Naging Mapagmataas ang Mag-iina ng Lalaking OFW; Laking Panlulumo ng mga Ito Nang Mawalan Siya ng Trabaho
“Ang ganda naman ng bago mong selpon!” manghang sabi ni Topee sa kapatid na si Lianne.
“Siyempre, bigay ni papa ‘yan sa akin!”
“Buti ka pa, binigyan ni papa ng bagong selpon. Ako kaya, kailan papadalhan ng bagong laptop?”
“Maayos pa naman ang laptop mo, ‘di ba? Bakit mo kailangan ng bago?”
“Basta gusto ko ng bago para may pang-inggit ako sa mga kaklase ko,” nakangising sagot ng kapatid.
Dali-daling ipinamalita ng dalawa sa kanilang mga kaklase at kaibigan ang pagkakaroon ni Topee ng bagong selpon. Malaking pera din kasi ang ipinadala ng kanilang ama na nagtatrabaho sa Qatar.
Kung ipinagyayabang ng magkapatid ang regalong ibinigay ng ama, ipinagmamalaki naman ng kanilang inang si Marisol ang mamahaling mga appliances na binili nito.
“Alam niyo ba ang dami naming mga appliances sa bahay, wala na ngang paglagyan sa sobrang dami, eh. At puro imported pa na galing Qatar!” pagyayabang ng babae sa mga kapitbahay.
“Napakasuwerte mo naman dahil mayroon kang mister na nasa ibang bansa. Sunod na sunod ang luho niyong mag-iina,” sabi ng isa sa mga kapitbahay niya.
“Talagang napakasuwerte namin sa asawa kong si Cardo. Maganda ang trabaho niya sa Qatar kaya malaki rin siya kung kumita at magpadala rito,” sagot niya.
Bago matulog ay tinawagan ni Marisol ang asawa at hiniritan ito.
“Honey, kumusta ka na riyan? Natanggap na namin ‘yung mga ipinadala mo sa aming mga pasalubong pati na rin yung pera na panggastos namin ngayong buwan. Masayang-masaya naman si Lianne dahil may bago na siyang selpon. Naiinggit naman si Topee, sabi niya ay kung kailan mo raw siya papadalhan ng bagong laptop? Luma na raw kasi yung laptop niya.”
“Hayaan mo, sa susunod na linggo ay padadalhan ko si Topee ng bagong laptop. Sabihin mo sa mga anak mo na mag-aral nang mabuti dahil hindi madaling kumita ng pera rito sa ibang bansa!” paalala ng mister.
“Alam mo, sa tingin ko’y hindi na nila kailangan pang mag-aral. Maaari mo naman silang ipetisyon para d’yan na rin sila makapagtrabaho, ’di ba? Para mas malaking pera ang pumasok sa atin,” hayag ni Marisol.
“’Di bale at pag-iisipan ko ‘yan, mahal, pero mas mahalaga pa rin ang pag-aaral nila,” tugon ni Cardo.
Isang araw ay nagkaroon sila ng ‘di inaasahang bisita. Dumalaw sa kanila ang pinsan ni Marisol na si Elmer. Ang lalaki ang nag-iisa niyang pinsan na ulila na sa mga magulang. Sinabi nito na makikituloy muna sa kanila habang naghahanap ng trabaho. Lumuwas sa Maynila ang lalaki para makahanap ng mas maayos na pagkakakitaan.
“Pasensya ka na, pinsan. Isang linggo lang naman akong makikitira sa inyo. Kapag nakahanap ako ng trababo ay maghahanap ako ng malilipatan dito sa Maynila,” sabi ng lalaki.
“Ano pa ba’ng magagawa ko, pero wala nang bakanteng kwarto rito sa bahay, dito ka matutulog sa sala, diyan sa sahig. Hindi mo puwedeng buksan ang aircon dahil nagtitipid kami sa kuryente. Bentilador lang ang maaari niyong gamitin,” sagot ni Marisol sa pinsan.
Naging matabang ang pakikitungo niya sa pinsan, pati mga anak niya ay ayaw din na naroon ito sa kanila. Bakit daw nagdagdag pa ng palamunin?
Minsang nakisuyo si Elmer sa anak na babae ni Marisol na kung puwede itong makitawag sa selpon nito, may kakausapin lang na kakilala sa probinsya ngunit tumanggi ang dalagita na pagbigyan ang lalaki. Pinakiusapan din ni Elmer si Topee na kung maaari ay makigamit ng laptop para sa pagpapasa ng resume sa online pero tinanggihan din ito ng binatilyo.
Makalipas ang ilang linggo ay umalis na rin sa kanilang bahay ang pinsang si Elmer. Ang sabi nito’y makikituloy na lamang sa isa pa nilang kamag-anak na malapit sa inaaplayang agency. Sa pag-alis nito sa kanilang poder ay nagpatuloy ang pagiging mayabang ng mag-iina dahil sa mga ipinapadalang kung anu-ano ng asawang si Cardo ngunit isang araw, hindi magandang balita ang bumungad kay Marisol nang tawagan siya ng mister.
“H-hello, honey, b-baka hindi na ako makapagpadala ng pera sa inyo. Nagsara ang kumpanyang pinapasukan ko rito sa Qatar at isa ako sa mga nawalan ng trabaho. Habang naghahanap ako ng bagong trabaho ay tipirin niyo na muna ang pera na huli kong ipinadala ha?” malungkot na sabi ng lalaki sa kabilang linya.
Sa tinuran ng asawa ay laking panlulumo ni Marisol. Nagdaan ang isang buwan, dahil nahirapan nang makahanap ng bagong mapapasukan ay napilitan ang asawa niyang si Cardo na bumalik at sa Pilipinas na lang maghanap ng trabaho. Ang masaklap ay na wala itong naipong pera at baon pa sa utang dahil sa panay ang padala nito noon para sa mga luho nila. Naubos na rin ang ipon ni Marisol kaya ang laki ng problema nila nang mawalan ng trabaho ang mister. Kahit pa nakauwi na ay nahihirapan pa ring makahanap ng bagong trabaho si Cardo at wala rin namang trabaho si Marisol kaya napilitan silang magbenta ng ilang mga gamit sa bahay.
Biglang nanlumo ang anak nilang si Lianne dahil wala itong nagawa kundi ibenta ang bagong selpon upang makatulong sa kanilang pamilya. Ipinagbili rin nila ang bagong laptop ni Topee. Ang pinagbentahan nila ng mga gamit ay napunta lang sa pagbabayad nila ng utang. Ang dati nilang mariwasang buhay ay biglang naglaho, bumalik ulit sila sa hirap.
Mas lalo silang nanlumo nang malaman nilang asensado na ang pinsan ni Marisol na si Elmer. Natanggap ito sa inaplayang kumpanya sa Saudi. Dahil masipag at mahusay sa trabaho ang lalaki ay madali itong na-promote. Mataas na ang posisyon nito at malaki na rin ang kinikita sa Saudi. Mas malaki pa sa kita noon ni Cardo.
Dahil sa natuklasan ay nawala ang yabang ni Marisol at ng kaniyang mga anak nang biglang nagkapalit ang mundo nila ng kanyang pinsan. Sobrang pagsisisi niya dahil sa hindi maayos na pakikitungo nila sa kanyang pinsan noon. Napagtanto niya na iyon na siguro ang karma nila sa hindi pag-apak sa lupa at pagiging mapagmataaas.