Inday TrendingInday Trending
Nag-aalala na ang Ginang dahil Wala na Siyang Panghanda sa Noche Buena; Napahanga Siya ng Kaniyang Anak sa Diskarteng Ginawa Nito

Nag-aalala na ang Ginang dahil Wala na Siyang Panghanda sa Noche Buena; Napahanga Siya ng Kaniyang Anak sa Diskarteng Ginawa Nito

Ngayong palapit na nang palapit ang Pasko, hindi na matigil kakaisip ang ginang na si Jessa kung saan siya kukuha ng pera upang makabili ng ipanghahanda niya sa Noche Buena.

Sapat lang kasi ang kinikita niya sa pagtitinda ng mga ihaw-ihaw sa mga bayarin nila sa bahay, kaniyang mga utang, at pangbaon ng kaniyang nag-iisang anak. Gustuhin man niyang humingi ng tulong sa asawa niyang nangibang bahay na upang mairaos nilang mag-ina ang Pasko, hindi niya magawa dahil ayaw niya namang magmukhang kawawa sa harap ng bago nitong asawa na mas matapang pa kaysa sa kaniya.

Isang linggo bago sumapit ang Pasko, habang sila’y kumakain ng almusal ng kaniyang anak bago siya maghanda para sa ititinda niyang ihaw mamayang hapon, napunta ang kwentuhan nilang mag-ina sa selebrasyong gagawin nila sa Pasko.

“Kahit spaghetti lang ang handa natin, mama, ayos na ayos na po sa akin ‘yon! Ang tagal ko na pong hindi nakakakain no’n, eh. Ang huling beses po yata nang makatikim ako ng spaghetti ay noong kaarawan ng kaklase ko noong isang taon pa!” nasasabik na sabi ng kaniyang anak habang tumatalon-talon pa.

“Gusto ko nga rin sana magluto no’n, anak, dahil nga alam kong paborito mo ‘yon. Kaya lang, mahal ang mga sakap sa pagluluto no’n, eh. Mukha ngang kahit lechong manok o ham, hindi ako makakabili dahil sa dami ng bayarin,” tapat niyang tugon dito saka malalim na huminga.

“Ako pong bahala, mama! Sisiguraduhin ko pong magkakaroon tayo ng spaghetti sa Noche Buena! Kung gusto niyo po, bibili pa ako ng ham at lechong manok, eh!” pagyayabang nito na ikinatawa niya.

“Naku, saan ka naman kukuha ng pera para matupad ‘yang mga sinasabi mo? Pilyong bata ka talaga!” sabi niya rito saka niya ginulo-gulo ang buhok nito. Nakangiti man siya sa harap nito, tila pinipiraso-piraso ang puso niya dahil hindi niya matugunan ang kagustuhan ng kaniyang anak.

Pagkatapos ng usapan nilang iyon, agad niya na ring inasikaso ang kaniyang mga paninda katuwang ang anak niyang ito. Ilang oras pa ang nakalipas, pagsapit ng oras ng meryenda, nilatag niya na rin ang kaniyang mga panindang ihaw sa harap ng kanilang bahay habang hinahayaang makipaglaro sa ibang bata ang kaniyang anak.

Ganoon ang ginagawa nilang mag-ina sa araw-araw hanggang sa napansin niyang tuwing sasapit na ang dilim, nawawala na sa paningin niya ang kaniyang anak. Umuuwi pa itong puno ng pawis at gutom na gutom.

“Saan ka ba nagsususuot, anak? Bakit gan’yan ang itsura mo?” tanong niya rito habang nilalantakan nito ang pagkaing binigay niya.

“Naglalaro lang po ako, mama! Nandoon lang po ako sa bahay ng kaklase ko sa kabilang barangay,” sabi nito habang nagmamadaling kumain. Maya maya pa, muli na naman itong umalis at dahil nga wala naman itong gagawin sa kanilang bahay, hinahayaan niya na lang ito upang huwag malungkot at mabugnot.

Isang araw bago ang Kapaskuhan, habang ang mga tao’y nakikipagsiksikan sa palengke upang makabili ng mga panghanda sa Noche Buena mamayang gabi, siya’y tahimik lang na nakatanaw sa kanilang bintana.

“Lilipas din naman ang araw na ito. Hindi na importante sa mga katulad naming isang kahid, isang tuka, ang magkaroon nang maraming pagkain sa araw na ito. Ang mahalaga, ligtas at magkasama kami ng anak ko sa darating na Pasko,” pangungumbinsi niya sa sarili habang pinupunasan ang kaniyang mga luha.

Ngunit habang siya’y nagpupunas ng luha, nakita niya mula sa kanilang bintana na bumaba mula sa isang tricyle ang kaniyang anak. May bitbit-bitbit itong isang bilao ng spaghetti, lechong manok, ham, at may ilang mga prutas pa!

“Diyos ko, saan galing ‘yan?” gulat na gulat niyang tanong dito.

“Sabi ko naman po sa’yo, mama, bibilhan kita ng mga ito! Dalawang linggo po akong nangaroling mag-isa, mama. Sa mga gabi pong iyon, may mga pagkakataon na may natutuwa sa aking mga matatanda at binibigyan ako nang malaking halaga lalo na kapag nalalaman nila ang dahilan kung bakit ako nangangaroling mag-isa!” kwento nito na talagang nagpataba ng puso niya.

“Maraming salamat, anak!” sabi niya saka niya ito niyakap.

“Huwag ka po sa akin magpasalamat, mama! Dapat kang magpasalamat sa Poong Maykapal at sa mga taong nagbigay tulong sa akin!” payo nito na agad naman niyang sinunod dahil sa sobrang saya.

“Maraming salamat sa inyong lahat!” sigaw niya na ikinatawa nito saka na sila nagdesisyong asikasuhin ang kanilang mga handa lalo na ang spaghetti na paborito ng kaniyang anak.

Dalawa man lang silang magdidiwang ng Pasko, buong-buo ang kasiyahang nararamdaman niya. Ito’y hindi lang dahil may handa sila ngayon, kung hindi dahil ngayo’y napatunayan niya na kahit mag-isa niya lang pinalaki ang kaniyang anak, naging isang mabuti itong bata.

“Ikaw ang pinakamagandang regalong natanggap ko ngayong Pasko, anak!” mangiyakngiyak niyang sabi rito habang sabay nilang pinagsasaluhan ang handang pinaghirapan nito.

“Ikaw rin po ang pinakamagandang regalong matatanggap ko sa buong buhay ko! Habambuhay ko po kayong papasiyahin, susundin, at mamahalin, mama!” sabi pa nito na lalo niyang ikinaiyak saka sila muling nagbatiin ng “Maligayang Pasko!”

Advertisement