Kumanta Siya sa Parke para Makalikom ng Pera; Isang Ginoo ang Biglang Naglagay ng Tseke sa Kaniyang Lata

Malapit na ang araw ng bayaran ng tuition fee ng binatang si Isagani ngunit ni singkong duling, wala pa siyang nalilikom dahilan para ganoon na lamang siya mamoblema.

Sasahod man siya sa trabaho niya bilang taga-luto sa isang karinderya sa kanilang barangay, sasakto lang ang kikitain niya roon upang matugunan niya ang pangangailangan ng kaniyang pamilya kagaya ng pagkain at tubig.

Sa katunayan, wala na sa kalahati ang sasahurin niya sa karinderyang iyon dahil bukod sa ilang araw siyang hindi nakapasok sa trabaho, nakuha na niya nang mas maaga ang iba niyang sahod upang makapagpatingin sa doktor at makabili siya ng kaniyang gamot. 

Mayroon kasi siyang sakit sa puso nang isilang palang siya ng kaniyang ina. Normal naman ang kaniyang pagkilos kaya lang, sa tuwing sinusumpong siya ng sakit at nahihirapang huminga, roon na siya natataranta kung paano ang dapat niyang gawin dahil wala nga siyang sapat na pera pambili ng kung anu-anong kailangan sa sakit niya.

Nais man niya sanang humingi ng tulong sa ilan nilang kaanak ay hindi niya magawa dahil sila’y pinagdadamutan ng mga ito. Hindi rin naman siya matulungan ng kaniyang mga magulang na pawang hindi nakapag-aral at tanging pagbabasura ang pinagkakakitaan.

Kaya naman, kahit hirap na hirap na siyang isabay ang sakit at trabaho niya sa kaniyang pag-aaral, hindi niya pa rin ito sinusuko dahil alam niya, ito lang ang tanging paraan upang maiahon niya sa kahirapan ang pamilya at mapagamot niya ang kaniyang sarili.

Ngayong wala na siyang ibang maisip na paraan para kumita ng pera, kinuha niya ang bulok niyang gitara at kumanta sa parkeng dinadagsa ng mga tao. 

“Sigurado ka bang kikita ka rito, anak? Sumama ka na lang sa amin sa pamamasura, maraming pwedeng ibenta ngayong kalakal dito lalo na’t maraming tao!” alok ng kaniyang ina.

Advertisement

“Kikita po ako, nanay, pangako po!” masaya niyang sabi rito saka nagsimulang tumugtog at kumanta roon.

May mga estrangherong naglalagay ng ilang barya sa latang nasa harap niya habang aliw na aliw sa pakikinig sa maganda niyang boses.

Habang siya’y kumakanta at tumutugtog ng gitara, natanaw niya ang isang ginoong umiiyak sa isang gilid habang nakatingin sa kaniya. Buong akala niya’y naiiyak lang ito dahil malungkot ang kinakanta niyang kanta kaya hinayaan niya lang na umiyak iyon.

Ngunit pagkatapos niyang kumanta, imbes na barya ang ihulog nito sa kaniyang lata, nagulantang siya nang tseke ang ilagay nito roon dahilan para agad-agad niya itong tingnan.

“Dalawampung libong piso po, sir? Sobrang laki naman po nito! Hindi ko po ito matatanggap!” tanggi niya. 

“Pakiusap, tanggapin mo na ‘yan, hijo,” sagot nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Sir, kahit sobrang kailangan ko po ng pera ito, hindi ko po…” nagulat siya nang patigilin siya nito sa pagsasalita.

“Alam mo ba, kaboses mo ang kakambal kong sa edad na dalawampu’t isa ay nabawian ng buhay dahil sa sakit sa puso. Hanggang ngayon hindi ko mapatawad ang sarili ko dahil wala akong magawa noon para mapagamot siya. Wala pa kasi akong pera noon kaya ngayong may pera na ako, gusto kong tulungan ang mga katulad mong nangangailangan,” kwento nito na lalo niyang ikinagulantang.

Advertisement

“Talaga po? Dalawampu’t isang taon din po ako at may sakit din po ako sa puso, sir,” kwento niya rito dahilan para maiyak itong muli at siya’y yakapin. 

“Totoo ba ‘yan? Halika, sasamahan kitang magpatingin sa kaibigan kong doktor!” yaya nito, nagdadalawang-isip man siya sa kagustuhan nito dahil nga siya’y nahihiya pa rito, hindi niya alam kung bakit tila ba hinihila siya ng kaniyang mga paa na sumunod sa ginoong iyon.

Habang naghihintay sila na siya’y matingnan ng doktor, nagpakwento nang nagpakwento tungkol sa buhay niya ang ginoo na masaya naman niyang sinunod. Nang mabanggit niyang siya’y nag-aaral pa habang nagtatrabaho, labis itong humanga sa kaniya.

“Sige, hijo, pati pag-aaral mo, sasagutin ko na,” sabi nito saka agad na tumawag sa paaralang pinagtatrababuhan niya na ikinatalon niya sa tuwa.

Matapos siyang tingnan ng doktor at malamang kailangan na niyang operahan, agad siyang tinanong ng ginoo kung gusto niya na bang magpaopera.

“Minsan lang po ako makatagpo ng isang katulad niyo at kailangan kong gumaling para sa pamilya ko, kaya opo, paoperahan niyo na po ako,” sagot niya na ikinatuwa nito dahilan para agad siya nitong paoperahan.

Doon na unti-unting nagkaroon ng kulay ang kaniyang buhay. Bukod sa wala na siyang iniindang sakit, panatag pa siyang siya’y makakapagtapos ng pag-aaral kahit pa maliit ang sahod niya sa karinderya.

“Salamat po, hulog talaga kayo ng langit para sa akin!” mangiyakngiyak niyang sabi nang muli siya nitong bigyan ng pera pampagawa naman ng kanilang bahay.

Advertisement

“Hindi, hijo, salamat sa’yo. Nabigyan mo ako ng pagkakataon para mapatawad ang sarili ko sa pagkawala ng kakambal ko. Ikaw ang naging simbolo ng yumao kong kapatid at masaya akong tulungan ka hanggang sa abot ng makakaya ko,” tugon nito saka hiniling na siya’y muling kumanta na labis namang nagbigay ligaya rito.