Inday TrendingInday Trending
Hindi Man Sigurado na Mababayaran ay Tinulungan Niya ang Kumare; Makalipas ang Ilang Taon ay Muling Nag-Krus ang Landas Nila

Hindi Man Sigurado na Mababayaran ay Tinulungan Niya ang Kumare; Makalipas ang Ilang Taon ay Muling Nag-Krus ang Landas Nila

Napabalikwas si Cathy nang marinig ang mahihinang katok sa pinto nila. Nang sulyapan niya ang orasan sa dingding ay nagtaka siya. Wala pa kasing alas sais ng umaga.

Bago pa magising ang buo nilang kabahayan ay nagmamadali niya nang tinungo ang pinto upang pagbuksan ang bisita.

Nabungaran niya ang kapitbahay na si Luz. Bitbit pa nito ang anak nitong mag-iisang taong gulang pa lamang.

“Ano’ng atin, mare?” usisa niya sa kaibigan.

Isang nahihiyang ngiti ang sumilay sa labi nito.

“Mare, manghihiram sana ako ng pera… pambili namin kahit panglugaw lang. Simula pa kasi kagabi ay hindi pa kumakain ang mga bata. Ito nga’t nag-aalboroto na,” tukoy nito sa anak na patuloy ang pag-ingit at pagpiglas.

Nakaramdam siya ng awa sa mag-ina.

Ang totoo ay maayos ang buhay ng mga ito noon. Nagbago lang ang lahat nang sumama sa ibang babae ang kumpare niya.

Simula noon ay nagkautang-utang na si Luz upang matustusan ang pangangailangan ng mga anak nito.

Kabi-kabilang bumbay na ang naghahanap dito. Maging ang mga kumare nila ay isa-isa nang umaangal.

“Si Mareng Luz, utang nang utang, wala namang pambayad! Ang kapal ng mukha!”

Iyon ang madalas na laman ng tsismisan sa kanila. Hindi lang siya makaimik dahil bagaman malaki-laki na rin ang utang nito sa kaniya, naaawa naman siya sa mga anak nito.

Sandali lamang siyang nag-atubili ngunit dumukot na rin siya ng isang daan sa kaniyang pitaka.

“Pasensya ka na mare, ha. Ito lang ang mailalabas ko ngayon. Pambili mo na lang ng ulam ito, marami kaming bigas, itatakal na lang kita,” aniya.

Mangiyak-ngiyak ang babae sa labis na pasasalamat.

Nang makaalis ang kumare niya ay saka niya lamang napansin ang dismayadong tingin na ipinukol ng asawa niya na kagigising lang din.

“Naku, nagpauto ka na naman sa kumare mo! Hindi naman makakabayad ‘yun, pero patuloy ang pagpapautang mo. Aba, magtipid ka naman, Cathy! Kaya tayo kinakapos, e!” dismayadong litanya nito.

Naiiling na pinagtimpla niya na lang ng kape ang tinotopak na asawa.

“Ikaw naman, hayaan mo na. Isang daan lang naman ‘yun, ang mag-iina kagabi pa hindi kumakain,” paliwanag niya.

Hindi na ito nagsalita ngunit alam niya na hindi ito pabor sa pagtulong niya sa kaniyang kumare. Sayang daw kasi ang pera na hindi naman madaling kitain.

Ang katwiran niya naman, may pera ba talaga nasasayang sa pagtulong sa iba?

Makalipas ang isang buwan ay muling lumapit sa kaniya ang kumare na si Luz. Muli ay nanghihiram ito ng pera.

Subalit sa pagkakataong iyon ay malaki-laki ang hinihiram nito.

“Mare, limang libo? Aba’t kay laki naman yata niyan?” nanlalaki ang matang usisa niya.

“Kasi mare, mag-aayos sana ako ng dokumento. Pupunta sana ako sa ibang bansa. Mangangatulong ako, baka swertehin. Naaawa na rin kasi ako sa mga anak ko,” paliwanag ni Luz. Nasa mukha nito ang lungkot. Halatang hindi nito gusto na mawalay sa mga anak.

“Ganun ba, mare? Parang maganda nga ‘yan. Pero paano ang mga anak mo? Sino mag-aalaga sa kanila?”

Nangilid ang luha nito.

“Sila Nanay na lang muna.”

Sandaling natigilan si Cathy. Hindi naman sila mayaman, kaya para sa kaniya ay malaki ang hinihiram ng kumare niya, at wala namang kasiguraduhan na maibabalik iyon.

Ang kaso ay gusto niya rin naman na makaranas ito ng magandang buhay kahit paano kaya nais niya na suportahan ang pangingibang bansa nito.

Nagdadalawang isip man ay kinuha niya na rin ang pera na pinakatatago-tago niya.

“Ito mare, limang libo ito. Mag-iingat ka doon, ha. Sana makapasok ka, malay mo, diyan ka na pala aasenso,” aniya sa kumare.

Hinawakan nito nang mahigpit ang kamay niya.

“Salamat, mare. Ang laki-laki ng utang ko sa’yo,” nahihiyang pahayag nito.

Nginitian niya ang babae.

“Wala ‘yun, mare. ‘Wag mo nang isipin ‘yun. Basta ay mag-ingat kayo roon, at sisilip-silipin ko rin ang mga anak mo minsan,” pangako niya.

Tuluyan na itong napaiyak.

“Salamat, mare. Pangako, makaluwag-luwag lang ako, ibabalik ko ang lahat ng tulong mo sa akin, may sobra pa,” pangako nito.

Subalit hindi naman nito natupad ang pangako. Nawalan na kasi siya ng balita sa kumare. Akala niya ay babalik ito para kunin ang mga anak nito, ngunit isang araw ay bigla na lamang dinala ang mga bata sa Maynila.

Limang tao ang lumipas, ngunit wala siyang naging balita sa kumare. Ngunit patuloy siyang humihiling na sana ay maayos ang kalagayan nito, maging ng mga anak nito. Umaasa rin siya na muling makita ang kumare.

Isang araw ay nabalitaan niya na lang na may nakabili na ng dating bahay nina Luz. Isang magarang sasakyan ang nakaparada sa tapat ng bahay.

Mukha ring may sinasabi sa buhay ang mag-asawa na nakabili ng bahay. Pawang magagara ang suot ng dalawa, at masasabi talaga na hindi basta-basta ang mga ito.

Ang balita niya ay ipapagawa raw ang bahay.

Napabuntong hininga nang malalim si Cath. Hindi niya kasi maiwasan na mainggit. Pangarap niya rin na maipagawa ang bahay nila, ngunit hindi niya alam kung paano.

May asawa na ang nag-iisa nilang anak, samantalang matanda na silang mag-asawa. Mukhang malabo nang matupad niya ang pangarap.

Napapitlag siya nang makarinig ng sunod-sunod na katok. Nang buksan niya ang pinto ay isang sopistikadang babae ang bumungad sa kaniya. May suot itong itim na salamin.

“S-sino hong h-hanap nila?” nauutal pa na tanong niya.

Ngumiti ang babae bago inalis ang suot nitong salamin. Malaki man ang ipinagbago nito ay kilalang-kilala niya pa rin ang babae.

“Mareng Luz?” nanlalaki ang mata na bulalas niya.

“Ako nga, mare,” anito.

Taranta niyang pinatuloy ang babae upang makipagkumustahan. Sa kwento nito ay nalaman niya na sinuwerte pala ito na mapangasawa ang amo nitong banyaga. Umuwi ito upang ipagawa ang dati nitong bahay!

“Diyos ko, mabuti naman at pinagpala ka!” natutuwang bulalas niya. Masayang-masaya siya sa nakamit ng kaibigan.

Ngumiti ito.

“Salamat, mare. Hindi ko naman ito maabot kung hindi ka tumulong noon sa’kin. Hindi ko nalimutan ang lahat ng ginawa mo para sa akin. Kaya bilang pagtanaw ng utang na loob, ibabalik ko lahat ng hiniram ko sa’yo noon…” anito.

May kung anong papel ito na kinuha sa mamahalin nitong bag at iniabot sa kaniya.

Nanlaki ang mata ni Cathy nang mapagtanto kung ano ang bagay na iyon. Tseke. Nang basahin niya ang detalye ay napanganga siya sa gulat.

“Dalawang milyong piso?” gulat na gulat na bulalas niya.

Tumango ito.

“Oo, mare. Kung kulang pa, sabihan mo lang ako,” anang kumare niya.

“Anong kulang? Sobra-sobra ‘to, mare…” aniya habang pilit na iniaabot dito ang tseke.

Umiling ito bago mahigpit na hinawakan ang kamay niya.

“Kulang pa ‘yan, mare. Hinding-hindi ko mababayaran ang kabaitan mo sa aming mag-iina noon. Sa walang sawa mong pagpapadala ng bigas. Sa paisa-isandaan na pambili ng ulam. At higit sa lahat, ni minsan ay hindi ka nagkait ng tulong sa amin. Siguro ay nabaliw na ako noon kung hindi mo ako inalalayan. Maaring maliit na bagay lang ‘yun sa’yo noon, pero malaking tulong ‘yun sa akin. Kaya matutuwa talaga ako kung tatanggapin mo ‘yan,” madamdaming litanya nito.

“Sige, tatanggapin ko na ito, mare. Salamat. Malaki ang maitutulong nito sa amin,” naluluhang wika niya, habang nakaukit sa isip niya ang isang magandang bahay na matagal niya nang nais ipagawa.

Tila lumolobo sa galak ang puso ni Cathy. Tama naman ang sinabi ni Luz. Maliit na bagay lang ang pagtulong niya rito noon. Ngunit kay laki ng epekto noon sa buhay nito.

Isang bagay ang napagtanto niya—ang maliit na kawanggawa ay kayang baguhin ang buhay ng isang tao, kaya naman ‘wag tayong magkait ng tulong sa kahit na sino.

Advertisement