Isinauli ng Lalaki ang Nahulog na Pera ng Matanda; Suwerte Pala ang Hatid Nito sa Kaniya

“Napakamalas ko naman! Kung kailan malapit nang manganak ang misis ko saka naman ako nawalan ng trabaho,” nanlulumong sabi ni Mateo sa sarili habang naglalakad pauwi.

Nagbawas ng mga trabahador sa pinapasukan niyang pabrika dahil nalulugi na raw ito at isa siya sa mga nawalan ng trabaho. Ang malungkot na balitang iyon ay mas nagpasakit pang lalo sa ulo niya dahil sumabay pa ito sa nalalapit na panganganak ng kaniyang asawa.

Pagdating niya sa bahay ay napansin agad ng misis niya ang pagkalugmok niya.

“O, mabuti naman at umuwi ka na. T-Teka, b-bakit parang pinagsakluban ng langit at lupa iyang mukha mo?” tanong ni Racquel.

“Wala na akong trabaho, mahal. Nalulugi na raw ang pabrika kaya nagbawas ng mga empleyado, isa ako sa mga natanggal,” sagot niya sa malungkot na boses.

“Ano?! Kung kailan pa na malapit na akong manganak saka ka nawalan ng trabaho? Saan tayo kukuha ng perang gagamitin sa panganganak ko?” nag-aalalang sabi ng kaniyang misis.

“Huwag kang mag-alala, mahal, may naipon naman ako, pero hindi ko alam kung sasapat iyon sa panganganak mo. Hayaan mo at maghahanap agad ako ng trabaho.”

Kinaumagahan ay nagsimulang maghanap ng trabaho si Mateo. Nagpasa siya ng resume sa mga kumpanyang pinuntahan niya ngunit palaging sinasabi ay tatawagan na lang siya.

Advertisement

“Marami na akong inaplayan at pinadalhan ng resume pero wala pa rin akong natatanggap na tawag,” malungkot niyang sambit habang naglalakad sa init ng araw.

Sa isang pabrika na pinuntahan niya ay halos ipagtabuyan siya ng guwardiya roon.

“Umalis ka na, sir. Wala kaming bakante rito!” inis na sabi ng masungit na lalaking guwardiya.

“Magpapasa lang naman ako ng resume, baka sakaling magkaroon kayo ng bakante, kuya,” tugon niya.

“Aba, ang kulit mo rin, ano? Sinabi ko na sa iyo na walang bakante, wala! Umalis ka na bago pa ako tumawag ng pulis!” anas pa ng guwardiya.

Kakamut-kamot na umalis si Mateo.

“Napakasama naman ng ugali ng guwardiyang iyon,” bulong niya sa isip.

Ngunit kahit sinungitan sa inaplayan niya, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Mateo. Patuloy pa rin siyang nagpakatatag.

Advertisement

“Susuwertehin din ako,” aniya pa.

Pag-uwi niya sa bahay ay nagpadala rin siya ng resume gamit ang email sa iba pang kumpanyang inaplayan niya ngunit kahit doon ay walang sumasagot sa kaniya. Sa isip niya ay mahirap na talagang makahanap ng mapapasukang trabaho lalo na at kuwarenta anyos na siya. Sa kabila niyon ay patuloy siyang nagdasal at naniniwalang mabibigyan ulit siya ng pagkakataon.

Habang naglalakad siya papunta sa aaplayang trabaho ay may napansin siya.

“Naku, nahulog ‘yung pera nung mama!”

Nakita niya ang isang matandang lalaki na bumaba sa kotse. May hawak itong perang papel na inilagay sa bulsa ng pantalon nito ngunit hindi iyon pumasok at nalaglag sa semento. Hindi alam ng matanda na nahulugan ito ng pera.

Dali-dali niyang tinawag ang matanda.

“Sir, sir!

Narinig naman ng lalaki ang boses niya kaya napalingon ito.

Advertisement

“B-bakit?”

Pinulot ni Mateo ang perang papel sa semento at ibinalik sa may-ari.

“Nahulog po itong pera habang inilalgay niyo sa bulsa,” wika niya.

Ikinagulat ng matanda ang ginawa ni Mateo.

“Aba, salamat, hijo! Hindi ko akalain na may gaya mo na gagawa ng ganito! Kung ibang tao siguro ang nakakita ay aangkinin na ang perang ito. Napakabuti mo naman. Ano ang pangalan mo?” wika ng matanda.

“Ako po si Mateo. Wala pong anuman. Sa inyo po ang perang iyan, wala po akong karapatan na angkinin iyan dahil alam ko po na mayroong nagmamay-ari,” sagot pa niya.

Mas lalo niyang napahanga ang matandang lalaki. Tinanong nito kung ano ang ginagawa niya sa lugar na iyon, nang sabihin niyang mag-aapply siya ng trabaho ay agad itong nagpakilala sa kaniya.

“Ako nga pala si Rodrigo Palma, ako ang may-ari ng kumpanyang iyan sa iyong harapan,” sabi ng matanda.

Advertisement

Napamulagat si Mateo.

“Ho? K-kayo po ang may-ari?!” gulat niyang sambit.

“Dahil napahanga mo ako sa iyong ginawa, halika sa loob at bibigyan kita ng trabaho. Tamang-tama, nangangailangan ako ng isa pang staff sa aking kumpanya,” nakangiting sabi ni Mr. Palma.

Hindi makapaniwala si Mateo sa suwerteng dumating sa kaniya. Sa simpleng pagtulong sa kaniyang kapwa ay nagkaroon siya ng bagong trabaho. Labis niyang ipinagpapasalamat sa mabait na matanda ang pagtanggap nito sa kaniya. Tuwang-tuwa siya pag-uwi niya sa bahay nila.

“Mahal ko, may trabaho na ako!”

“Talaga? May trabaho ka na?”

Ikunuwento niya sa kaniyang asawa ang nangyari. Ikinagulat din nito ang sinabi niya at nagpapasalamat din ito dahil agad na dininig ng Diyos ang kanilang panalangin.

Dahil may bago nang trabaho si Mateo ay hindi na siya nagkaroon ng problema sa perang gagamitin sa panganganak ng kaniyang misis. Naging maayos ang trabaho niya sa pinapasukang kumpanya dahil napakabait ng boss niyang si Mr. Palma at mga katrabaho niya roon. ‘Di nagtagal ay na-promote siya at naging manager dahil na rin sa kaniyang pagiging masipag na empleyado. Maayos ding nailuwal ng misis niya ang kanilang panganay na anak.