang mga nanunuri pa ring mga pinsan ay masaya nila itong binati.
“Hi, good evening! Sorry, na-late ba kami?” nakangiting tanong ni Joshua.
“Pasensya na kayo. Medyo na-traffic kasi kami, eh,” sabi naman ni Leika.
Nagkatinginan lang ang tatlong lalaking pinsan ni Joshua at pilit na ngumiti sa mga bagong dating.
“No problem! Marami pa rin namang hindi dumarating. Mabuti at nakapunta kayo,” bati ni Ejay.
“Kumusta na kayo? Ngayon ulit tayo nagkita-kita a,” sambit ni Moly.
“Hindi ka pa rin nagbabago, pinsan. Mas guwapo ka pa rin kaysa sa aming tatlo,” wika naman ni Armand.
Ang tatlo ang pinakamalapit na pinsan ni Joshua, kaya gulat na gulat ang mga ito nang mabalitaang si Leika ang napangasawa ng lalaki. Muling nag-usisa ang tatlong pinsan.
“Hindi pa rin kami makapaniwala na kayo ni Leika ang nagkatuluyan,” wika ni Armand.
Ngumiti si Joshua at hinawakan nang mahigpit ang kamay ng asawa.
“Hindi ba obvious? Mahal namin ang isa’t isa,” tugon ni Joshua.
Hindi makapaniwala ang tatlo sa sinabi niya. Hinagod pa nila ng tingin ang asawa niya mula ulo hanggang paa ngunit talagang hindi nila matanggap na ito ang naging misis niya.
“Sa dinami-rami ng magagandang babaeng nagpaparamdam sa iyo noon dito ka lang kay Leika bumagsak,” prangkang sabi ni Moly.
“Anong gayuma ang ginamit mo sa pinsan namin at ikaw ang napili niya?” pang-aasar pa ni Ejay.
Kahit alam na napahiya ay sinagot pa rin ni Leika ang mga pinsan ng asawa.
“Ako ang pinili ni Joshua dahil mahal niya ako. Mahal namin ang isa’t isa,” tugon ni Leika.
Muling nagsulyapan ang tatlong lalaki na halatang hindi kuntento sa sinabi ng babae.
Maya maya ay lumapit sa kanila ang mga tiyahin nila at niyayang makipagkuwentuhan si Leika. Nagpaunlak naman ito sa mga tiyahin ng asawa at naiwan si Joshua kasama ang tatlong pinsan.
“Ngayong tayo-tayo na lang ang narito, gusto kong pag-usapan natin ang ating married life. Ako, masaya ako at nakapangasawa ako ng isang maganda at matalinong doktora. Biniyayaan din kami ng tatlong anak na guwapo’t maganda rin at matatalino, manang-mana sa misis ko,” pagyayabang ni Ejay.
“Wow, ako naman ay ikinasal na rin sa isang super sa gandang modelo. Sikat na sikat siya ngayon sa Amerika. Wala pa kaming anak dahil hindi pa raw siya handang masira ang figure niya,” sagot ni Armand.
“Masaya naman ako dahil sa girlfriend kong Italyana. Napakaganda niya at matangkad pa. Long distance relationship ang mayroon kami, pero okay lang dahil alam kong mas p*t*y na p*t*y siya sa akin,” hayag ni Moly.
“O, ikaw, Joshua, magkuwento ka naman kung bakit mo nagustuhan si Leika,” sabi ni Armand.
“Sa dinami-rami ng mga magagandang babaeng nagkakandarapa sa iyo noon, hindi namin akalain na babagsak ka lang pala sa tulad niya na pangit na nga, mahina pa ang ulo,” gatol ni Ejay.
Ngumiti muna si Joshua bago nagsalita.
“Alam niyo ba na napakasuwerte ko dahil si Leika ang napangasawa ko? Muntik nang masira ang buhay ko noon dahil maling babae ang pinili ko. Hindi ko pa na-aapreciate si Leika noon na malapit kong kaklase nung nasa kolehiyo pa kami dahil mas gusto ko ay babaeng maganda at matalino, ngunit ang babaeng minahal ko noon na may ganoong mga katangian ay niloko lang ako. Ipinagpalit ako sa ibang lalaki. Halos madurog ang puso ko na dumating sa punto na muntik ko nang sirain ang buhay ko, pero si Leika ang tumulong sa akin upang makabangon. Siya ang naging inspirasyon ko upang patuloy na mabuhay, siya ang nagpalakas ng loob ko kaya nga nakapagtapos ako ng pag-aaral at ngayon ay isa nang ganap na inhinyero. Nang maging mas malapit kami sa isa’t isa ay mas nakilala ko pa siya nang lubusan at napagtanto ko na napakabuti niyang tao at disenteng babae. Oo, hindi siya biniyayaan ng ganda at talino pero malinis at busilak ang kanyang puso, at dahil doon ay natutunan ko na rin siyang mahalin. Wala akong pinagsisisihan na siya ang aking pinakasalan at naging kabiyak dahil para sa akin ay siya ang tunay na prinsesa ng aking buhay,” hayag ni Joshua.
Natameme ang tatlo niyang pinsan na kanina lang ay niyayabangan siya. Maya maya ay bumalik na ang kaniyang misis at niyaya na niya itong umuwi.
“Sweetheart, uwi na tayo. Maaga pa ang pasok ko bukas sa opisina,” ungot ni Joshua sa asawa.
“Okay sige, sweetheart. Salamat sa pag-imbita sa amin ha,” tugon ng babae.
Magkahawak-kamay na umalis nina Joshua at Leika sa lugar na iyon na may malapad na ngiti sa kanilang mga labi. Hindi kailanman sila mapaghihiwalay ng mga mapanghusgang tao dahil mas nangibabaw ang pag-ibig nila sa isa’t isa.
Naiwang nakatulala ang tatlong lalaki. Napagtanto nila na napakasuwerte nga ng kanilang pinsan sa naging asawa, dahil sa pinagdaanan nito ay nakahanap ito ng mabuting babae na sumagip dito at nagparanas ng tunay na pagmamahal.