
Isang Lihim ang Itinatago Niya sa Kaniyang Nobya; Masabi Niya Kaya ang Lahat Dito Ngayong Ikakasal na Sila?
Tila may nakadagan na mabigat sa dibdib ni Dave habang minamasdan niya ang nobya niyang si Jasmine na magandang-maganda sa sinusukat nitong wedding gown.
Bakas ang matinding ligaya sa maganda nitong mukha, kabaliktaran ng nararamdaman niya.
Natigil ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang marahang boses ng kaniyang nobya.
“Hon, bagay ba?” tanong nito.
Isang pilit na ngiti ang ipinukol niya rito.
“Oo naman. Maganda ka naman kahit anong suot mo,” sinserong papuri niya sa nobya.
Namula ang pisngi nito, ngunit hindi napigilang ngumiti.
“Ma’am, panalo naman pala kayo sa boyfriend n’yo! Pogi na, bolero pa!” narinig niyang kantiyaw ng tindera ng gown.
“Ma’am, dapat hindi n’yo pinapakita ang gown kay Sir Pogi. Baka kasi hindi matuloy ang kasal dahil aagawin ko siya sa’yo!” pabirong hirit naman ng isa pang tauhan sa tindahan ng gown.
Napuno ng tawanan ang buong lugar subalit hindi magawang matawa ni Dave. May kinakaharap kasi siya na isang matinding pagsubok.
May lihim siyang itinatago. Lihim na kahit si Jasmine ay walang kaide-ideya.
At wala siyang loob na aminin dito ang totoo dahil paano niya magagawang saktan ang nobya? Sa loob ng limang taon nilang relasyon ay mabibilang lang sa daliri ang mga pagkakataon na nag-away sila.
Mabait kasi ito, maunawain, at magpakumbaba. Kaya nga ito ang babae na gusto niyang pakasalan.
Akala niya ay mapipilit niya ang puso, subalit mali siya.
Bago pa man ito magtanong tungkol sa pagpapakasal nila ay ninais niya nang aminin dito ang totoo.
Ngunit hanggang sa itakda na lang ang araw ng kasal nila ay hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob.
At ngayon, ilang araw na lang ay ikakasal na sila. Mas lalong hindi na siya makakaalis sa relasyon nila kung tuluyan na siyang maitatali rito.
Ilang araw pa ang lumipas. Halos araw-araw ay sinusubok niya na kausapin ito, ngunit sa huli ay naduduwag siya. Maisip niya pa lang na baka umiyak ito at mandiri sa kaniya ay umaatras na siya.
“Ano? Hahayaan mo na lang na masayang ang pagmamahalan natin? Ipaglaban mo naman ako, Dave!” umiiyak na wika ng kausap niya sa kabilang linya.
“Sorry. Mahal kita, pero hindi ko kayang saktan si Jasmine. Pakakasalan ko na siya bukas, kaya itigil na natin ito. Hindi ko lolokohin ang asawa ko,” pinal na wika niya bago ibinaba ang telepono.
Araw ng kasal. Tila dinadaga ang dibdib ni Dave.
“Ito na ‘to. Wala na talagang atrasan,” bulong niya.
Papunta na sana siya ng simbahan nang may humila sa kaniya—ang tunay niyang minamahal. Hilam sa luha ang mata nito.
“Hindi na ba talaga mababago ang isip mo? Hindi ka ba nanghihinayang sa atin? Hindi ka magiging masaya kay Jasmine dahil ako ang mahal mo,” humagahugol na wika nito habang mahigpit ang hawak sa kamay niya.
Tumulo na rin ang luha niya.
“Hindi na. Hindi naman din tayo magiging masaya kung sasaktan natin si Jasmine…” bulong niya.
“Kaya ako na lang ang sasaktan mo? Sarili mo na lang ang sasaktan mo? Sa tingin mo, magiging masaya si Jasmine kapag nalaman niya ang totoo?”
Hindi na siya nagsalita at tinalikuran na ang kausap. Walang lingon-likod siyang nagtungo sa kaniyang paroroonan—sa simbahan kung saan gaganapin ang pag-iisang dibdib nila ng nobya.
Nang makita ni Dave ang kaniyang nobya na lutang na lutang ang ganda sa suot nitong traje de boda ay tuluyan na siyang napaluha.
Gaano man kasi kaganda at ka-perpekto ang mapapangasawa niya ay isang tao lang ang tunay na may hawak ng kaniyang puso. Walang iba kundi ang lalaki sa tabi niya, ang best man niya na si Archie.
Ipinasa ng ama ni Jasmine ang kamay ng dalaga sa kaniya. Mukhang galing din sa pag-iyak ang nobya niya dahil pulang-pula ang mata nito.
“Alagaan mo ang anak ko,” narinig niya pang bulong nito.
Muli na namang nagbadya ang pagtulo ng luha niya.
Nagsimula na ang seremonya.
“Dave, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib si Jasmine na maging kabiyak ng iyong puso, sa habang buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin mo siya sa habangbuhay, gaya ng sagradong utos ng Panginoon?”
Pilit niyang inalis ang bikig sa kaniyang lalamunan bago sumagot.
“O-opo, Father.”
Sa gilid ng kaniyang mata ay kita niya ang pagpupunas ni Archie ng luha. Marahil ay napagtanto na nito na wala nang pag-asa ang pagmamahalan nila.
Bumaling ang pari kay Jasmine.
“At ikaw naman, Jasmine, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib si Dave, na maging kabiyak ng iyong puso, sa habang buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin mo siya sa habangbuhay, gaya ng sagradong utos ng Panginoon?”
Matagal na namayani ang katahimikan. Hindi sumagot si Jasmine kaya muli itong tinanong ng pari.
Nang hindi ito sumagot ay nagkaroon na ng bulung-bulungan. Pinisil niya ang kamay ng nobya. Nang mag-angat ito ng tingin ay umiiyak ito na yumakap sa kaniya.
“Gusto ko na maging masaya ka. At kung hindi ako ang magpapasaya sa’yo, ayoko na itali ka sa akin. ‘Wag kang mag-alala sa akin, Dave. Mas mahalaga sa akin ang kasiyahan mo. Maikli lang ang buhay, Dave. Gusto ko na malaya mong mahalin ang tunay na laman ng puso mo…” bulong nito bago patakbo siyang iniwan sa altar.
Nang makabawi siya sa pagkatigagal ay nagtama ang paningin nila ni Archie. Patakbo niya itong nilapitan at niyakap.
Magkahawak kamay nilang nilisan ang simbahan, hindi alintana ang mga masamang salita na ibinabato ng mga bisita.
Subalit wala na silang kahit na anong kinatatakutan. Nagparaya si Jasmine para sa kaligayahan at kalayaan ng pagmamahalan nila. Hinding-hindi nila sasayangin iyon.