
Kinupkop at Tinulungan Niya ang Kaibigan; Pagkadurog ng Puso Lang Pala ang Maigaganti Nito
Pinagkasunduan ng magkaibigang sila Emcee at Abby na magtutulungan silang dalawa upang sabay na umangat sa buhay. Labinlimang taong gulang pa lang sila noong magsimula silang maghanap ng pagkakakitaang dalawa habang sila’y nag-aaral sa hayskul.
Nagtitinda sila ng mga matatamis sa kanilang paaralan kagaya ng pastillas, yema, graham balls, at kung ano pang pagkaing pupwede nilang ibenta na pasok sa maliit nilang puhunan na mula sa kanilang mga baon sa eskwela.
Sa ganoong paraan, nadodoble na ang kanilang pera, lumalalim pa ang kanilang samahan hanggang sa sila’y makapagtapos na ng pag-aaral sa tulong ng isang simbahang sumagot ng kanilang tuition fee sa kolehiyo.
Pagkatapos na pagkatapos nilang mag-aral, agad silang nakipagsapalaran sa magkaibang bansa. Si Emcee ay nagtungo sa Canada na agad naging isang ganap na nars doon at nakahanap pa ng isang foreigner na nagbigay lalo sa kaniya nang kasiyahan habang si Abby naman ay nagtungo sa Saudi upang maging caregiver na may maganda ring buhay doon.
Parehas silang nakapagbigay ng malaking tulong sa kani-kanilang pamilya noong mga unang buwan nila sa trabaho, kaya lang, paglipas pa ng isang taon, bigla na lang nakatanggap ng mensahe si Emcee mula sa kaniyang matalik na kaibigan na ito’y pinagsasamantalahan ng amo nito at ilang buwan nang hindi pinapasahod.
Dahil nga may sapat naman siyang pera at gusto niyang tuparin ang pangako nila sa isa’t-isa sa magtutulungan, dali-dali niya itong tinulungan upang makasuhan ang amo nito saka niya ito kinuha at pinatira sa bahay nila ng kaniyang asawa sa Canada.
“Salamat talaga sa’yo, Emcee, ha? Asahan mong babawi talaga ako sa’yo kapag nakaahon ako sa bangungot na ito,” hikbi nito dahilan para yakapin niya ito nang mahigpit.
Naging magaan naman ang pakikisama niya sa kaibigan niyang ito. Wala ring masabi ang asawa niya sa kabaitan nito dahilan para agad na magkalapit ang loob ng dalawa.
Kaya lang, pagsapit ng disperas ng Bagong Taon, habang hinihintay nila ang pagsapit ng alas dose at nag-iinuman, napansin niyang nagiging palahawak na ang kaniyang kaibigan sa asawa niya.
Noong una’y hinahayaan niya lang ito dahil naisip niyang baka nga sobrang palagay na ang loob ng dalawa sa isa’t-isa, ngunit nang mapansin niyang nagbabanyo rin ang kaibigan niya sa tuwing nagbabanyo ang kaniyang asawa, roon na siya nagkaroon nang masamang kutob.
“Bakit ka ba ihi nang ihi, mahal? Buntis ka ba?” biro niya sa Canadian na nakakaintindi naman ng tagalog dahil sa kaniya.
“No!” patawa-tawa nitong sagot saka muling uminom ng alak na nasa harapan nila.
Kokomprontahin niya na sana ang kaibigan niyang panay pa rin ang dikit sa kaniyang asawa nang bigla namang dumating ang ilan nilang kapitbahay upang makikain sa kanila.
Dito na nawala sa isip niya ang paghihinalang nararamdaman dahil inasikaso niya ang mga ito habang karga-karga ang isang taong gulang nilang anak.
Ngunit maya maya, habang masaya siyang nakikipagkwentuhan sa isa nilang kapitbahay, napansin niya na namang nagtungo sa banyo ang kaniyang asawa at katulad ng inaasahan niya, maya maya’y sumunod muli ang kaibigan niya.
Doon na siya nagdesisyong sundan din ang mga ito. Pinahawak niya sa kausap niyang kapitbahay ang kanilang anak saka agad na kinuha ang selpon niya upang bidyuhan kung ano mang eksena ang mahuhuli niya.
Pagkarating niya sa kanilang palikuran, katulad ng hinala niya, nakita niyang may nangyayari sa asawa’t kaibigan niya. Ilang minuto niya pang napanuod ang masakit na tagpong ito dahil hindi nararamdaman ng dalawa ang kaniyang presensya. Tumigil at nagkalas lang ang mga ito nang marinig ang hikbi niya at makitang may hawak siyang selpon at kumukuha ng bidyo ng kababalaghang ginagawa nila.
“Emcee! Mali ang inaakala mo! Pasensya ka na, lasing lang ako!” agad na pangangatwiran ng kaniyang kaibigan.
“Lasing ka lang? Katwiran ba ‘yan, Abby? Tinulungan kita at kinupkop tapos ito ang igaganti mo sa akin?” sigaw niya rito saka niya ito malakas na sinampal, “At ikaw! Isusumite ko ang bidyong ito sa korte upang agad na maaprubahan ang pagpapawalang bisa ng kasal natin! Asahan mong walang matitira sa’yong pera sa bangko nating dalawa dahil sa ginawa mong ito!” bulyaw niya sa asawang agad na nanghina dahil sa sinabi niya.
Kinabukasan, sa unang araw ng taon, agad niyang binulabog ang korte sa lungsod nila roon at agad na nagsumite ng divorce papers kasama ang bidyong nakuhanan niya.
Dahil sa tibay ng ebidensyang nagtataksil ang asawa niya, nawalan na ng karapatan ang asawa niya sa lahat ng yaman nila roon, mapa-pera man, negosyo at lupa, nawalan pa ito ng karapatan sa kanilang anak na talagang ikinaguho ng mundo nito.
Hindi pa siya nakuntento roon at pinalayas niya ito kasama ang kaibigan niyang higad sa kaniyang pamamahay.Sobrang hirap man sa kaniya na tanggapin ang lahat ng pangyayaring iyon na dumurog ng puso’t kaluluwa niya, tinibayan niya ang kaniyang loob para sa kaniyang anak at doon niya napagtantong wala na siyang iba pang pwedeng pagkatiwalaan bukod sa sarili niya.