
Ikinagulat ng Doktor Kung Sino ang Dumating na Pasyente; May Mabubuo Pala sa Nangyaring Iyon
Ilang taon nang nagtatrabaho sa isang pribadong ospital si Dominic bilang doktor. Sa araw na iyon ay abalang-abala siya sa emergency room nang ipasok ang isang pasyente.
Agad niya itong nilapitan pero nagulat siya nang makilala ito.
“H-huh? Serena?” sambit niya.
“D-Dominic?” gulat ding sabi ng babae.
Si Serena ang dati niyang kasintahan. Umabot ding pitong taon ang kanilang relasyon. Ngayon ay muli silang pinagtagpo ng pagkakataon. Sa kanilang muling pagkikita ay biglang nagbalik ang mga alaala ngunit sa oras na iyon ay mas mahalaga ang sinumpaang tungkulin ni Dominic.
“Relaks ka lang, I’ll take care of you,” wika ng lalaki.
Nawala ang kaba ni Serena sa sinabing iyon ng dating nobyo. Nagkaroon siya ng kapanatagan, napagtanto niya ang kahalagahan sa kaniya ng pagkakataong iyon na makita ang lalaking una niyang minahal.
Makalipas ang ilang oras ay maayos na nailuwal ni Serena ang kaniyang sanggol.
“Congratulations, lalaki ang anak mo, Serena,” masayang wika ni Dominic.
Napaluha sa sobrang kaligayahan ang babae.
“Talaga? Salamat sa Diyos at maayos kong naipanganak ang aking anak. Gusto ko siyang makita,” sambit ni Serena kay Dominic.
Maya maya ay ipinakita ni Dominic ang sanggol ni Serena. Mas lalong napahagulgol sa sobrang tuwa ang babae.
“Nanay na ako, Dominic. Nanay na ako!”
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Serena nang mahawakan niya ang kaniyang anak.
“Ang kyut, kyut ng baby ko, ano?” sabi ni Serena na proud na proud.
Napangiti at tumango si Dominic sa tinuran ng babae.
“Oo, napakaguwapo ng anak mo. May pinagmanahan naman kasi,” aniya.
Nang biglang iniba ni Serena ang usapan.
“K-kumusta ka na, Dominic?” tanong ng babae.
“Hindi ba ako ang dapat magtanong sa iyo niyan?” balik na tanong ni Dominic.
“Well, there’s nothing much to say except of course na nanay na nga ako,” natatawang sagot ni Serena.
Saglit na tumahimik si Dominic, muling nagtanong.
“H-how about the father…darating ba siya ngayon?” aniya.
Noon niya nakitang may gumuhit na kalungkutan sa mga mata ni Serena.
“Hindi ko na inaasahan na tatanggapin niya ang anak namin,” sagot ng babae.
Napamulagat si Dominic sa sinabi ng dating nobya.
“A-anong ibig mong sabihin, Serena?”
Hindi na napigilan ng babae na maiyak.
“Tutol naman siya rito kahit noon pa, eh. Sa pagkakaroon ng anak…kaya bakit pa niya dapat na malaman pa?”
Biglang nag-iba ang mukha ni Dominic sa tinuran ni Serena.
“O, God! H-huwag mong sabihin na…”
Hindi nagawang magkaila pa ni Serena. Tumango siya.
“T-tama ka, Dominic, ikaw ang ama ng aking anak. Mula nang maghiwalay tayo’y hindi ko sinabi ko sa iyo na nagbunga ang isang gabing namagitan sa atin dahil sinabi mo sa akin na hindi ka pa handang magkaroon ng pananagutan. Mas mahalaga sa iyo ang propesyon mo kaysa pagkakaroon natin ng anak, kaya naisip kong solohin na lang ang responsibilidad at tuluyan kang palayain. Ayokong ipilit sa iyo ang ayaw mo. Hindi totoong may iba na akong mahal kaya ako nakipaghiwalay sa iyo. Alam mo na ikaw lang ang lalaking minahal ko at wala nang iba. Ito ang dahilan kung bakit mas pinili kong lumayo dahil ayokong maging hadlang kami ng iyong anak sa propesyon at mga pangarap mo,” bunyag ni Serena.
Hindi nakakilos si Dominic sa pagtatapat na iyon ni Serena, nang mahimasmasan…
“B-bakit hindi mo sinabi sa akin? Karapatan ko ring malaman ang totoo,” wika ni Dominic.
“Sorry, ang akala ko’y maitatago ko sa iyo pero nang muli tayong nagkita ay tadhana na marahil ang naglapit sa atin upang malaman mo na ang katotohanan, na isa ka nang ama, Dominic,” tugon ni Serena na patuloy ang pagdaloy ng luha sa mga mata.
Hindi na rin napigilan ni Dominic na maluha nang pagmasdan niya ang sanggol na nakapatong sa dibdib ni Serena. Dahan-dahan niyang hinawakan, kinarga at niyakap ang sanggol na sariling dugo’t laman pala niya.
“Patawarin mo ako, anak. Patawarin niyo ako ng nanay mo kung naging mahina ako noon at natakot sa pananagutan. Mabuti na lang at iniadya ng tadhana na magkita-kita tayong muli para ituwid ang aking pagkakamali. Nagpapasalamat ako dahil binigyan ako ng pagkakataon na maging ama sa iyo at asawa sa iyong ina, anak,” sambit ni Dominic.
Sa sinabi ng lalaki ay muling nabuhay ang kaligayahan sa puso ni Serena. Tinatanggap na ni Dominic ang responsibilidad bilang ama at gusto rin nitong gampanan ang responsibilidad sa kaniya bilang asawa.
“D-Dominic?”
“Oo, Serena, kahit kailan ay hindi naman nawala ang pagmamahal ko sa iyo, ikaw pa rin ang kauna-unahang babae na nagpatibok ng aking puso kaya nakahanda akong pakasalan ka sa kahit saang simbahan at kahit anong araw pa. Hinding-hindi ko na kayo papakawalan ng ating anak,” masayang sabi ng lalaki sabay yakap din nang mahigpit kay Serena.
Sa mga sandaling iyon ay umaapaw ang pag-ibig ng isang pamilyang nabuo sa ‘di inaasahang pagkakaton. ‘Di nagtagal ay ikinasal sina Dominic at Serena at kasalukuyang namumuhay nang masaya kasama ang kanilang anak na pinangalanan nilang Prince.